Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Showing posts with label facebook. Show all posts
Showing posts with label facebook. Show all posts

Sunday, August 28, 2011

Kumustasa?

Ah! Na-miss ko ang linyang 'yan!

"Kumustasa?" 'Yan ang pamatay na banat ko palagi tuwing sisimulan ko ang aking litanya dito sa blog na ito; isang uri ng pina-usong Pinoy slang na nagmula sa pinagsamang salita na "Kumusta" o "Hello" sa inggles, at "mustasa" na isang uri ng gulay na nagiging kulay dilaw kapag ginawa na itong "sarsa" para sa mga hamburgers at hotdogs (eew!). At sa lahat ng ngayon lang naka-intindi sa paliwanag na ito e magkakaroon kayo ng "AH! YUN PALA YUN!" trophy bilang award!

Sa kasamaang palad e minalas tayo nang kaunti at 'di ko na muli 'yun nabanggit magmula nung isang taon pa... Sadyang busy lang talaga siguro, at wala na rin akong ibang masabi dito dahil halos nai-share ko na yata ang 1/4 ng utak ko dito sa blog site na ito noong mga nag-daang taon.

Marami ding dahilan kung bakit hindi na ako nakakapag-blog uli.


1.) FACEBOOK AT PLURK

Nandyan ang mga micro-blogging sites tulad ng Plurk (sorry, Twitter fans. Hindi ako mahilig mag Twit-twit), at kahit pati ang Facebook e madalas ko na ring nagagamit sa micro-blogging at sa pagpaparinig sa mga pasaway na utaw na naka-add sa listahan ko. Masarap kasing mag-parinig sa Facebook. Para ka lang parak na nagpapa-putok ng baril tuwing bagong taon at bahala na kung kaninong ulo ang tatamaan. Ganun. At kahit napaka-sagwa ng analogy na ginawa ko, e alam ko rin naman na "guilty" ka rin habang binabasa mo ito dahil malamang sa malamang e nagawa mo na rin ito minsan. Hehehe.


2.) TRABAHO

At hindi ko na rin siguro kailangang ipag-nuknukan pa na isa sa mga dahilan na yun e ang aking trabaho. Para sa mga ngayon lang magagawi dito sa blog na ito, lalo na sa mga napadpad lang dito pagkatapos mag-type ng "MGA-HUBAD-NA-LARAWAN-NI-ANNE-CURTIS-AT-JOSEPHINE-BRACKEN-NA-NAKATUWAD" sa Google Search (Oo, seryoso. 'Yan ang mga keywords na kadalasang ginagamit ng mga nagiging bisita ko dito), ipapaalala ko lang uli na ako, si SerPol, ay isang guro na sumusuweldo lang ng katamtaman kaya katamtaman lang din ang performance... Biro lang! Ganyan na kasi karamihan ng mga guro ngayon e. Tinatamad dahil pakiramdam nila e hindi nila natatanggap kung ano ang talagang para sa kanila (isang matindi at obvious na TRIVIA na rin ito para sa mga estudyanteng makakapag-basa nito). Sa ngayon, nasa ika-apat na taon na ako sa trabahong ito at mukhang malabo pa ang pangarap kong maging Astronaut (ang maniwala, bibigyan ko ng basurahan) dahil sa marami at hindi-ko-pwedeng-sabihin-dito-o-matatapos-ang-karir-ko na dahilan.


3.) 3DS

At kapag naka-shutdown na ang kompyuter ko sa bahay at matapos niya akong sigawan ng "HAY SALAMAT! MAKAKATULOG DIN AKO NG 1:oo AM!" e binabanatan ko naman ang aking bagong bili na Nintendo 3DS. Oo. Laruan. Ano ngayon? Pakialam ko sa iyo. Alis. Shoo.

Eto yung tinutukoy kong Nintendo 3DS. Astig, ano? Mahal yan.

Matagal nang naka-lagay sa listahan ko ang pag-bili sa 3DS. Naengganyo ako dito dahil sa feature nito na "glasses-free 3D" na ang ibig sabihin, kung hindi ka nakaka-intindi ng inggles, e hindi mo na kelangan pang gumawa ng salamin na kulay blue sa kanang mata at kulay red naman sa kaliwang mata para lang makita ang pagka-3D nito. Astig! Pero sa ngayon, ang bala ko lang e yung Super Street Fighter IV 3D Edition (haba ng title!). Kung naaalala niyo pa yung sinabi ko noon tungkol kay Dhalsim, ngayon, makakapag-teleport na siya sa likod mo. Joke lang. Ayos na rin sa investments. Pakiramdam ko, naka-bili ako ng kotse nang mabili ko ito.

Yun nga lang, mahirap kapag nasosobrahan ka sa laro. Dahil pagkatapos kong gumamit nun, nagiging 3D na rin ang tingin ko sa mga kaaway ko at gusto ko na rin silang i-Shoryuken.


4.) MASTERAL...ESTE, MASTER'S DEGREE!

2nd year na ako sa Master in Information Technology. Malapit na ring mag-simula ang kinatatakutan kong thesis. Konting iyak na lang at matatapos na rin ito. Sa lahat ng nabanggit kong dahilan, eto na siguro yung hindi ko magawan ng kuwento. Ewan ko kung bakit...

Pero kung thesis lang din naman ang pag-uusapan, at mas mahirap siya ngayon dahil solo ko na siyang gagawin, naniniwala ako na makakaya ko ito. Ano pa at parang naging one-man riot squad ako nung college pa ako?


5.) KAWALAN NG GANA SA BLOGGING

Mahirap mang aminin, pero unti-unti nang naluluma ang blogging (at least, para sa akin). Nung una, natuwa ako sa pag-b-blog, dahil meron akong sariling lugar na paglalagyan ko ng mga ideya ko, mga saloobin, at kung anu-ano pa na gusto kong i-share sa madla. Pero habang tumatagal, nagiging mas vocal na rin ako sa mga opinyon ko at hindi na ako natatakot na i-share ito sa personal, hindi tulad nung dati. Nagkaroon na rin ako ng mga makakausap, sa wakas...

Isa na rin siguro sa mga dahilan kung bakit mas madalas na ako sa Facebook ngayon e dahil mas mabilis mong makikita dun ang appreciation ng isang tao sa kung anuman ang sasabihin mo gamit ang "Like" button. Oo, alam kong pwede ring lagyan ng ganun dito sa blog, kaso napakarami pang gagawin. Sa Facebook, mag-post ka lang ng "Hehehe", may sandamukal na Likes ka na kagad sa hindi mawaring dahilan. Ganun na ba kababaw ang kaligayahan ng mga tao ngayon?

Nangangamba rin ako na baka sa mga susunod kong posts, e hindi ko na makuha ang dati kong galing sa panulat -- yung katangian ng mga blog entries ko na pwedeng ihalintulad (DAW) sa mga likha ni Bob Ong. Ang problema, unti-unti na ring nalalaos si Bob Ong ngayon. Sobrang nagasgas kasi noon (hindi yung mukha ni Bob Ong ha?), kaya't hindi na ako magtataka kung hindi na rin kasing-benta ngayon yung mga sinasabi nila, este 'niya' pala, sa mga libro.

Unti-unti ko nang nakikita ang pagkalaho ng blog na ito sa cyberspace. Ni hindi ko na alam kung kailan pa ang susunod kong blog entry. Meron pa bang blogger ngayon na nagsusulat ng blogs para sa sarili niya at hindi lang para kumita ng pera? Meron pa bang nag-e-enjoy gumawa ng mga sulat na para lang dapat sa diary, pero ginawa pang online?

Sana lang, hindi mawala ang blog kong ito, at sana ay mabasa pa rin ito ng mga taong naghahanap ng HUBAD-NA-PICTURE-NI-ANNE-CURTIS sa Internet hanggang sa ako ay mamatay na...

Sunday, May 23, 2010

Jejemon VS l33t: Battle of the BrAiNLeZZZ

* Ang post na ito ay talagang nakatakdang i-publish noong nakaraang buwan pa, pero sa di malamang dahilan e bigla akong naumay at itinigil ito.

Oo na, sige na. Nakikiuso na ako. Panalo ka na, talo na ako. Haaaaizzzzzsssst! kAhYamowt nman powh!

Jejemon. Aaah, ang mga maalamat na nilalang na naglipana sa Facebook at TextChat channels sa cable TV ngayon. Nitong kailan lang e narating na nila ang rurok ng tagumpay nang maipalabas ang kuwento nila sa telebisyon. Pero ano at sino nga ba ang mga Jejemon? Kung hindi mo napanood ang balita sa TV nitong huli, e mapalad ka at mag-uubos pa ako ng panahon para maipaliwanag sa iyo kung saang kili-kili ba nagmula ang mga "Jejemon"

Ang mga Jejemon...paano ko ba ipapaliwanag sa sarili kong salita? Uhurm... E ang mga taong galit sa keypad ng cellphone at keyboard ng isang kompyuter. Bakit kamo? dAhiL gn2 cla mg-zzalitah. aNg galeeengz NiLah nohw?

Sorry...di ko makuha ang tamang paraan ng Jejetyping...


Posibleng mangyari? Oo.

Buweno, bukod sa pasadyang pagmamali sa kanilang sPFElling, e parang galit din sila sa "shift" key ng kanilang keyboard. Sanhi yata ito ng sobrang excitement at imagination kaya mistulang epileptic ang mga daliri nila at napipindot nila ang shift key nang di namamalayan, pArAnG gAnIto. Walang eksaktong petsa kung kelan ipinanganak ang kauna-unahang Jejemon. Bigla na lang silang sumulpot. Simple lang naman ang adhikain ng mga Jejemon: gusto lang nilang magpa-cool at gusto rin nilang baguhin ang meaning ng acronym na SMS (na ang ibig sabihin ay Short-Messaging Service). At wala tayong magagawa dun.

Naglipana na ang mga Jejemons sa mga social networking sites ngayon tulad ng Friendster (may Friendster pa ba?) at Facebook, pati na rin sa mga MMORPG tulad ng DotA at Ragnarok. Nagbuo na rin ng isang brigada ng kalokohan para sugpuin ang mga Jejemons... mga taong kilala sa tawag na "Jejebusters" -- mga ipokritong nag-aakala na matatalo nila ang kamangmangan gamit din ang sarili nilang kamangmangan. AnLupFeyt.

Nauso na rin ang sumbrerong tinatawag na "Jeje Cap" -- eto yung mataas at makulay na cap na isinisuot ng mga Jejemon sa kanilang ulo na tipong naka-patong lang sa kanilang mga bumbunan. Meron ding "Jeje Shades", na sa kasamaang palad e di ko pa rin alam kung anong itsura dahil itong salamin sa mata na sinusuot ko e tinatawag ko lang na "salamin" at hindi SerPolShades. Kayamot. Hindi malayo na bukas e may clothing brand na ang mga Jejemon. Magkakaroon na din ng JejePants, JejeSocks at JejeShoes, JejeBriefs, JejePanties, JejeBra at kung anu-ano pang clothing apparel na makikita mong sinusuot ng isang Jejemon.


Jejemon
Salamat sa verydemotivational.com para sa larawang ito...Azzzteeeggg... At kung sino ka man na nasa picture na ito, sila ang sampahan mo ng kaso sa pagnanakaw ng pogi mong mukha.

Pero bago nating tuluyang lunurin ang sarili natin sa mga salitang-Jejemon, e malipat muna tayo sa kanilang mga malalayong kamag-anak: ang mga l33t. At para sa iyong kaalaman, magka-copy-paste ako ng isang Wiki article na mas madaling makakapag-paliwanag kung ano at sino ba ang mga l33t. Pasensya na, tamad e...

Leet, also known as eleet or leetspeak, is an alternative alphabet for the English language that is used primarily on the Internet. It uses various combinations of ASCII characters to replace Latinate letters. For example, leet spellings of the word leet include 1337 and l33t; eleet may be spelled 31337 or 3l33t.

The term leet is also used as an adjective to describe formidable prowess or accomplishment, especially in the fields of online gaming and in its original usage, computer hacking.


Malinaw na malinaw. Sila ang sosyal na version ng mga Jejemon. ELITE. Mga mayayaman at matatalinong nilalang, na kadalasan e mga computer geek, at pinapakita ang KATALINUHAN nila sa mundo ng Internet. Kilala sila sa pag-gamit ng numbers para palitan ang mga vowel letters ng mga salitang tina-type nila. At kung akala mo e diyan na nagtatapos ang pagiging isang l33t, e nagkakamali ka sa akala mo. Hindi lang basta numbers ang kadalasang makikita sa mga salitang-l33t, kundi pati na rin ang exaggerated na paglalagay ng 'x', 'z', "-zorz" at "-age" sa dulo ng mga salita. Para mas malinawan ka, mag-lilista ako ng mga salitang ginagamit ng mga l33t:
  • h4xx0rz
  • suXX0rZ
  • pwnage
  • pr0n
  • n00b
  • ICanHazCheezburger
  • i liek mudkipz
  • tis is teh bomb
  • iz cold out? i wearz my turtle neck
Wala kang maintindihan ano? Napakarami pa niyan. Pero dahil sa angking kasikatan ng mga Jejemon ngayon e nasapawan na nila ang kanilang mga ninuno. Oo, "NINUNO". Dahil mas naunang lumitaw sa Internet ang mga leet kesa sa mga Jejemon.


Leet
Ganito i-portray ang isang l33t sa mga animé at video games...
May kamukha ito sa PKMN-ph, di ko lang matandaan...

Pero saan nga ba pupunta ang post na ito at ano ba talaga ang gusto kong mangyari? Sa totoo lang, di ko rin alam. Wala lang. Ang alam ko lang e gusto kong himay-himayin ang dalawang bagong "human race" na naidagdag sa ating kasaysayan at ipaalam sa mga inosenteng tao (na matagal nang di nakakapanood ng TV at napag-iwanan na ng balita) kung ano at sino ba ang mga l33t at Jejemon.

l33t at Jejemon.

Mga taong namumuhay sa mundo na pinapatakbo ng kuryente at computer signals. Mga taong masayang nakikipag-usap sa mga taong hindi nila kilala gamit ang lenggwaheng kanilang naimbento. At kung isang "human race" nga na maituturing ang Jejemon at Leet, ay hindi na ako mahihiyang sabihin na ako ay isang RACIST.

Pero hindi ako isang "Jejebuster". Dahil sa paningin ko e mas malala pa sila sa mga Jejemon. Natatandaan niyo pa ba ang kasabihang "Mangmang lang ang papatol sa isang mangmang"? Maaaring parehas nga kami ng adhikain ng mga Jejebusters, pero hindi ako hilo para makipag-argumento sa mga Jejemon on LIVE television. Isa lang itong uri ng kayabangan. Mas mabangong uri ng kamangmangan. Tawagin niyo na akong ipokrito, pero wala akong papanigan sa inyo.

Pero seryoso. Sinong nilalang ba ang haharap sa atin at ipapamukha sa sanlibutan na WALANG-MASAMA-SA-PAGIGING-JEJEMON/LEET? Buksan mo ang iyong mga mata. Ganyan ba ang itinuro sa atin ng mga magulang natin nung tayo e mga munting paslit pa lamang? Kelan pa napasama sa lumang dilaw na libro ng Abakada ang "E0w p0h"? At kelan pa, KAILAN PA, naghalo ang Math at English sa iisang subject para magsalita ka ng "h3LL0"?

Buksan mo ang iyong isip. Alam kong sa loob ng iyong puso at isipan na mayroong nagsasabi na - mali ang ginagawa mo. Hindi mo lang pinagmumukhang tanga ang sarili mo, kundi gusto mo pang ipalaganap ito sa iba. At dahil nasimulan mo na ang pagiging Jejemon, e wala ka nang ibang choice kundi panindigan yan. Ayaw niyong pakialamanan kayo ng mga tao. At kahit ano pang mangyari, ipaglalaban niyo pa rin ang pagiging Jejemon.

Ipaglalaban pa rin ang MALI.

Imbes na pag-aralan ang lenggwahe ng Jejemon, bakit hindi muna natin subukang magpaka-bihasa sa English? O kahit ano pa mang lenggwahe, kasama na ang Tagalog. Dahil mas marami pang salita doon na kailangang malaman kesa sa mga salitang dinudugtungan ng sangkatutak na 'z' sa dulo.

Bago magtapos ang entry na ito, hayaan niyo akong mag-quote ng isang passage mula sa Bibliya. Hindi ko ito kadalasang ginagawa, at hindi rin ako miyembro ng kahit anong Christian fellowship, pero para sa ating lahat ito:

1 Mga Taga-Corinto 1:27
Subalit pinili ng Diyos ang kamangmangan ng sanlibutan upang ipahiya ang marurunong. Pinili niya ang mga mahihina ng sanlibutan upang ipahiya ang mga malalakas.

Pilipino. Isa ka ba sa mga mangmang na tinutukoy diyan? Isa ka bang hadlang?

Isang hadlang tungo sa karunungan?

Sana...sana lang. Walang magkakamaling magbago ng pseudonym ko at gawing "x3Rp0hL"...



Sources:

Tuesday, February 16, 2010

Pebrero: Bad Trip - Part 2

Tao po? May tao ba diyan? May nakakaalala pa ba sa akin?

Sana meron pa. Kasi halos dalawang linggo rin akong nawala sa sirkulasyon, at heto't para lang akong surot na pasundot-sundot sa napakalaking puwit na tinatawag na Internet. No Big Deal naman yun. Napatunayan ko na muli't-muli e kaya kong mabuhay nang hindi nasisilayan si Google sa homepage ko, at mang-hunting ng mga pasaway sa Facebook.

Pag-pasensiyahan niyo na rin kung tungkol na naman sa pagka-yamot ang isusulat ko. Baka kasi Fairy Tales ang hinihintay niyong isulat ko at madisappoint kayo ng isa't kalahati, isumpa niyo pa ako. Buweno, simulan na natin!


1.0 Side-Effect ng Loan

Eto na yata ang pinaka-malaki at pinaka-masakit na side-effect na na-experience ko ngayon. Ang masamang epekto ng pangungutang. Bakit? Dahil sa kagustuhan kong maka-ipon para makabayad sa utang (na pinambili namin ng pampaayos ng PC) e sangkaterbang sakit ng ulo naman ang pumalit.


1.1 Nabinbin na Field Trip

Una, hindi ako nakasama sa Baguio Tour ng school namin. Bad trip. Plano ko pa naman sanang hanapin ang asawa ni Barrel Man doon (sa mga bata na hindi nakakakilala kay "Barrel Man", isa siyang superhero na nakahitit ng Strawberry Jam at nagpasyang magtago sa isang bariles para itago ang kanyang Laser Sword), at bumili ng Peanut Brittle na gagamitin ko sanang pang-kalso sa mga sirang upuan. Pero dahil sa isang di inaasahang dahilan (na siyang hindi ko pwedeng sabihin), e nagpasya na akong huwag sumama sa nasabing field trip. Ang gulo..."hindi nakasama"... at "hindi sumama". Magkaibang bagay yun, pero...ahhh! Basta!


1.2 SmartBROken

Pangalawa, pinutulan na naman kami ng Internet. Eto, oo. Aaminin ko. Kasalanan ko. Naputulan kami dahil sa isang masamang "decision making". Wag kang tatawa ha? Atin-atin lang ito (kahit for public viewing itong blog ko). Dahil sa sobrang bad trip ko dahil hindi ako nakasama sa diyaskeng field trip na yun, e nagpasya akong bumili ng isang bagay na magpapasaya sa akin bilang kapalit.

Ha?

Hinde. Hinde. Hindi "Laman". Masyado kang mahalay. Anong tingin mo sa akin? Rapist? Bumili lang ako ng isang 4GB na Memory Stick para sa aking kakarag-karag na PSP. Oo, nakakatawa. Parang bata lang na nakabili ng bagong laruan. Bakit pa ba kasi nagpipi-es-pi ang isang katulad ko. Matagal ko na kasing gustong bumili ng mas malaking Memory Stick dahil nakukulangan ako sa luma kong 2GB na tatlong laro lang yata ang kasya (WARNING! WARNING! MAY PIRATA! MAY PIRATA!) at tatlong picture ni Maria Ozawa.

Kaya ayun. Bilang kapalit e natsugi ang bulok naming Internet connection nang isang linggo at mahigit. Buti na lang at may natira pang pera sa akin para pang-gastos sa Valentine's Day.


1.2.1 Ang buhay na walang Internet

Tulad ng sabi ko sa intro, hindi naman ako hayok na hayok sa Internet katulad ng ibang tao ngayon. Yung tipong mawalan lang ng Internet e para nang sinaniban ng sangkaterbang demonyo at nagdedeliryo na sa asar. Cool lang ako. Relax lang. Ok lang naman yun. Ang inaalala ko lang naman e ang Plurk ko (buti na lang may Karma-Freeze), ang naiwan kong trabaho sa PKMN-ph.com (buti na lang walang pumupunta, hehehe) at ang mga walanghiyang tao sa Facebook na nag-iiwan ng mga bastos na comments sa wall ko (buti na lang at walang nag-asal aso sa FB ko at umihi sa "Pader" ko). Buti na lang. Buti na lang...

Pero di ko naman idini-deny na importante talaga para sa akin ang Internet. Sa Internet ko nakukuha ang mga materyales ko sa pagtuturo, kasama na ang mga video games at sex videos na pinagda-download ko kung saan-saang lupalop ng Internet bilang inspirasyon. Joke lang.


1.2.1.1 It's Nice to Be Back!
(Sa mga hindi interesado sa buhay-propesyunal ko, maaari niyo nang lagpasan ito)

Ang isa sa pinaka-magandang nagawa ko habang malayo ako sa keyboard at sa radiation ng monitor e ang pagbisita ko sa aking lumang tahanan -- ang STI Santa Rosa. Masarap sa pakiramdam na muli akong nakatapak sa lugar na kung saan ako natuto bilang estudyante, at kung saan rin ako natuto bilang isang empleyado. Hindi rin lingid sa kaalaman ng mga taong nakakakilala sa akin ang dahilan kung bakit ko nilayasan ang dati kong eskuwelahan. Masaya lang ako at sa loob ng halos isang taong hindi pagkikita e nakalimutan namin pansamantala ang mga nangyari noon, at kinamusta ang isa't-isa ng paulit-ulit sa sobrang kasabikan.

Andun pa rin ang mga katoto ko sa IT Department. Ganun pa rin ang mga itsura nila. Tuwang-tuwa sila nung makita nila akong bumalik (tuwang-tuwa, pero kinakabahan sila na maagawan ko sila ng teaching loads kung sakaling nagpasya na akong bumalik, hehehehe), lalo na ang ate-atehan ko sa STI na nagngangalang "Ma'am Ga" na agad na sumalubong sa akin sabay lamutak sa bilbil ko na para ba akong isang 3-year old na sanggol.

Ang isa pang nakapag-pasaya sa akin sa pag-bisita kong iyon ay ang mga dati kong estudyante. Hindi matatawaran ang kagalakan sa puso ko pagkatapos kong makita ang mga mukha nilang gulat na gulat at nakangiti sa aking di inaasahang pagbalik. Hindi ko na ineexpect na may babati pa sa aking estudyante doon, pero nagkamali ako. Meron pa rin palang nakakaalala sa akin kahit papaano.

Napakarami nang nagbago sa STI simula nang umalis ako dun. Lalo silang lumaki. Dumami ang mga estudyante at teacher. Naayos na rin ang mga bulok na PC na sumubok sa pasensya ko bilang isang teacher. Kahit sekyu (security guard), bago na rin. Pero ang pinaka-"turning point" ng pagbisita ko doon e nang kamustahin ako ng dati kong Dean at pabiro akong tinanong ng:

"Ano Sir, gusto mong magpart-time sa amin?"

Napalunok ako bigla nung narinig ko yun. Walang-wala sa isip ko ang pag-aapply muli sa STI. Ang dahilan ko lang kung bakit ako nandun e para bisitahin ang mga graduating students sa kanilang Final Defense ng Thesis. Pero sa totoo lang, natuwa rin ako nung tinanong niya ako nun. Ayoko lang muna kumagat dahil baka nga isang malaking biro lang yun, at mauto naman ako.

Pero kung saka-sakali. Kung saka-sakali lang naman. Kapag natalo ko na ang pride ko. Kapag naitapon ko na lahat ang mga masasamang alaala. Kapag napatunayan ko na nag-improve na ako sa maraming bagay. Baka nga.

Baka nga magbalik na ang "Prodigal Son" ng STI...


2.0 BALE-ntines

Sinamantala ko na rin ang pagkakataong bumili ng Valentine Gifts ko para sa aking nobya habang nasa STI pa ako. Meron kasing malapit na Target Mall doon na pwedeng pagbilhan. Buti na lang at meron pa akong natirang pera (galing sa ipon ko) at nakabili pa ako ng regalo. Bumili lang ako ng isang pirasong White Rose(s) <-- Nagtaka pa kung Plural o Singular ang tanga! at isang kaha ng Ferrero Rocher (buset na spelling yan, muntikan nang maging Ferrari) na hugis puso. Etong dalawang bagay na ito ang una kong niregalo sa girlfriend ko, limang taon na ang nakakalipas. At sa awa ng Diyos, hanggang sa ngayon, namamahalan pa rin ako sa presyo ng tsokolateng yun...

Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, pinili ng girlfriend ko na sumama sa isang Christian Fellowship sa Malabon noong Feb. 14 upang mag-beach, este mag-preach, at yun na nga, tinubuan ako ng sungay sa galit habang pinapalaganap niya ang salita ni Bro. For short, ININDIAN (hinindian) ako ng syota ko sa araw ng mga puso! SUPER BADTRIP! LEVEL 100 NA ITO! KAMEHAMEHA! DX

First time naming pumalya sa Valentine's Day sa loob ng limang taon. At dahil sa mahina akong umintindi ng dahilan e inabot siya sa akin ng isa't kalahating atungal na parang leon. Pakiramdam ko, nasayang lahat ng efforts ko. Hindi na nga ako nakapag-pagupit ng buhok nang dahil sa pag-iipon (oo, mukha na akong ermitanyo ngayon!), tapos ipagpapalit lang pala ako sa isang "Halleluya Session"

Buti na lang at nagpasya siyang bumawi kinabukasan (Feb 15). At buti na lang, merong bagong teknolohiya ngayon na ginagamit sa mga rosas para hindi malanta o mabulok. Ang high-tech na invention na ito, ayon sa tindera ng bulaklak na pinagbilhan ko, ay tinatawag na

"TUBE"!

Oo, TUBE! Anak ka ng Bold Star! Tube daw! Aba'y akalain niyo na pati rosas, nagsusuot na rin ng tube ngayon! Teka, teka...parang iba yata ang naiisip ko... Rosas....naka-Tube? Parang ang halay pakinggan ah... Hehe, anyway-SkyWay. Yung tube na yun yung maliit na plastic na balbula ("Valve" in f*&1ng English) na naglalaman ng tubig, kung saan nakatusok yung dulo ng tangkay ng rosas para tumagal pa ito hanggang sa susunod na Valentine's Day. Ayos. High-tech. Parang alam nila na hindi ako sisiputin ng syota ko sa Valentine's Day, ano?

Pero ayun. Ayos naman. Nagkaayos din pagkatapos. Nagkaroon na rin ng kasunduan na "HINDI-NA-ITO-DAPAT-MAULIT-KUNG-HINDI-E-KIKIDNAPIN-KITA" Ok na. Pero hanggang ngayon, di ko pa rin makalimutan yung TUBE...

---------------------------------------------------------------

Tapos na rin pala ang Chinese New Year. Year of the Tiger daw ngayon. E year of the Tiger din ako pinanganak. Pero bakit ganun? Dalawang magkasunod na buwan na akong pinuputakti ng kamalasan? Ayos. Nakakabanas. Katoliko ako, pero sinubukan ko na ring hanapin ang meaning ng Birth Year ko sa Chinese Zodiac at heto ang nakuha kong impormasyon:

"THE FIRE TIGER 1926 AND 1986

Eccentric and dramatic, Fire Tigers are aglow with passion and verve. They are outgoing, expressive and look on the bright side of things. They have the Tiger’s natural ability to lead others and are able to excite others simply with their own gift of enthusiasm. They can be funny and have great senses of humor. Tigers are powerful speakers and have the ability to command and persuade crowds through speech. Their own seemingly endless supply of energy can make them appear a bit dramatic, and it may make them more sensitive to cautious or down-to-earth approaches in others."

Ayos. Ako ba yan? Oo nga ano? Saktong-sakto! Pero ang tigre lang sa akin ngayon e ang MUKHA ko dahil sa sobrang asar sa mga nangyayari sa akin ngayon. Sana napredict din ng mga intsik na maikli lang ang fuse ng mga pinanganak sa taon ng mga tigre. Kung totoo ang Chinese Zodiac, malamang, ang ibig sabihin yata nito e isang taon akong magta-TIGER LOOK...bad trip talaga...

O siya, paano? Kung Hei Fat Choi na lang! Wala na akong masabi eh.

....

Kung May BatChoy...

buset...

---------------------------------------------------------------

Source:
Chinese Horoscopes - The Tiger

Thursday, November 19, 2009

Ang Muling Panayam

NOTE: Pakiusap lang, huwag masyadong pakaseryosohin ang inyong mababasa kung ayaw ninyong tumanda ng maaga. Sabi nga sa kanta, "Batu-bato sa langit, ang tamaan - HUWAG MASYADONG HALATA"

Enjoy lang, mga kapatid.

______________________________________

Interbyuwer: Magandang araw sa inyong lahat at muli na naman tayong pinaunlakan ng ating paboritong guro *ubo-ubo* eherm... Iyan ay walang iba kundi si SerPol! Kumusta SerPol?

SerPol: Yo!

I: Kumusta ka, ika ko?

SP: Ah, ayos lang. Pogi pa rin.

I: First question *tigas talaga ng mukha nito* kumusta naman ang iyong unang linggo ng pagtuturo sa 2nd semester ng iyong tinutuluyang iskul ngayon?

SP: Ah, medyo ok naman. Maraming bagong estudyante. Di na ako naka-lock sa iisang course ngayon, tulad ng dati na puro IT students lang ang nakikita ko.

I: May isyu lang kaming gustong klaruhin. Nagkaroon ka ng job application sa Taguig City University bilang isang IT Instructor, ano ang nangyari?

SP: Ah yun. Una, napakalayo ng Laguna sa Taguig. Bago pa ako makarating dun e baka isang semester na akong late.

I: Pero pwede ka namang mag-rent ng kwarto sa isang boarding house doon, di ba?

SP: Oo, at pagkatapos, may anak na ako pag-uwi ko ng Laguna.

I: Hehe. E paano naman ang tiyahin mong tumulong sa iyo para pumasok doon?

SP: Ah oo, siya ang tumulong sa aking pumasok doon. At siya rin ang naging isa sa mga dahilan kung bakit nagpasya na akong di na tumuloy dun. Hehehe.

I: May mensahe ka ba para sa mga taga-TCU?

SP: Sa totoo lang, wala sana. Pero hihingi na lang din ako ng pasensya sa pamunuan ng TCU at di ko na tinuloy ang application ko diyan. Alam kong mabilis niyo ring malilimutan ito dahil malamang sa malamang, habang binabasa niyo ito e nakakuha na kayo ng isang dosenang teacher na papalit sa slot na dapat para sa akin.

I: So sa ASIATECH ka pa rin natuloy. Di ka ba nanghihinayang na dalawang mabigat na school na ang tinalikuran mo?

SP: Minsan, oo. Pero mabuti na rin yung ganito. Sasabay na lang ako sa pag-lago ng ASIATECH habang wala pang tiyak na pupuntahan ang buhay ko. Simple lang naman ang naging sitwasyon ko. Parang pinapili lang ako kung alin ba ang mas gusto ko: Canteen o Restaurant. Siyempre ang pinili ko e yung packed lunch.

I: Nyak! Di ka ba natatakot na baka mademanda ka *sana* dahil sa paggamit mo ng mga pangalan ng mga institusyon na yan sa mga blog entries mo?

SP: Kung si Piolo Pascual nga pwedeng asaring bakla ng kung sinu-sino, e bakit naman sila hinde? At isa pa, wala naman akong sinasabing masama para papuntahin nila dito si Atty. Sison at pakantahin si Freddie Aguilar ng "Ipaglaban Mo"

I: Yan ang gusto ko sa iyo e! Straight to the point! Napuri ka na ba dahil sa pagiging prangka mo?

SP: Hindi pa, pero nasibak na ako dahil diyan. Hahaha.

I: *Uhm! Loko!* Haha! Ano ngaba ang sikreto ni SerPol at parang napakadaling sabihin ang lahat ng nasa isip mo?

SP: Butas na bulsa. Yun lang.

I: Showbiz na teacher ka raw? Naniniwala ka ba dun?

SP: Oo, pero kung magpapa-autograph lang sila sa akin. Nagkaroon na rin kasi ako ng mga kasamahan noon na mahilig magpa-sikat sa mga estudyante kaya tingin ko, meron pa ring naiwang latak sa akin.

I: Ibig sabihin, may mga humahanga na sa iyo?

SP: Hindi ko alam. Wala pa namang kumikidnap sa akin.

I: Tungkol naman sa isyung chickboy ka... Nagpapacute ka nga ba sa mga estudyante mong babae?

SP: Hinde. Sila ang nagpapa-cute sa akin. Inosente akong tao. Napaka-seryoso ko sa trabaho ko at HINDING-HINDI ko pa yun naisipang gawin sa buong buhay ko. (Biglang kumulog ng malakas)

I: Pero bakit andami nang nali-link sa iyo?

SP: Ganyan talaga ang buhay. Kahit pulgas ay nali-link din sa mga katulad kong batang guro.

I: Pero may nobya ka sa ngayon di ba?

SP: Tito Boy, ayoko muna siyang pag-usapan...

I: *Showbiz talaga 'tong tao na 'to* Eherm. Hindi ako si Tito Boy. Next question:

SP: May plema ka ba?

I: Ah, wala naman. Next question: Anong masasabi mo na meron kang protegé? Isang binatilyong nagngangalang: Ran Kei Shiroe

SP: Ako'y natutuwa at kinapupulutan niya ng aral ang mga akda ko at ginagamit niya sa sarili niyang kawalanghiyaan. Ngayon, dalawa na kaming pagtatawanan ng buong mundo.

I: Oo nga, magkahawig din ang mga entries ninyo. Hindi ba ikaw din yan?

SP: Hindi ako yan. Mas cute ako sa kanya ng isang light year.

I: *Grabe na ito...* Kumusta naman ang PKMN-ph.com? Ang website na pinagsisilbihan mo ngayon?

SP: Patay ang forums ngayon, wala masyadong nagpo-post dahil kasalukuyan yata silang dinidikdik na parang bawang sa eskwelahan. Kung kayo ay walang ginagawa at adik kayo sa Pokemon, ay pumunta lamang DITO.

I: Pokemon fan ka? Di ba para lang sa mga bata yan?

SP: Sabihin mo sa mga naglalaro ng FarmVille at PetSociety na tigilan na nila ang pag-uulyanin at titigil rin ako sa Pokemon.

I: Hehehe, siya nga naman. Ano na ang mga susunod mong gagawin? May plano ka ba?

SP: Wala naman masyado. Abangan niyo na lang ang world tour ko. Meron akong concert para sa mga may sayad at mga adik. Available na ang tickets sa pinakamalapit na mental hospital diyan sa inyo.

I: Facebook?

SP: Ah, marami nga akong dini-deny na friend request. Di ko rin maiwasan.

I: Bakit naman? Ayaw mo nun, at dadami ang friends mo?

SP: Kasi ganito yan, kaya ko nire-reject yung ibang friend requests kasi:

  1. Malamang di tayo close o di tayo magka-kilala at nagpaparami ka lang ng friends.
  2. Pangalawa, pag mas maganda at mas sexy ka (para sa babae lang, at di sa mga binabae), mas mataas ang tsansa na iapprove ko ang request mo.
  3. Di ako naglalaro ng FarmVille at di ko rin nilalako ang sarili ko sa Friends for Sale, kaya please lang, wag niyo akong i-add kung gusto niyo lang akong hingan ng mga kabayo o gusto niyo lang bilhin ang pagka-lalake ko.
I: Any parting words? *Umuwi ka na, please lang*

SP: Ah, di ko na pahahabain. May appointment pa ako e.

Audience: *Palakpakan* Yeba!

I: At diyan po nagtatapos ang ating ikalawang panayam kay SerPol! Hanggang sa susunod! *Sana wala nang sumunod* Eto po ang inyong lingkod, na si....Nyak! Anong ginagawa mo diyan, SerPol?!

SP: Ah, eto ba? Nagpapalit lang ng profile picture. Baka sakaling makaakit ng tsiks.

I: Nyak!


-FIN-



Monday, November 16, 2009

Pagkatapos ng lahat ng nasabi

NOTE: Sa mga ngayon lang napadpad dito sa munti kong kulungan, pagpasensyahan niyo na kung purong-Tagalog ako magsulat ng Blog. Ayoko kasing mag-inggles dahil bukod sa hindi ako marunong ('Scuse me for the crap, peeps. I'm really not used ta speakin' yer stinkin' language) baka maging kamukha ko bigla si Pacquiao. You know?

************************************************

Lahat ng blog entry ko ay nagsisimula sa isang walang kwentang dahilan na "wala akong magawa" at sa mga oras na ito, habang tina-type ko itong article, e kasalakuyang may nagce-celebrate ng birthday dito sa labas ng bahay namin. Pero wala sa pamilya namin. Walang may birthday dito. Sa susunod na siglo pa uli magkakaroon ng selebrasyon dito sa bahay namin, kaya walang dahilan para maghanda kami ng spaghetting nilagyan ng formaline at anay. Yung kapitbahay namin ang siyang nag-iingay ngayon dito sa labas, at syempre sa mga probinsyang tulad nito (nasa Laguna po ako, hindi sa planet Saturn) hindi mawawala ang videoke machines -- na siya ngayong ginagamit na instrumento ng mga lasing para durugin ang tenga ko. Pag may ganitong okasyon naiisip ko na sana, pwedeng bumili ng carbine, AK-47, time bomb, granada at bazooka sa kalapit na sari-sari store para maibalik ang kapayapaan ng subdivision namin. Badtrip.

Ipa-publish ko lang 'tong walang saysay na entry na ito para i-summarize ang mga nangyari sa akin nitong mga nakaraang araw. Baka kasi mauntog ako sa tangkay ng halamang sampaguita at baka magkaron ako ng amnesia tulad ni Dao Ming Zu. Ha? Ano kamo? Jun Pyo na ba ngayon? Ah sya. Linsyak na buhay, kay Donald Duck na lang!


Facebook
(kasalukuyang kinakanta ngayon sa videoke ang "Totoy Bibo")

Meron na akong Facebook, yehey! (hango sa kadalasang sinasabi ng mga utaw ngayon. Pero ang tamang pagkakasabi niyan ay: "Meron na akong ACCOUNT sa Facebook! Yehey!" o di kaya ay "Meron na akong bagong pampa-kapal ng mukha! Yehey!") Oo, di ka maniniwala. Milagro na nakagawa ako ng account sa Facebook pagkatapos ng ilang buwang deliberasyon at pag-konsulta sa mga UFO. At heto nga, meron na. Add niyo ako. Search niyo lang "Ako'y tanga at hinahanap ko si Paul Morada sa Facebook" at may lalabas dung error message. Bahala na kayo kung paano sosolusyonan yan, MS Word lang ang kaya kong ituro sa alien. Pero hindi pa rin ako naglalaro ng mga kalokohang games dun dahil andito pa naman ang mga garapata ng aso ko para paglaruan. Kayo na lang ang mag-bigayan ng mga bibe, baboy at tyanak diyan sa Farmville. (Ops, teka at may isang magandang binibini ang nag-add sa akin. Wahahaha!)


Panalo si Pacquiao!
(kasalukuyan namang kinakanta ang "Zombie" ng walanghiyang lasing dito sa labas. "En yur hed" daw...)

Ayup! Sakto yung kanta nung lasing! Zombie. Nagmistula ba naman kasing "Dancing Zombie" si Miguel Cotto sa kanilang bakbakan ni Manny Pacquiao sa PPV event na "Firepower" kahapon. Tuwang-tuwa na naman ang Pilipinas dahil muling pinatunayan ni Pacquiao na hindi sukatan ng lakas ang 6-pack mo sa tiyan. Mabuhay si Manny Pacquiao! Mabuhay rin si Aling Dionisia! Nanalo pa rin ang anak niya kahit di siya nagrosaryo at nag-deluryo sa harapan ng rebulto! Yeba! Salamat na rin kay Pac-Man, dahil nagkaka-kwentuhan lang kami ng tatay ko tuwing may laban siya. Sa boksing at sa basketball lang kami nagkakasundo ng tatay ko. Pero malay natin, balang araw, baka golf na ang maging sports namin.

Bagong Kontrata
(kasalukuyan namang kinakanta ngayon ang "Ang Bayan kong Pilipinas" sa videoke, susginoo...)

Wala. Dito papasok yung title dun sa itaas ng post na ito.

"Pagkatapos ng lahat ng nasabi"

Pumirma na ako ng bagong kontrata kanina sa tinutuluyan kong school ngayon na ASIATECH. Ok naman ang reception. Maraming photographers. Naghihiyawan at nagpapalakpakan ang mga tao. Kinamayan pa ako ni Charo Santos. Ay teka, panaginip ko lang pala yun. Napanaginipan ko kasi na gagawa ako ng pelikula sa Star Cinema kasama sina Angel Locsin at Anne Curtis. Bold movie yata yun... Ay, amp! Cut cut cut! Baka maireport ako dito sa Blogger! Joke lang yun. Isang deadly joke. Hehe...

Pero may nagpalakpakan talaga. Pramis. Pagkababa ko pa lang ng tricycle, nag-palakpakan na ang mga estudyanteng naka-tanaw mula sa 2nd floor ng building namin. Mga dati kong estudyante. Nagkaron na kasi sila ng ideya dati na may intensyon na akong umalis sa ASIATECH bago pa magsimula ang bakasyon. Kaya naman at tuwang-tuwa sila, lalo na ang mga I.T. students, dahil muling nagbalik ang kanilang superhero (at dakilang utu-uto). Nakakatuwa. Parang gusto kong mag-wagayway ng bandila ng Pilipinas sa saya. Andun din ang ilang HR students na natutuwa rin dahil magiging teacher na nila ako sa semester na ito. Di lang nila alam kung ano ang hinihingi nila, mwehehehe... at di ko rin alam kung anong sakit ng ulo ang darating sa akin...ahehehe...

Ganun na nga. Pagkatapos ng lahat ng nasabi ko sa dati kong entry, dito pa rin ako bumagsak. Tumuloy pa rin ako bilang isang College Teacher. Ewan ko ba. Pero parang dito na ako gustong ilagay talaga ni Bro. Ano kaya ang dahilan at bakit gusto pa niya akong tumuloy sa pagtuturo? Dahil ba nakasalalay sa aking balikat ang pagbangon ng Pilipinas (at ang pagtigil ng pag-ngawa ng mga oil companies ngayon)? O para magkaron lang ng mapagtatawanan ang mga estudyante sa loob ng classroom? Di ko pa rin alam. Wala namang nakakaalam. Bakit pa ba ako nagtatanong? Haay...susme.


************************************************

Di pa rin tumitigil ang mga hinayu*** sa pagkanta kahit dis-oras na ng gabi. Mukang uumagahin na ang mga ito sa paglusaw ng mga baga at atay nila, habang binibigyan kami ng bangungot na hindi naman namin hinihingi. Iba na talaga ang mga jologs. Medyo nalungkot lang ako kanina dahil na-recall ko ang title nung isang kanta:

"Gold" ng Spandau Ballet

Nalungkot ako dahil nung 80's pa sumikat ang kantang ito. And the fact na naalala ko ang kantang ito ay nagpapatunay lang na isa na akong gurang...Syet.

Ganunpaman, nararamdaman ko pa rin ang kasiyahan ng mga lasinggero dito. Parehas lang kami. Kahit maliit lang ang kinikita namin e nakakahanap pa rin kami ng paraan para mag-saya.

Tulad ko. Kahit mababa pa ang sweldo ko sa pagtuturo...dito talaga ako masaya.


- FIN -