Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Friday, April 19, 2013

Isang Araw

7:40 AM

Magandang Umaga!

Kakagising ko lang. Nag-alarm ako ng 5:30 AM, pero sabi ko sa sarili ko "5 minutes pa..." Ayun. Pagka-gising ko, nakatutok na sa mukha ko ang sinag ng araw (dahil ayon sa Pol-shui, ang kwarto ko ay naka-posisyon sa pinaka-malas na pwesto ng bahay tuwing umaga). Pakiramdam ko parang gustong ipa-photocopy ng Diyos yung mukha ko. Oras na rin para mag-almusal at maligo. Mahaba-habang biyahe na naman ang kakaharapin ko ngayong araw na ito.

10:35 AM

Naka-bukas na ang laptop at tablet ko. Tapos na rin akong mag-almusal ng "saucy" na version ng Lucky Me! Pancit Canton (sa ibang salita, "malabsa"). Hinintay ko rin munang matapos yung pinapanood kong Dragon Ball Z bago dumerecho sa banyo. Nakaka-miss kasi itong anime na ito e. Gunawan talaga ng mundo ang trip! Pero nang marinig ko na ang "Yum-yum-yum!" ni Boy Logro sa Channel 7, yun na ang cue ko para maligo. 

11:30 AM

Kakarating ko lang sa faculty room. Wala akong summer class ngayon (Lunes at Miyerkules lang), pero may mga dapat lang akong ayusin. Dumerecho kaagad ako kanina sa opisina ng HR para ayusin yung mga kulang kong requirements (na nung isang taon pa hinihingi). Humahangos pa nga ako habang kausap yung mga kapwa ko empleyado. Grabe naman kasi ang init sa labas! Para kang nasa loob ng pugon! 

At ako'y magpapa-lamig muna sa loob ng opis...

Kanina nga pala habang nasa biyahe ako, may tumawag sa aking babae sa telepono. Ingglisera. Long distance. Landline. Sosyal. Hindi ko maintindihan yung sinasabi; dahil bukod sa iniinggles niya ako e nakikipag-sigawan din sa akin yung mga rumaragasang jeep at tricycle. Nilalamon ng ingay ng kalsada yung boses niyang pang-3 years old kaya sinabihan ko na lang na tumawag uli maya-maya (habang nakatingin sa akin ang mga pasahero ng jeep na para bang gustong maki-usyoso sa pinag-uusapan namin). 

2:20 PM

Sa sobrang kakaisip ko sa pag-tawag nung babaeng sosyal kanina, 1:30 PM na ako nakakain ng tanghalian. Sweet and Sour Chicken, isa't-kalahating kanin, at libreng sabaw ng Sinigang ang kinain ko. 50 Pesos lahat, may libre pang tissue at simangot ng kahera. 

May pinsan pala ako na nag-refer sa akin sa pinapasukang kumpanya nung babae. Inimbitahan niya akong mag-exam sa Martes para malaman kung pupuwede ba akong ipasok bilang "Solutions Developer" sa isang kumpanya sa Makati. Astig. Ang kisig ng title. Pero para sa aming mga IT graduates, mas pina-gandang tawag lang ito sa "Programmer". Pumayag ako sa alok; wala naman kakong masama kung susubukan ko. Ang problema lang, hindi ko forte yung programming language na gagamitin sa technical exam. Sa isip-isip ko na lang, "Pol. Mukhang hindi ka pa makakawala sa mundo ng mga masusungit na titser!"

3:30 PM

Nasa bahay na ako. Hindi ako makapaniwala na isang oras talaga ang biyahe ko kahit parehas lang naman na nasa Laguna ang bahay namin at yung pinapasukan kong iskul. 

Dumaan muna ako sa pet shop na malapit sa iskul namin para bumili ng Betta o yung "Fighting Fish" na tinatawag (pero hinding-hindi ko ito ipinang-lalaban kahit kelan). Namatay na kasi yung 150 Pesos na Betta ko nung isang linggo. Akala ko kasi binabangungot lang sa loob ng sarili niyang aquarium, yun pala malalagutan na ng hininga. 50 pesos na pulang Veil Tail Betta lang itong ipinalit ko. Maganda naman siyang tignan kahit papaano. At kung sakaling trip niyang mamatay bukas, siguradong 'di na ako malulungkot (konti lang).

Eto nga pala ang tumutugtog sa MP3 Player ko kanina habang nasa biyahe:

'Di ko rin akalain na matututo akong makinig ng mga ganitong kanta

8:30 PM

Ang boring dito sa bahay. Wala akong ginawa sa loob ng limang oras kundi pag-eksperimentuhan ang Android tablet ko at mag-laro ng PS Vita kapag sawa na. Naka-idlip din ako saglit dahil sa sobrang pagka-bagot, kahit sobrang init pa rin sa loob ng kwarto ko. Busy rin sa trabaho ang girlfriend ko kaya 5:30 PM na kami nakapag-chat bago siya umuwi. Ngayon ko lang din nabawi ang laptop ko sa nanay ko na sobrang adik na sa Candy Crush Saga, kaya ngayon lang uli ako nakapag-update.

Sinubukan ko ring mag-basa nito, kahit pakiramdam ko e laging may sisigaw ng "IPOKRITO!" sa likuran ko:

Yung huling basa ko dito, nasa Table of Contents pa lang ako. 

Sumisigaw na ang nanay ko galing sa ibaba (abot hanggang dito sa 3rd floor ang boses). Kainan na daw.


10:45 PM


Mag-hahanda na ako para matulog. Nakaka-ilang hikab na rin kasi ako dahil sa antok. Pinipilit ko na lang tapusin itong entry na ito para makapag-pahinga na. May malaking event nga rin pala na dapat kong daluhan bukas nang gabi -- Highschool Alumni Homecoming. Sa wakas, pagkatapos ng sampung taon, makikita ko na naman ang mga dating ka-eskwela na sumasayaw noon ng MmmBop at I Want It That Way.

Magkakaroon na rin ng PART 3 ang isang ito.


11: 55 PM

Paalam, April 19. Bukas ay panibagong "restart" na naman para sa akin. Ang dasal ko lang bago matapos ang araw na ito e mabawasan ang quota ko -- 10,000 na tao na dapat kong ma-impluwensyahan bago ako mag-laho sa mundong ito. Hindi madaling bagay ito. Pero sa mga munti kong paraan, e matatapyasan ko rin ang malaking bilang na yan balang araw.

Kasama ka na ba sa bilang?

Inaantok na talaga ako. Sana bukas, may magpa-"photocopy" uli ng mukha ko.


SerPol v2.0 will shut down in 3...2...1...



Friday, April 12, 2013

Update-update Din 'Pag May Time

Sa tagal ko nang hindi nakapag-sulat ng blog, hindi ko na malaman kung paano ko babanatan ang intro nitong isang ito. Kanina pa ako nag-iisip ng pambungad pero sa tuwing may maiisip ako e binubura ko din kagad dahil sa kabaduyan.

Buweno, mga kapatid. Anu-ano na nga ba ang nangyari sa Pilipinas nating mahal pagkatapos ng huli kong blog entry?
  1. Naisa-batas na ang Cybercrime Law - Kaya ibig sabihin, bawal na akong mag-mention ng kahit na sino sa blog site na ito dahil baka ultimo bulate e idemanda ako ng libelo.
  2. Ang Iskul Bukol sa Senado - Akala ko dati, estudyante lang ang mahilig sa "copy-paste". 
  3. Pagsikat ng Gangnam Style - na hindi naman makanta-kanta ng mga fans dahil mas malala pa ang lyrics nito kumpara sa Butsekik ni Yoyoy Villame.
  4. Ang Pagkakaluklok ni Pedro Calungsod bilang Pangalawang Pinoy na Santo - na ipinagbunyi rin ng mga kapwa nating Pinoy tulad ng ginawa nila nang makasama si Jessica Sanchez sa American Idol.
  5. Nag-trending si AMALAYER - Huh? Hindi kamo nag-trending??? So Ar Yu Teling Mi, Amalayer??? Amalayer?!
  6. Ang Pananalasa ni Bagyong Pablo - at hindi po ako ang pinag-uusapan dito.
  7. Na-knockout si Pacquiao - YEBA! Sabi ng mga haters!
  8. Muntikan na sanang manalo si Janine Tugonon sa Ms. Universe - at ang nanalo ay isang Amerikano, sa Amerika, at sa isang event na Amerikano din ang may-ari (bitter).
  9. Ang Walang Katapusang RH Bill - Itago mo yang goma na nakasabit diyan sa bulsa mo.
  10. Ang Pagka-gunaw ng Mundo - ayon sa kalendaryo ng mga taong-kweba na mahilig mag-katol.
  11. Nasira ang Tubbataha Reef - dahil sa Amerikanong Drunk Driver.
  12. Namatay na si Lolong d' Crocodile - Pero marami pa ring buwaya na buhay na buhay sa gobyerno.
  13. Kamuntikan na ring magkaroon ng Pinoy na Santo Papa - Sayang. Kinulang lang sa text votes. Tsk.
  14. Bangayang Kris Aquino at James Yap - I RUUUUB IIIT! Next topic please.
  15. Pagbabanta ng Nuclear War ng NoKor - Sino ba ang umaway kay Kim Jong Un?! SINOOOO???
Napakarami na pala ano? Kung bitin ka pa, andyan din yung pag-sikat ng Harlem Shake. Yun bang sayaw na kapag ginagawa ng mga bata e parang feeding time na sa loob ng mental hospital? Ang hirap i-describe e. Basta kapag nakakita ka ng mga haliparot na parang sinasaniban ni Linda Blair, yun na yun.

Haaay. Ngayon lang uli ako nagkaroon ng time para mag-sulat uli. Medyo naging mabigat kasi ang responsibilidad natin sa nilipatan nating school nitong nagdaang school year. Syempre, alam mo naman...titser kapag nasa gitna ng klase, action star naman kapag uwian na. Biro lang. Pero seryoso. Sa sobrang pagod ko araw-araw, ang una ko na lang na naiisip gawin pagkauwi ng bahay e mag-somersault, una ang ulo sa sahig, para makatulog na kagad.

Pero kalimutan na natin yun! Ang sarap ng buhay kapag summer! Tambay-tambay lang. Laru-laro ng bidyo geyms. Nood-nood ng piniratang movies. Kain-kain ng konting grasa at sebo. Ganun. Sa loob ng dalawang buwan, ganito lang ang gagawin mo kada araw hanggang sa ma-realize mo na kelangan mo na uling kumita dahil nag-b-badya na ang nanay mong nagger! Boom! Sapul sa noo!

(Sigurado akong hindi nakaka-relate sa usapan natin yung mga nagbabasa nito habang nasa trabaho...)

Para naman sa may pera, andyan ang iba't-ibang b**ch, este, BEACH resorts na pwedeng puntahan ngayong summer! Ano ba naman yung ipang-bayad mo yung dapat na enrollment fee ng anak mo para lang magpagulung-gulong ka sa white sand na para lang breaded porkchop na lulutuin sa kumukulong mantika pagkatapos? Sige lang! Minsan lang naman ito! YEAH!

Itulak mo ang iyong kapwa -- sa mabuting paraan.

Kung gusto mo naman ng medyo matipid, hindi pa rin mawawala ang mga malls para bigyan ka ng libreng air conditioning kung maya't-mayang gumigimbal sa iyo ang Meralco bill ninyo. Dito, hindi ka pwersadong gumastos ng malaki. Konting window shopping lang at solb ka na! Pag-uwi mo sa bahay, samu't-saring demonyo na ang umiikot sa utak mo sa kakaisip kung paano mo mabibili yung nakita mong 300 Pesos na hair clip sa isang kikay store. (Pakinggan mo ang payo ko, at ipa-ahit mo na lang ang buhok sa ulo mo. Presko pa!)

Andaming pwedeng gawin ngayong summer. Mga bagay na hindi mo magawa-gawa nung may pasok ka pa. Swimming, malling, hiking, social climbing...name it! Lahat pwede mong gawin ngayon!

Pero meron yata tayong nakakalimutan.

Yung kaisa-isang bagay na yun na ilang taon mo nang ginagawan ng dahilan para lang makalusot. Kesyo busy ka, hindi ka relihiyoso, nangangati ang singit mo, o kung anumang dahilan na naiisip mo habang nakaakbay sa iyo ang kumpare mong si Taning. Summer na, 'di ba? Akala ko ba e, oras na para gawin ang mga bagay na hindi mo magawa nung may pasok ka pa sa school?

Panahon na siguro para balitaan mo naman yung "Big Boss" na nakaupo dun sa itaas *sabay turo ng daliri sa langit*. Sigurado akong matutuwa Siya sa mga kwento mo. Huwag mo nang intindihin ang mga sinasabi ng mga hindi naniniwala. Para sa kanila, mas madaling hanapin ang "wala". Pero nasa sa iyo pa rin naman ang desisyon. Walang pumipilit sa iyo. Pero wala rin namang masama kung kukumustahin mo ngayon ang paniniwala mo, kung meron man, habang may panahon ka pa.

Update-update din kapag may time, kapatid.