Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Monday, November 30, 2009

SerPol @ Hero Nation (Nov. 30, 2009)


Alam ko, marami nang naghihintay dito sa entry na ito. Knowing na isa ako sa mga pinaka-reklamador na tao na nilalang ni Bro kaya naman importante sa marami na marinig ang mga komento ni SerPol tungkol sa mga bagay-bagay (kahit sa pinaka-walang kwentang bagay tulad nitong nasa title ng blog entry na ito). Marahil ay dahil nagiging sanhi ng "comic relief" ang pagbabasa ng isang tao sa blog ko o sadyang wala lang silang magawa, at nakuha nilang gawing pamalit 'tong blog ko sa mga mala-alamat na jokes ni Long Mejia.

So ayun, simulan na natin ang dokumentaryo para sa araw na ito. Ang Pagpunta ni SerPol sa Hero Nation!

Audience: Woohooo!!!! Yeba! SerPol! Yeba!

Teka, bago ko nga pala simulan. Ang Hero Nation ay isang animé event na pinangunahan ng cable channel na Hero TV na siyang nagpapalabas ng mga...as usual, animé. Taun-taon ay nagsasagawa sila ng isang event kung saan magkikita-kita lahat ng mga weirdo sa Pilipinas upang magkaron ng isang kasiyahan na tiyak namang sila lang ang magkakaintindihan.

DISCLAIMER: Huwag niyo po akong sasampahan ng Libel case dahil isa lang po akong guro tulad ni Efren Peñaflorida (na nitong kailan lang e nakamit ang "CNN Hero of the Year" award dahil sa kanyang kabayanihan). Kahit walang konek. Basta, yun na yun. Walang pikunan, at peace tayong lahat.

------------------------------------------------------------

5:00 AM - 6:00 AM

Maaga akong nagising dahil sa alarm ng celphone ko. Kagabi, pinag-isipan ko pa kung anong oras gigising, kung 4:30 ba o 5:00. At dahil sa natural akong tamad e pinili kong gumising ng 5:00 AM. Walang ibang almusal na pwedeng kainin sa amin kundi ang isang Lucky Me Pancit Canton - Calamansi Flavor (nag-advertise pa raw ang ungas). Kinumbinse ko na lang ang sarili ko na nabubusog ako sa isang plato ng pancit canton na yun, kahit sa katotohanan e parang nararamdaman ko lang na gumuguhit ang mga hibla ng noodles nito at di na sila nagkikita ng large at small intestines ko.

5:20 na nung matapos akong kumain ng almusal at nagsimulang maligo. Medyo natagalan ako sa paghahanda at halos alas-sais na ako natapos (naglaro pa ako ng ilang rounds ng Tekken DR sa aking PSP habang nagdedeposito sa bangko sentral ng poso negro, at di ko na namalayan na maliwanag na pala sa labas). Dali-dali akong nagbihis (pang-matandang getup ang trip ko ngayon dahil gusto kong panindigan na isa na akong matanda kahit isip-bata pa rin sa kabila ng lahat), at humalik sa aking ina bilang pagpapaalam at di naman niya nakalimutan ang tag line niya na "ingat ka at huwag mong kakalimutan ang pasalubong ko"

------------------------------------------------------------

6:00 AM - 8: 30 AM

Meeting place: STI Santa Rosa. Linsyak, eto na naman kami. Magkikita na naman kami ng aking Alma Mater at Mortal Enemy. Bakit kamo sa STI? Kasi lahat ng kasama ko sa araw na yun e mga kaibigan at dati kong estudyante sa STI Santa Rosa. Nakakatuwa namang isipin at welcome pa rin akong magpabalik-balik dun, kahit tinatawanan ko sila palagi pag may naririnig akong isyu tungkol sa kanila (STI Santa Rosa). Bitter.

Eniwey, dumating ako ng halos 6:30 na (yata, di ko na masyadong matandaan) dahil kahit lumabas ako ng bahay ng alas-sais, e alas-sais kinse pa rin umandar ang diyaskeng tricycle na sinakyan ko dahil limampu pa ang hinintay na sumakay bago pa ito lumarga. Pagkarating na pagkarating ko sa meeting place namin e agad kong kinuhanan ng picture gamit ng aking celphone, ang aking dating paaralan bilang simula ng aking pagdodokumentaryo sa mangyayari ngayong araw na ito.



Muli tayong nagkita...

Sarado ang gate. Walanghiya. Hinanap ko ang mga kasama ko at nakita ko silang naglalaro ng pusoy dos gamit ang kanilang Magic cards sa isang malapit na carinderia. Kulang ang barkada, hindi nakasama ang ilan sa amin dahil sa ibang personal na dahilan. Ang isa ay kasalukuyang iniihaw sa Lydia's at ang isa naman ay kasalukuyang nagsisilbing masokista sa isang delivery center. Ngunit ganunpaman, present pa rin ang mga numero-unong adik sa tropahan. Nagulat lang ako ng konti dahil merong isang bagong mukha na sumama sa lakad namin: isang babaeng nagngangalang...ano nga pala uling pangalan nun? "Kiss"???

Alas-syete na nang sumakay kami sa van na may biyaheng Makati. Naghintay pa rin kami ng kaunti para mapuno ito at naka-isang game pa kami ni Ran Kei Shiro sa Phantasy Star Zero (isang laro sa Nintendo DS) bago pa ito napuno at umandar. Dun na rin nagka-bigayan ng tickets (bumili na kami para derecho pasok na lang kagad mamaya) at nagkakuwentuhan tungkol sa ilang bagay. Naging mabilis at swabe naman ang biyahe. Walang trapik. Natagalan lang kami sa Makati Avenue dahil hindi namin alam kung paano pupunta sa A-Venue Hall, na siyang venue ng Hero Nation. Matapos ng 20 minutong pagkonsulta kay Sultan Kudarat at Marcelo Del Pilar (mga machogwapitong naka-pose sa Makati Avenue) ay sa paglalakad din kami nauwi. Walastik.

8:30 na nang dumating kami sa A-Venue Hall. Pagod na pagod at naghahanap na ng stretcher.

Sa wakas...ang mahiwagang pinto!

------------------------------------------------------------

8:30 AM - 10:30 AM

May iilang kabataan na kaming nadatnang nagkukulitan sa entrance ng venue. Meron nga pa lang tatlong entrance: entrance para sa may ticket na, entrance para sa mga bibili pa lang ng ticket, at entrance para sa mga "cosplayers". Oo nga pala, kung sakaling di mo alam kung ano ang "cosplayers", sila yung mga animé addicts na nagbibihis ng damit o costume katulad ng sa mga animé characters tulad nila Goku, Naruto at Mojacko. Siyempre, dun kami pumila sa una, dun sa "may mga ticket na"

Nadatnan din namin dun ang isa sa mga dati kong estudyanteng babae at dati ring karelasyon ng isa sa mga kasama ko. Alam kong mahirap maintindihan ang parteng ito dahil wala naman kayong idea kung anong nangyari at ayoko ring magbitaw ng mga pangalan. Hehe. Basta ayun na yun. Isipin niyo na lang ang isang scenario kung saan nagkita ang dating magsing-irog. Yun nga lang at ibang nobyo na ang kasama ni babae. Hehehe.

Ayun, ang tagal naming naghintay sa entrance. Pabalik-balik ang haring araw sa pagsikat at medyo nahilo ako sa init. At dahil sa gutom at pagod sa paglalakad, nagkulitan na lang kami sa pilahan -- ang unang bagay na ginagawa ng mga nababaliw na sa pagod at gutom. Alas-diyes pa daw magbubukas ang entrance. Susginoo. Wala na kaming ibang nagawa kundi palipasin ang oras sa kuwentuhan (kasama ang isang Naruto cosplayer na maya't mayang nakikisabat sa usapan namin gayong di naman namin siya kilala) at tawanan.

Isa-isa naming pinagtawanan ang mga cosplayer na dumadating dun lalo na ang cosplayer na nagbihis ng isang costume na di namin mawari kung saang planeta galing...parang isang cyborg version ni Michael Jackson. Pagpasensiyahan niyo na ako kung di ko kilala ang lahat ng animé characters at nagtataka pa rin kung animé character ba talaga ang ginagaya ng kolokoy na yun o isang palaboy na gumagawa ng armor gamit ang mga basurang napupulot niya. Nakakatuwa. Sabi ko na nga ba at totoo ang teorya ko na buhay pa si Michael Jackson at namumuhay na bilang isang robot.

Ganito ang mangyayari kay Jacko pag naiwan sa kusina...

Lumipas ang alas-diyes at di pa rin nagbubukas ang mga gates. Labas-pasok ang mga staff sa building na tila ba nagyayabang na "ako ang staff dito, belat" ganun na rin ang mga security guard na nagbihis ala-SWAT para lang maka-sindak (mga traffic enforcers yata to na nag-cosplay din). Naririnig na namin ang mga pahaging ng mga nakapila. Nagrereklamo na kung bakit sarado pa rin. At dahil naaasar na rin ako, sumigaw ako (sa boses na ala-Mike Enriquez) ng "Susmaryosep! Ano ba 'to? Alas-diyes ba ngayon o alas-diyes bukas?!"


Hoy, ikaw. Kung ikaw talaga si Naruto, buksan mo ang pinto!

------------------------------------------------------------

10:30 AM - 2: 00 PM

10:30 na nang umaga nang napag-pasyahan nilang pilasin ang mga tickets namin at suyurin ang bag namin kung meron ba kaming patalim, bomba at pagkain (oo, bawal ang pagkain dahil may mga nagbebenta na sa loob) Nakapasa naman ako sa guwardiyang mapanuri pagkatapos niyang kalampagin lahat ng gamit ko sa bag, na para bang naghahalo lang siya ng mainit na kape, (kasama na ang Nintendo DS, PSP at celphone ko) at matapos niyang himas-himasin ang buong katawan ko sa kanyang paghahanap kung meron bang time bomb na nakaipit sa mga bilbil ko e wala naman siyang nakita. Buti na lang at wala. Mwehehehehe...


Ang tatlong kumag sa harapan ni Voltron

Samu't-saring booths ang tumambad sa amin pagkapasok namin sa loob. May booths na nagbebenta ng animé merchandise, may booth na nagbebenta ng piratang DVD's ng animé, may booth din para sa registration ng gustong sumali sa iba't ibang contest tulad ng drawing at dubbing. Andami. Nakakahilo. Puro animé. Kulang na lang e condom na may mukha ni Doraemon. Magsasawa ka talaga sa dami. Pero imbes na animé ang hanapin, e ang food booths ang una kong minarkahan sa aking "imaginary map". Nagdedeliryo na ako sa gutom at pinagkakamalan ko nang dambuhalang squidballs ang mga nakikita kong bagay sa ilalim ng mga mini-skirts na nakakasagupa ko. Di ko na kaya. Kumain na ako.

Japanese-style Beef Bowl. 77 Pesos. Anak ka ng tinolang duleng. Isang linggong supply na ito ng tinapa e. Bumili na rin ako ng pineapple juice na nagkakahalagang bente pesos para naman mas madaling lunukin ang pagkain na labag naman sa bulsa ko ang presyo.


Ito lang ang naiuwi ko galing sa event.
Isang DVD copy ng Sayonara Zetsubou Sensei
at Black Jack; at hindi pa gumagana ang disc 1 ng isa...

Kanya-kanya kaming ikot pagkatapos kumain. Sa unang tingin, maraming booths. Maraming pwedeng pagka-gastusan. Pero kung nang-galing ka na sa mga naunang events ng Hero e mapapansin mong parang maraming kulang. Mapapansin mo rin na napakaliit ng venue, at isa-isa nang nagdadagsaan ang mga miron. Napuno ang venue sa isang kisapmata at nakita ko na lang ang sarili ko na lumalangoy -- nagba-butterfly stroke at sumisisid sa isang mistulang-dagat na puno ng tao.


At nagsimula na ang programa...

Inatake na naman ako ng asar. Sa buong buhay ko, hindi ko talaga nagustuhan ang mga crowded places. I hate crowds, ika nga. Di ko nga alam kung bakit pa ako nandito. Para lang akong baliw. Wala naman akong phobia o kung ano, pero lumaki lang talaga ako na walang ibang kinakausap kundi ang kaluluwa ni Hitler. Hehe, biro lang. Ayoko lang talaga ng maiingay. Nawawala sa "sync" ang utak ko 'pag maraming maingay at magulo sa paligid.

Nagpasya na lang kaming umalis ng mga bandang alas-dos dahil pati ang mga kasama kong Otaku ay na-disappoint na rin sa event. Di ko rin nakita ang mga kasamahan kong staff sa PKMN-ph.com dahil sinindak ko sila nung isang araw. Ako man ay di nag-enjoy at muli ko na lang ibinaling ang aking atensyon sa mga babaeng naka-suot ng mini-skirt at walang habas na bumubuka-bukaka.


Ano ba?! Sino bang kumuha nitong picture na ito?!

------------------------------------------------------------

2:00 PM - 6:00 PM

Megamall. Oo, tama. Megamall na lang.

Nagpunta na lang kami sa Megamall para masolusyunan ang pagka-bitin namin sa nasabing event at nagsimula na naman ang sangkatutak na lakaran. Halos mapugot na ang mga paa namin sa pagod. Kung nakakapagsalita lang ang paa e malamang e minumura na kami ng mga ito. Pero sige pa rin, makapagpalipas lang ng oras. Walang masyadong nangyari sa Megamall kundi - lakad, lakad, kain, lakad, lakad, bili ng konting merchandise, lakad at lakad uli. Sa mga puntong iyon, gusto ko nang mang-agaw ng wheelchair o stroller sa mga matatanda at mga sanggol na nakakasalubong namin. Sobrang pagod na talaga ako. At sabi ko nga, sa mga oras na iyon, dalawa na lang ang gusto kong mangyari: ang sumigaw dahil sa pagod o ang magbigti ng sarili.

At dahil hapon na at nag-uumpisa nang mag-hari ang kadiliman, nagpasya na kaming umuwi. Pero bago pa uli kami nakasakay ng van pabalik ng Laguna e sumailalim na naman kami sa isang mahabang lakaran na siyang nagpatulog sa amin sa biyahe kinalaunan.

------------------------------------------------------------

ANG KONKLUSYON

Kasalukuyan pa ring nangangatog ang mga paa't tuhod ko habang tina-type ko ito, pero di ko maiwasang mamangha sa aking sarili at nagawa ko pa ring mag-type ng ganitong kahabang dokumento sa kabila ng pagod. Hehe.

Palpak ang Hero Nation. Para sa aming mata siguro, oo palpak talaga. Bakit? Una, dahil sa isang venue na di ganong kilalang pinagdarausan ng mga ganitong events ang napili nilang lugar. Anong nangyari sa SMX at Megatrade Hall? Maliit ang lugar, at paano naman magkakasya ang 500+ katao sa isang lugar na mas malaki lang yata ng kaunti sa isang basketball court? Isama mo pa ang mga booths, kainan at stage. Mai-imagine mo na siguro kung gaano kasikip dun. Tungkol naman sa programme, di ko na huhusgahan yun dahil di na naman namin tinapos. Ang huli ko na lang na nasaksihan e ang pagsayaw ng Pilipinong "seiyuu" (voice actor) ni Naruto na sadya namang napaka-corny, gusto ko nang maglatag ng banig at matulog na lang nang mahimbing. Lahat siguro ito ay naging sanhi ng isang pagpa-plano na pabagu-bago at mukhang tinapos sa isang desperadong paraan. Kung matatandaan ng marami, ilang beses na na-move ang event na ito magmula Nov. 6, naging Nov. 20, at biglang naging Nov. 30.

Pero ganun pa man, marami pa rin akong natutunan sa adventure na ito. Iisa-isahin ko lang para sa inyo (huwag kayong mag-alala at malapit na itong matapos, hehe)

  • Huwag kang maglalaro ng PSP habang tumat**
  • Huwag kang magsusuot ng leather shoes lalo na't di mo alam ang papunta sa lugar na pupuntahan mo
  • May tatlong stage pala ang pagkapagod ng isang tao: 1.) Magrereklamo sa pagod 2.) Mangti-trip at makikipagtawanan ng malakas, at 3.) Tatahimik at di mo na makakausap
  • Mainitin ang ulo ng mga dispatcher sa terminal
  • Masarap makipag-sumo wrestling sa loob ng MRT
  • Hindi sikat si Mojacko
  • Si Michael Jackson ay pwede ring animé character
  • Naka-shorts din minsan ang mga babaeng naka-mini skirt (inosente po ako)
  • Ang beef na ginagamit sa beef bowl e para lang BACON
  • Legal ang pamimirata ng DVD sa mga ganitong event
  • Marami talagang weirdo sa mga ganitong event at uso dito ang pakikipag-usap sa sarili
  • Late ng isang oras ang orasan ng mga staff ng Hero
  • Si Naruto ang mascot ng Hero at hindi si Cha-cha
  • Magmumukha kang bumbero pag di mo sinuot ng maayos ang costume ni Naruto
  • Binebenta pala ang Death Note, hindi nilalaglag ng demonyo
  • Magmumukha palang aswang si Voltron pag di na-assemble ng maayos
  • Masakit pala kapag pinagpalit ka ng ex-girlfriend mo sa isang tao na mas adik pa sa animé kesa sa iyo, hehehe (jeeeee.....poooo.....yyyyy)
  • Maganda pala pag-aralan ang "teleportation" para hindi ka na mapagod sa mahabang lakarin
  • Ang isandaang piso ay mas mainam pa ring ipang-gastos sa hair wax kesa sa mga event na ganito
Overall, nasayang lang sa akin ang 100 Pesos sa ticket na yun. Ngayon alam ko na kung pupunta pa ako sa susunod na Hero Convention. At ang sagot diyan ay: Hinde. Hindi talaga ako para sa mga ganitong okasyon. Oo at mahilig akong manood ng animé, pero hindi sa punto na magsusuot na ako ng damit ni Eugene o ni Recca at titira ng bolang apoy gamit ang aking kili-kili at singit.

Hindi ko na alam kung paano tatapusin 'tong entry na ito...pagod na pagod na talaga ako at ang naaalala ko na lang e ang...zzzzzz.....mga....

....mini....skirts....zzzzz....

- FIN -

No comments:

Post a Comment