Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Tuesday, June 22, 2010

Pagtanda

Sakit na ng katawan ko...grabe.

Paano ba nama'y may nangyaring aksidente kanina malapit sa entrance ng subdivision namin. May dalawang truck na nagkabanggaan; pingas ang unahan ng isa, at ang pangalawa naman e sumalpok sa tatlong poste ng kuryente at sa isang tindahan. Grabe, parang Grand Theft Auto: San Andreas lang! At as usual, kapag may mga ganitong aksidente, inaabot ng 48 years ang mga nasa awtoridad bago mai-alis sa kalsada ang mga nasirang sasakyan; dahilan kung bakit nagkaroon ng trapik sa buong maghapon. Napilitan na lang tuloy akong maglakad (kasama ang daan-daang utaw na walang pasensya sa trapik) papunta sa pinapasukan kong eskuwelahan. Naka-"all black" pa man din ako kanina. At heto pa ang malupit. Pagkalabas ko ng opisina, e nandun pa rin ang isang truck. Ayos. Nice Job. Parang kumabit sa semento yung truck at di na maialis. Kaya naman no-choice pa rin ako kundi maglakad uli papauwi.

Golden City Sta Rosa Road accident
Isang kuha mula sa nasabing aksidente kaninang umaga.
Salamat sa youscoop.tv at sa usiserong nag-upload nito.

Medyo masakit pa rin ang katawan ko sa pagod. At parang may kaluluwang yumuyugyog sa ulo ko habang nakatapat ang mga mata ko dito sa monitor ng aking pinakamamahal na PC. Katandaan? Di pa siguro. Pag-uusapan natin yan mamaya.

Sa nangyaring aksidente kanina, maraming naasar. Maraming nayamot. Maraming napagod at pinawisan. Pero naisip ba nila na suwerte pa rin sila? Dahil imbes na nakikipag-negosasyon na sila kay San Pedro ngayon e buhay pa rin sila at nagmumura dahil sa pagod. Oo, may mga namatay sa nasabing aksidente. At nakikiramay ako sa pamilya ng mga kapatid nating biglaang namalaam habang nasa linya ng trabaho.

At ano naman kamo ang ginagawa ko dito?

Wala lang. Dadaldal lang uli. Masaya lang ako at hanggang ngayong araw na ito e nagkakamot pa rin ako ng malaki kong tiyan, habang nag-iisip ng maikukuwento sa blog entry na ito. Dahil bukod sa aksidenteng nangyari kanina dito sa amin e may nangyari pa palang hiwalay na aksidente sa Cavite at sa Baguio. Susginoo. Ikaw, di ka ba masaya at nababasa mo pa rin itong "walang kuwentang" article na ito? Siyempre, hinde. Pero kung babaguhin ko ang tanong at gawing "Hindi ka ba masaya at nakakapaglaro ka pa rin ng FARMVILLE, MAFIA WARS at NINJA SAGA ngayon?" e malamang sa malamang, kumekembot ka na ngayon na parang gansa.

Napapaisip tuloy ako sa kahalagahan ng buhay... ("Wuuuhuuuu! Kunwari ka pa! Nyehehehe!" - Satanas at Lucifer)

Subukan nating gumawa ng isang research, para mabago naman. Ahem.

Ayon kay Pareng Wiki, ang life expectancy ng isang Pinoy mula pagka-panganak ay naglalaro sa 60 - 75 taon. Para maging eksakto, 74.45 taon daw para sa mga babae at 68.45 taon naman para sa mga lalake. Ayoko nang magsalita at magbigay pa ng mga detalye kung bakit mas maagang namamatay ang mga lalake dito sa Pinas dahil baka kuyugin ako ng mga minamahal nating kababaihan at tawagin akong "Sexist". Basta, yun na yun. Hehehe.

Higit na mas mababa ang life expectancy ng mga tao sa Pinas kumpara sa mga nasa Japan na may 81.25 taon, na siyang pinakamataas sa buong mundo (dahil na rin siguro sa dami ng Power Rangers at Voltes V na magliligtas sa mga buhay nila tuwing sila ay nasa panganib), at sa South Korea na may 79.10 (dahil laging nae-exercise ang mga katawan nila tuwing sumasayaw sila ng Nobody at Binggeul Binggeul) Kung may kinalaman ba ang korapsyon sa gobyerno at ang walang kamatayang pag-iyak ni Kris Aquino sa pagbagsak ng life expectancy ng Pinas, ay hindi ko 'yan alam.

Eniwey, Manila Bay. Napakaraming Pinoy ang nababahala tungkol sa edad nila. Kesyo "Naku, 20 years old na ako! 'Di na ako pwedeng manood ng cartoons" at "Naku, 40 years old na ako! Pwede na akong manloko ng asawa ko! Mwahahahaha!" Conscious na conscious. Daig pa ang isang dalaginding na nahubaran ng bra sa isang beauty pageant. Kulang na lang e gumawa ng countdown timer sa kanyang noo at bawasan ito kada taon tuwing sasapit ang kanyang birthday.

Pero ako? Aaminin ko, nako-conscious din ako dahil sa tuwing madadagdagan ang edad ko e parang nakikita ko na sa utak ko ang itsura ng mga magiging biyenan ko: naka-pamewang at nakataas ang mga kilay, habang hinihintay akong mamanhikan sa bahay nila...Suskupo... Parang mas nakakatakot pa yun kesa sa isandaang Sadako na pinagsama-sama mo sa loob ng isang sako.

Marami ring nagsasabi na nagiging "boring" na ang isang tao kapag siya e nagkaka-edad na. Nagiging "sensitive" at napipikon sa mga pinakamaliit na biro. Nawawalan na ng interes sa mga bagay na nagpapasaya sa sarili niya noong "bata" pa siya.

Pero ang edad nga ba ang basehan kung bakit nagiging "corny" na ang isang tao at hindi na siya natatawa sa mga jokes mo? Ang pisikal na bilang ba ng taon na inilagi niya sa mundo ang sanhi kung bakit bigla na lang nawawalan ng gana ang isang tao sa mga bagay na dati niyong pinagtatawanan noon?

Hindi.

Dahil kaakibat ng pagtanda ang pagtanggap sa mga pangyayaring naganap sa buhay mo noon. Kung paano mo ito ipo-proseso at paano mo ito gagamitin para gumawa ng isang bagong "ikaw" na magpapasaya sa mga taong nagmamahal at nagbibigay-halaga sa iyo; gaano man ito kaagang dumating sa buhay mo. Hindi sukatan kung ganong karaming birthday parties na ang pinagdaanan mo at ilang kandila na ang hinipan mo sa ibabaw ng cake. DAHIL MARAMING MATANDA NGAYON NA BATA PA RIN KUNG MAG-ISIP, AT MARAMING BATA NGAYON ANG NAGPUPUMULIT NANG UMASTA NA PARANG MATANDA.

Kaya naman sa aking ika-*4 na kaarawan (Oo, bertdey ko. June 22. May angal?) Gusto kong magpasalamat, unang-una, kay Bro na nasa itaas (uuyy, tumingin nga siya sa itaas!) dahil patuloy pa rin Niya akong hinahamon na huwag sumuko sa buhay na pinahiram Niya sa akin - gaano man ito kahirap. Maaaring dumating din nga sa punto na gusto ko na itong wakasan, pero ngayon ko lang nakikita ang kahalagahan ng buhay ngayong ako'y nasa "kalagitnaan" na ng aking buhay-mortal. Pangalawa sa aking pamilya na *4 na akong sinasamahan at sinusuportahan, magmula nung ako'y pinanganak pa lamang hanggang sa ako'y nagtatrabaho na at nakikipaglokohan na sa mga estudyante. Sa aking nobya, na pilit na pinapakilala sa akin ang Panginoon, kahit kilala ko na Siya. Maraming salamat sa iyo, at sa iyong walang sawang pagtitiyaga. At ang panghuli...

Sa lahat ng mga kaibigan ko na naniwala at nagbigay ng inspirasyon sa akin. Sa mga taong hindi nakakalimot magpasalamat dahil na-"touch" ko ang mga buhay nila. At pati na rin sa mga nagbabasa ng blog na ito. Alam kong matagal niyo na akong pinagkakamalang si Bob Ong, o matagal niyo na akong nilalait na "Bob Ong Wannabee" pero ganito na talaga ako magsulat. Wala nang eepal.

Maraming salamat, at MAHAL KO KAYONG LAHAT!

At saan na nga ba napunta ang title ng blog entry na ito? Pagtanda? Aber...

KALABAW LANG ANG TUMATANDA.




Para sa lahat ng nagmamahal kay SerPol
at sa mga nagsasawalang-bahala ng kanilang buhay...
Para sa inyo ito.

Monday, June 7, 2010

Pagtanggap

Maikli lang ito. Saglit lang. Sssshhhh...! Wag ka nang mag-reklamo! Saglit nga lang e! Hrrrmmmph!

Ayan. Nawala na tuloy ako sa mood. Iiklian ko na nga sana kaya lang anlakas mong kumontra. Hehehe.

Pangatlong linggo ko nang uma-attend ng trainings at seminars sa pagtuturo. Marami akong bagong natutunan, pero marami rin akong nakalimutan. Minsan nga, naiisip ko na lang na ang mga mata at ulirat ko na lang ang hinahasa sa mga trainings na yan dahil halos dalawang linggo ko nang nilalabanan ang antok para huwag lang maka-tulog habang nagsasalita ang speaker. Grabe. Pero seryoso, marami akong natutunan. Mga bagay na pinagsawalang-bahala ko lang nung mga naunang taon ko sa pagtuturo. Magmula sa tamang pagsusuot ng battle gear, este damit, hanggang sa pagpili ng tamang paraan kung paano pupulbusin ang angas ng isang estudyante sa loob ng classroom. Oo. Mga TECHNIQUES kung paano patatahimikin ang isang pasaway na nilalang gamit lamang ang iyong mga paranormal skills.

Joke lang.

Effective pa rin pala ang mga ginagawa ng mga titser ko noon. Yung tipong pupunta sa likod ng isang estudyanteng nakikipag-daldalan at banayad na tatapikin ang kanyang likod. Medyo bawas sa kahihiyan sa estudyante (kung may hiya man yung estudyanteng yun) at bawas na rin sa "effort" dahil nakakapagod nga naman kasi yung palagi kang ala-Incredible Hulk kung magalit para lang manaway. At yung sinasaway mo e isang starfish lang.

Eniwey, marami rin akong na-realize sa nakaraang dalawang linggo ng pagtatanim ng puwit sa mga monobloc chairs at panonood sa mga kasamahang sabay-sabay na humihikab. Mga ideyang nagpapalutang-lutang sa utak ko bago ako matulog sa gabi. Mga bagay na hindi ko kagad masabi. Mga pangarap at katatakutan na naghahalo sa aking isipan ngayon.

Napag-iwanan na pala ako.

Oo. Naiwanan na ako ng milya-milya ng mga dati kong kasamahan sa eskwelahan na una kong pinasukan. Hindi ko inasahan na ganun na pala ang agwat namin pagkatapos ng isang taon kong pagkawala sa piling nila. At ang buong akala ko e luluhod na sila sa muli kong pagbabalik upang hangaan ako, pero baligtad ang nangyari. Mas napalagom pa nila ang kanilang resumé sa pag-attend ng iba't ibang certification programs, habang ako ay napa-attend lang sa mga food trip sessions sa Mini Stop sa loob ng isang buong taon. Di na kataka-taka kung bakit bigla akong lumobo ngayon.

Hindi lang ang mga dati kong mga kasamahan ang nakakahigit na sa akin ngayon, kundi pati na rin ang mga baguhang teachers na kasabay kong pumasok sa batch na ito. May isang matinik na programmer at meron namang isang halimaw na graphic artist. Minsan, iniisip ko pa rin nga kung tao pa ba sila o nagpa-transplant na ng utak. Programming at Graphics: mga bagay na naikabit na rin sa pangalan ko noong ako ay bago pa lang din sa linya ng pagtuturo; pero ngayon ay tuluyang nawala na.

Sa totoo lang, hindi ko na makita ang lugar na nararapat sa akin sa grupong iyon ng mga guro sa I.T. Oo, at marami akong kayang gawin: Photoshop, Turbo C, Visual Basic, Java, Flash, HTML...kaya ko lahat yan. Pero ang problema e wala akong na-master kahit isa diyan sa mga yan. Ika nga e "Jack of all trades. Master of none" Kumbaga sa Dragonball e, marami kang alam na techniques, yun nga lang e di ka makapatay.

'Di ko na rin alam kung saan lulugar. Halos lahat na yata ng kakilala kong mga guro e gumagaling na habang tumatagal. Kanina nga lang e mayroon din akong kaibigan na isang college teacher din na nag-post ng message sa Facebook wall niya tungkol sa award na nakuha niya kanina: "Most Outstanding Faculty of the Year" Hanep. "Most" na. "Outstanding" pa. Ehek! At dahil sa natural akong inggitero e nainggit naman ako dahil kung tutuusin e mas nauna pa ako sa kanyang magturo, pero wala pa akong nakakamit na award na katulad nun. "Standing Faculty" siguro, puwede.

Ano na bang nangyayari sa mundo? Isa ba itong paraan para pahiyain ako ni Bro sa mga kayabangan ko noon? Parusa na ba Niya ito at ipinamumukha sa akin na mas maraming kayang umagaw ng trono na pinanghawakan ko dati? Lubog na ako. Sapaw na sapaw na. Hanggang ilong na nga e!

Pero iisang bagay na lang ang hawak ko ngayon..."Determinasyon"...

Ganito lang talaga ako. Maaaring nalulungkot at naiinggit ako sa mga nakikita ko pero pagkatapos noon e napapalitan na ito ng sangkaterbang determinasyon. Naniniwala ako sa mga kasabihang: "What doesn't hurt, won't kill me" at "Dropping bombs on me would only make me stronger". Mahilig ako sa mga pagsubok. Dahil alam kong sa dulo ng pagsubok na yun ay isang mas magaling na SerPol ang naghihintay. Maraming beses ko na itong napatunayan at PATUTUNAYAN KO ULI ITO NGAYON.

Hintayin ninyo ako, mga kasama. Tinatanggap ko ang hamon ninyo.