Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Monday, December 21, 2009

Ang Wish List ni SerPol

Wish lists are created by people, when they compile a list of items they desire. The person will then distribute copies of this list to family and friends that are likely to purchase gifts for him or her. The goal of a wish list is to facilitate communication between the gift receiver and the gift giver. Wish lists often contain items that a gift purchaser can obtain from a variety of retailers.


Paki-kumpirma nga sa akin kung tama ang nababasa ko...

Magko-compile ako (hanggang dito ba naman ay may "compilation" pa ring involved?) ng isang listahan ng mga bagay/items na gusto kong makamit, at pagkatapos ay ipapadala ko ito sa mga tao na kumbaga ay para lang nagpaparinig ng "HOY! Baka gusto niyo akong regaluhan nito!"

Tama, ano? Ayos. Yun pala yun. Naghahanap kasi ako ng eksaktong depinisyon ng salitang "Wish List", at sa kabutihang palad ay muli na naman akong natulungan ni pareng Wiki. Ayun pala ang "wish list"... Parang listahan lang ng mga taong papatayin sa buwan ng eleksyon.

Maalala ko lang ano, napakatagal na rin pala magmula nung huli akong niregaluhan ni "Santa Claus" ng regalo. Kung tama ang pagkakatanda ko, isang laruang Power Ranger ang huling niregalo sa akin. Yung Green. Si Tommy ba yun? Yung may gintong shield sa dibdib at pwede ring gawing flute yung kanyang itak? Yung niregalo sa akin noon, e yung tipong 'pag pinindot mo yung buton sa kanyang sinturon e magpapalit siya ng ulo. Oo, tama ka. Nagpapalit ng ulo. Di na kailangan ng head transplant. Isang pindot lang, at ang normal niyang mukha ay mapapalitan na ng isang ulo na nakasuot na ng helmet. Astig. Nakakatuwa. Pero dahil sa hindi ka na nakaka-relate e ititigil ko na ang pag-describe sa laruang iyon.

Ilang taon pa lang ako nung binigay sa akin yun. Grade 2 pa siguro ako noon. At nung mga panahong iyon e sikat pa rin si Santa Claus sa mga kabataan. Marami pa ang nauuto noon na kesyo totoo DAW talaga si Santa Claus; nakasakay sa kariton na hinihila ng mga ungas, este ng mga usa at pumapasok sa mga bahay-bahay sa pamamagitan ng pag-lusot sa "chimney". Kung paano siya nagkakasya dun e hindi ko alam. At kung paano siya nakakapasok sa bahay ng mga Pinoy ay lalong hindi ko alam, dahil wala namang tsimineya ang mga bahay dito sa Pinas ("Tsimineya! Tsimeneya! Naglilinis ng Tsimineya!").

Andiyan din ang mga paniniwala na kakuntsaba daw ng mga magulang namin si Santa Claus at iniiwan na lang sa kanila ang regalong para sa amin. At lalo pa itong pinatibay ng kanta ng nasirang Michael Jackson na "I Saw Mommy Kissing Santa Claus" na mayroong dalawang posibleng propesiya: 1.) Tatay mo yung nagpapanggap na Santa Claus, at 2.) May ibang kinakalantari ang nanay mo at nagkikita sila ng patago tuwing hatinggabi (at naka-costume pa ng Santa Claus si kabit).


I did! I did see Mommy kissing Santa Claus last night, and I'm gonna tell mah Dad!

Nakaka-miss. Parang gusto ko tuloy bumalik sa sinapupunan ng nanay ko para maging bata uli.

Pero iba na ngayon sa Pinas. Lumalaki na ang mga bata ngayon na hindi inuuto ng kanilang mga magulang. Fetus pa lang yata e sinasabihan na ng "Anak, hindi totoo si Santa ha? Kaya huwag kang hihingi ng house and lot sa Pasko". Tsk. Maraming dahilan kung bakit hindi na totoo si "Santa" ngayon (at siyang iniisip ko pa rin kung bakit "Santa" ang ginamit kay Santa Claus, imbes na "Santo"...Hindi kaya siya ay bading?). Malamang, dahil na rin siguro sa kahirapan. Dahil hindi na kayang kuntsabahin ng mga magulang ngayon si Santa na baka pwede pang mabigyan ng regalo ang kanilang mga anak.

Hindi na kayang panindigan ng mga magulang si Santa Claus dahil sa kahirapan.

Pero kung may magandang epekto ba ito sa mga bata, e ang sagot ko diyan ay oo. Mabuti na rin at maaga silang namulat sa mga kasinungalingan ng mundong ito. "Early Dismissal" kumbaga. Ay mali. Saan ba nanggaling yung term na yun?... Hehe. Pero ako, sa kaso ko, hindi na ako bata. Batang-isip lang. At sa tuwing tatanungin ko ang nanay ko kung nasaan si Santa, ay isang malutong na sapok sa noo ang inaabot ko (habang naglulumpasay sa kakatawa ang aso naming si Pot-pot).

Sadyang may punto nga ang mga katagang "Ang Pasko ay para lang sa mga bata". At huwag niyo uli akong tanungin kung sinong Emo ang nagsabi niyan dahil hindi naman ako galit kay Santa Claus at kay Mr. Bean. Panahon talaga kasi ng mga bata ngayon. Bukod sa mahabang bakasyon e panahon pa ng pangangaroling (kahit binubuhusan sila ng mainit na tubig), pagtanggap ng mga regalo at pagtanggap na rin ng mga Aginaldo. Mga inaanak? Sinong inaanak? Wala akong inaanak! As in, wala! Wala na akong matandaan dahil sa dami ng nag-proxy sa akin sa mga binyag ng sanggol na hindi ko naman kaanu-ano. At magugulat na lang ako at biglang susulpot dito at magsasabi ng "Ninong, anlaki na ng utang mo sa akin"

Utang ko? UTANG NA LOOB, please lang! Hindi kita kilalaaaaaaaa!!!

Kaya naman ang mga high-tech na gurang ngayon ay nauuwi na lang sa pag-gawa ng "Wish List". Dahil hindi na sila mga bata at wala nang Santa Claus na magreregalo sa kanila ng mga designer clothes, novels, CDs, DVDs, bags at kung anu-ano pang mamahaling bagay na pwedeng bilhin ng isang Dirty Old Man or D.O.M. for short (Maraming hindi naka-gets sa "D.O.M." sa huli kong blog entry) o ng isang Matrona/Bakla para sa kanyang Fafa (Yung mga mahihilig mag-bigay ng indecent proposals). Lugi rin minsan sa exchange gifts, dahil 'pag nagregalo ka ng isang sosyal na plato na P200.00 worth, e makakatanggap ka lang ng tatlong set ng "Good Morning" towels bilang kapalit. Yung twalyang sinasabit sa leeg ni Erap. Ganun. Badtrip.

Ah, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ibibigay ko na ang wish list ko para sa Pasko, kahit alam kong isang buwan na akong late at ilang araw na lang ay Pasko na. Araw-araw naman dapat ay Pasko, sabi nga ng mga hindi Katoliko.

* PLAYSTATION 3 / Nintendo Wii - Oh, ano, ha? Paktay ka diyan, bay! Sinong magreregalo sa akin nito? Kung sino man ang may ganang mag-waldas ng 30K diyan para regaluhan ako nito e sa iyo na ang habang-buhay kong...pag-galang! Hehe.

* Bola ng Basketbol - Pitong taon nang flat ang Milo Basketball ko. Junior size pa yun. Heavyweight na ako. Wala na rin akong ehersisyo kaya maganda na rin ang mabigyan ng bola ng basketbol. Isa pa, nakabili na ako ng orig na basketball jersey ni Mark Caguioa. Yung player ng Barangay Ginebra Kings. Pwede na akong makipag-laro sa mga dose anyos dito. Ang nakakatanga lang, ay inuna ko pa ang damit kesa sa mismong bola. At oo nga pala, kung gusto ninyong samahan ng Basketball Court e mas maganda. Hehe.

* Libro ng Data Structures / Systems Analysis and Design - Eto yung mga tinatawag na pang-"weirdo" na gamit. Geek, kumbaga (hindi Greek, Griyego yun). Sa totoo lang, wala naman akong kamuwang-muwang sa mga kompyuter. MS Paint lang talaga ang alam ko. Pero dahil sa kinakailangan sa trabaho e wala na akong ibang choice kundi ang maging taga-sunod ni R2D2.

* Tsinelas - Laspag na ang tsinelas ko. Pero buti na lang at matibay pa. Regalo pa sa akin ito ng syota ko nung birthday ko last year (Grabe, antagal na pala). Tumatanda na rin kasi ako. Tsinelas na lang ang footwear of choice ko 'pag namamasyal sa mga malls (bukod sa leather shoes). Nagmumuka kasi akong bagets kapag naka-rubber shoes ako at pinagkakamalan pang si John Lloyd (kumulog bigla). Tsaka numinipis na ang ilalim ng tsinelas ko sa kakapalo ng mga pusa na nakikipag-lambingan kay Pot-pot (yung aso namin)

* Wallet - Amoy anghit na ang wallet ko. Yak. Nakakasuka na minsan, lalo na at pag dumudukot ako ng pamasahe. Hindi kasi gawa sa leather ang wallet ko kaya naa-absorb nito ang pawis sa mga hita ko (sa bulsa ng pantalon ko nakalagay ang wallet at hindi sa loob ng brip). Kaya kung pwede, yung leather ang iregalo niyo sa akin. Yung gawa sa balat ng dinosaur.

* Mas maraming bisita - Bisita lang sa blog. Hindi bisita sa bahay dahil wala namang lamay dito. Ngayon kasi, habang tina-type ko ito e maglilimang daan pa lang ang napapadpad sa blog ko. Hindi na masamang bilang ito, pero sana bago matapos ang taon ay mag-"Sky Rocket" sana ang bilang ng mga walang magawa sa buhay at mapadaan sila sa aking munting tambayan. Ngayon na rin ako magpapasalamat sa mga masugid na tagasubaybay ng blog na ito, at ganun na rin sa mga na-inspire kong sumulat uli ng blog entries sa wikang atin (alam kong meron, tatlo na yata sila) Salamat uli sa inyo at mabuhay tayong lahat.

* World...er, Peace sa Pinas - Walang ibang makakapag-bigay nito kundi yung may birthday ngayon na nasa itaas. Pero huwag tayong mawalan ng pag-asa, kahit nag-daan pa tayo sa samu't-saring delubyo magmula sa H1N1 epidemic, pananalasa ng bagyong Ondoy at Pepeng, Maguindanao massacre, Ondo Perez kidnapping at ang nag-babantang muling pagputok ng bulkang Mayon.

Magaling ang mga Pinoy, NAPAKARAMI nating magagawa para isalba ang bayang Pilipi ---- teka, hoy, sino kayo? Bitawan niyo ako! Nurse?! Anong pinagsasasabi niyo diyan?! Wala namang Mental Hospital sa Laguna! Bitawan niyo ako, arekup! Buset! Bitawan niyo ako! Hindi ako baliw! Crispin! Basilio! Sisa! Crisostomo! Padre Salvi! Padre Damaso! Hindi pa ako tapos! BITIWAN NIYO AKOOOOOOOOO.......!

--------------------------------------------------

Regalo ang unang naiisip natin 'pag sasapit ang araw ng Pasko. Mga bagay na panandalian lang magagamit dito sa balat ng lupa at magbibigay sa atin ng saya. Hindi ako ipokrito o ano, pero ako man ay naghahangad din ng mga ganitong bagay tuwing Pasko. Andami kong gustong makuha, matanggap at maangkin. Ganito talaga siguro ang tao. Nabubuhay at namamatay sa pag-asa.

Wala rin naman akong kapasidad magbigay ngayong Pasko dahil hindi naman ako Congressman, at wala akong ham at keso de bola na maibibigay sa inyo. Isa lang akong pobreng nilalang na may Internet connection sa bahay at ang maibibigay ko lang sa inyong Pasko ay ang Blog Entry na ito.

(Isinama ko nga pala sa aking MP3 Playlist ang kantang "Bro, Ikaw ang Star ng Pasko" mula sa latest na station ID ng ABS-CBN, kahit baduy sa pandinig ng iba)

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

At Happy Birthday kay Bro.

At "Mamatay kayo sa inggit" sa mga tao na hindi naniniwala dito.

No comments:

Post a Comment