Buweno, mga kapatid. Anu-ano na nga ba ang nangyari sa Pilipinas nating mahal pagkatapos ng huli kong blog entry?
- Naisa-batas na ang Cybercrime Law - Kaya ibig sabihin, bawal na akong mag-mention ng kahit na sino sa blog site na ito dahil baka ultimo bulate e idemanda ako ng libelo.
- Ang Iskul Bukol sa Senado - Akala ko dati, estudyante lang ang mahilig sa "copy-paste".
- Pagsikat ng Gangnam Style - na hindi naman makanta-kanta ng mga fans dahil mas malala pa ang lyrics nito kumpara sa Butsekik ni Yoyoy Villame.
- Ang Pagkakaluklok ni Pedro Calungsod bilang Pangalawang Pinoy na Santo - na ipinagbunyi rin ng mga kapwa nating Pinoy tulad ng ginawa nila nang makasama si Jessica Sanchez sa American Idol.
- Nag-trending si AMALAYER - Huh? Hindi kamo nag-trending??? So Ar Yu Teling Mi, Amalayer??? Amalayer?!
- Ang Pananalasa ni Bagyong Pablo - at hindi po ako ang pinag-uusapan dito.
- Na-knockout si Pacquiao - YEBA! Sabi ng mga haters!
- Muntikan na sanang manalo si Janine Tugonon sa Ms. Universe - at ang nanalo ay isang Amerikano, sa Amerika, at sa isang event na Amerikano din ang may-ari (bitter).
- Ang Walang Katapusang RH Bill - Itago mo yang goma na nakasabit diyan sa bulsa mo.
- Ang Pagka-gunaw ng Mundo - ayon sa kalendaryo ng mga taong-kweba na mahilig mag-katol.
- Nasira ang Tubbataha Reef - dahil sa Amerikanong Drunk Driver.
- Namatay na si Lolong d' Crocodile - Pero marami pa ring buwaya na buhay na buhay sa gobyerno.
- Kamuntikan na ring magkaroon ng Pinoy na Santo Papa - Sayang. Kinulang lang sa text votes. Tsk.
- Bangayang Kris Aquino at James Yap - I RUUUUB IIIT! Next topic please.
- Pagbabanta ng Nuclear War ng NoKor - Sino ba ang umaway kay Kim Jong Un?! SINOOOO???
Haaay. Ngayon lang uli ako nagkaroon ng time para mag-sulat uli. Medyo naging mabigat kasi ang responsibilidad natin sa nilipatan nating school nitong nagdaang school year. Syempre, alam mo naman...titser kapag nasa gitna ng klase, action star naman kapag uwian na. Biro lang. Pero seryoso. Sa sobrang pagod ko araw-araw, ang una ko na lang na naiisip gawin pagkauwi ng bahay e mag-somersault, una ang ulo sa sahig, para makatulog na kagad.
Pero kalimutan na natin yun! Ang sarap ng buhay kapag summer! Tambay-tambay lang. Laru-laro ng bidyo geyms. Nood-nood ng piniratang movies. Kain-kain ng konting grasa at sebo. Ganun. Sa loob ng dalawang buwan, ganito lang ang gagawin mo kada araw hanggang sa ma-realize mo na kelangan mo na uling kumita dahil nag-b-badya na ang nanay mong nagger! Boom! Sapul sa noo!
(Sigurado akong hindi nakaka-relate sa usapan natin yung mga nagbabasa nito habang nasa trabaho...)
Para naman sa may pera, andyan ang iba't-ibang b**ch, este, BEACH resorts na pwedeng puntahan ngayong summer! Ano ba naman yung ipang-bayad mo yung dapat na enrollment fee ng anak mo para lang magpagulung-gulong ka sa white sand na para lang breaded porkchop na lulutuin sa kumukulong mantika pagkatapos? Sige lang! Minsan lang naman ito! YEAH!
Itulak mo ang iyong kapwa -- sa mabuting paraan.
Andaming pwedeng gawin ngayong summer. Mga bagay na hindi mo magawa-gawa nung may pasok ka pa. Swimming, malling, hiking, social climbing...name it! Lahat pwede mong gawin ngayon!
Pero meron yata tayong nakakalimutan.
Yung kaisa-isang bagay na yun na ilang taon mo nang ginagawan ng dahilan para lang makalusot. Kesyo busy ka, hindi ka relihiyoso, nangangati ang singit mo, o kung anumang dahilan na naiisip mo habang nakaakbay sa iyo ang kumpare mong si Taning. Summer na, 'di ba? Akala ko ba e, oras na para gawin ang mga bagay na hindi mo magawa nung may pasok ka pa sa school?
Panahon na siguro para balitaan mo naman yung "Big Boss" na nakaupo dun sa itaas *sabay turo ng daliri sa langit*. Sigurado akong matutuwa Siya sa mga kwento mo. Huwag mo nang intindihin ang mga sinasabi ng mga hindi naniniwala. Para sa kanila, mas madaling hanapin ang "wala". Pero nasa sa iyo pa rin naman ang desisyon. Walang pumipilit sa iyo. Pero wala rin namang masama kung kukumustahin mo ngayon ang paniniwala mo, kung meron man, habang may panahon ka pa.
Update-update din kapag may time, kapatid.
No comments:
Post a Comment