Isang araw na naman na muli akong tinamaan ng toyo, at wala na namang magawa. Nag-blog lang muna ako sandali kasi lobat na ang PSP at Nintendo DS ko (hehe, sosyal. Dati "Brick Game" at "Game & Watch" lang ang pinapatos ko). Napudpod na ang mga daliri ko sa kakalaro ng video games, at natuklasan ko na maganda pala itong pamatay ng oras. Oo, sa loob ng labing-pitong (27, este 17) taon ng paglalaro, e napansin ko na may maganda palang naidudulot ang video games bukod sa kasiyahang naidudulot nito tuwing gumugulpi ka ng mga pixels sa maliit na screen ng isang portable game console (Opo, portable lang, wala kaming pambili ng PS2, PS3, PS4, PS5, PS6...ha? Ano? PS3 pa lang ang meron? Ah, diyaske, akala ko may PS9 na. Para lang kasi silang nagbibilang ng wantutri pag naglalabas ng console).
At tama, maganda nga silang pamatay ng oras. At maganda ring pamatay ng oportunidad. Andami kong hindi nagawa sa loob ng dalawang linggong cease fire sa trabaho. Hay susme, pero kahit ganun pa man, di ko maalis ang adiksyon ko sa nag-iisang bagay na talaga namang kinahiligan ko (bukod sa magreklamo) simula noong ako'y fetus pa lamang.
Ang paglalaro ng bidyo geyms.
Marami ang magsasakdal sa akin pag nabasa nila itong entry na ito, lalo na ang nobya kong 'di maka-appreciate ng bidyo geyms. Hehehe. Ang tingin niya yata sa bidyo geyms e kaagaw sa atensyon ko kaya pilit niya akong nilalayo sa mga iyon. Isa pa, baka pagtawanan ako ng mga kasamahan ko sa propesyon pag nalaman nilang may isang titser na walang ibang ginawa kundi mag-bidyo geyms pag walang klase. Hindi ko lang maintindihan kung bakit lagi nila akong pinapansin, e adik din naman sila sa mga laro sa PeysBuk. Iba daw yun, PC Geym daw yun. Ay tanga. Browser geym kaya yun.
Uwak: *Tanga! Tanga! Parehong Tanga!*
Maganda ang naidulot sa akin ng bidyo geyms, kung iisipin niyo lang. Dahil dun, nalaman ko na magaling pala ang mga Hapon sa Karate, pero kayang-kaya silang talunin kung gagamit ka ng baril sa malayuan. Nalaman ko rin na posible pala ang mga ginagawa ng mga action stars katulad nila FPJ at Daboy (RIP to both) sa pelikula. Yung tipong susugod ka sa kuta ng mga kalaban at uubusin mo silang lahat ng mag-isa ka lang. Hanep. Nalaman ko rin na masayang umuntog ng kisame kung naghahanap ka ng piso-piso para may pambili ka ng bagong buhay pag nakaipon ka na ng 99 piraso. Masaya rin palang mang-huli ng mga aswang at halimaw (tulad ng pagkakasabi ng nobya ko sa Pokemon), at isabong sa mga kapwa mong players na nanghuhuli din ng mga aswang. Ang manalo sa sabong, kampyon. Pero ang higit sa lahat, nalaman kong maraming banal na tao tulad ng arsobispo at pastor ang nagpapanggap lang na mabuti sa simula, pero malalaman mo sa huli na sila rin pala ang mga aswang na namumuno sa mga samu't-saring syokoy, kapre, multo, engkanto, garapata, higanteng kulugo, balakubak, at demonyong alikabok na kinakalaban mo.
Malapit na ang Undas. Balita ko magtataas ng presyo ang mga "shops" ngayon na nagbebenta ng iba't-ibang bagay para makatulong sa paglalakbay mo sa sementeryo. Sa mga bidyo geyms, ang mga kadalasang binebenta sa mga shops ay gamot, armas, armor, at kung anu-ano pa. Parang sari-sari store. Parang department store. Pili ka lang. Ewan ko lang kung anu-ano ang ibebenta sa mga shops sa Undas. Wala na akong pakialam dun. Ang alam ko lang e aswang din sila pag nagtaas sila ng 100% sa presyo ng mga binebenta nilang "items"
Mahigit dalawang linggo pa bago magsimula uli ang pasukan, at medyo umiikot na ang bituka ko sa excitement (wag kang mag-alala, di ako plastik, ayoko rin na sanang pumasok pero di ako susuweldo kung hindi ako papasok sa trabaho). Parang bidyo geyms lang din, di ko alam kung anong klaseng mga nuno sa punso (mga estudyante) ang haharap at magpapahirap sa buhay ko sa susunod na "stage" sa Nov.4, at kung gaano kalakas na BOSS ang lalabanan ko, este susundin ko pala, sa paparating na pasukan. Ano kaya ang kanyang "special move" bukod sa kanyang malakas na panirang "You're fired!" na nailagan ko nung huling semester dahil sa galing kong pumindot at mag-recruit ng bagong characters para sumali sa kampanya ko laban sa mga titser na mahilig sa green jokes (ala-RPG).
At sana, pag nalampasan ko ang mga kondisyon ng nasabing "boss", bigyan naman sana ako ng "Bonus Points" (Christmas Bonus. Nagpaparinig lang, hehehe) sa katapusan ng Nobyembre para happy tayo sa Pasko.
Tulad din sa laro, marami rin ang mandaraya sa totoong buhay. Sa bidyo geyms, merong dalawang pwedeng dumaya sa iyo: ang kapwa mo manlalaro, o yung AI ng game na nilalaro mo. Minsan madaya talaga yung "computer" (kadalasang tawag ng mga jologs sa AI. Yung mekanismo kung saan lumalaban na parang tao yung mga tauhan sa isang bidyo geym), bigla na lang gumagawa ng milagro lalo na pag malapit nang matalo. Ganun din sa totoong buhay, maraming mandaraya. At kelangang alam mong lumaro nang sa ganon e di ka nagugulangan. Tignan mo pa lang sa mga government offices, sandamukal na ang mga mandaraya. Kumikita ng "points" kahit nagkakamot lang ng mga singit. Pero higit mong tatandaan na ang pinaka-delikadong mandaraya sa mundo ngayon ay walang iba kung hindi ang iyong sarili. Kung pano mo dadayain ang sarili mo, ikaw lang ang makakasagot.
Masyado na namang mahaba ang dinaldal ko ngayon. Tapos na ang laro, ayan na, at rumorolyo na ang staff credits...
Nag-yayabang na yung mga game developers. Nag-yayabang dahil naubos nila ang isang-daang oras mo sa kakalaro.
Press Start to Continue
10, 9, 8, 7, 6, 5, 4, 3, 2, 1...0
Eengk! Game Over.