Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Sunday, August 28, 2011

Kumustasa?

Ah! Na-miss ko ang linyang 'yan!

"Kumustasa?" 'Yan ang pamatay na banat ko palagi tuwing sisimulan ko ang aking litanya dito sa blog na ito; isang uri ng pina-usong Pinoy slang na nagmula sa pinagsamang salita na "Kumusta" o "Hello" sa inggles, at "mustasa" na isang uri ng gulay na nagiging kulay dilaw kapag ginawa na itong "sarsa" para sa mga hamburgers at hotdogs (eew!). At sa lahat ng ngayon lang naka-intindi sa paliwanag na ito e magkakaroon kayo ng "AH! YUN PALA YUN!" trophy bilang award!

Sa kasamaang palad e minalas tayo nang kaunti at 'di ko na muli 'yun nabanggit magmula nung isang taon pa... Sadyang busy lang talaga siguro, at wala na rin akong ibang masabi dito dahil halos nai-share ko na yata ang 1/4 ng utak ko dito sa blog site na ito noong mga nag-daang taon.

Marami ding dahilan kung bakit hindi na ako nakakapag-blog uli.


1.) FACEBOOK AT PLURK

Nandyan ang mga micro-blogging sites tulad ng Plurk (sorry, Twitter fans. Hindi ako mahilig mag Twit-twit), at kahit pati ang Facebook e madalas ko na ring nagagamit sa micro-blogging at sa pagpaparinig sa mga pasaway na utaw na naka-add sa listahan ko. Masarap kasing mag-parinig sa Facebook. Para ka lang parak na nagpapa-putok ng baril tuwing bagong taon at bahala na kung kaninong ulo ang tatamaan. Ganun. At kahit napaka-sagwa ng analogy na ginawa ko, e alam ko rin naman na "guilty" ka rin habang binabasa mo ito dahil malamang sa malamang e nagawa mo na rin ito minsan. Hehehe.


2.) TRABAHO

At hindi ko na rin siguro kailangang ipag-nuknukan pa na isa sa mga dahilan na yun e ang aking trabaho. Para sa mga ngayon lang magagawi dito sa blog na ito, lalo na sa mga napadpad lang dito pagkatapos mag-type ng "MGA-HUBAD-NA-LARAWAN-NI-ANNE-CURTIS-AT-JOSEPHINE-BRACKEN-NA-NAKATUWAD" sa Google Search (Oo, seryoso. 'Yan ang mga keywords na kadalasang ginagamit ng mga nagiging bisita ko dito), ipapaalala ko lang uli na ako, si SerPol, ay isang guro na sumusuweldo lang ng katamtaman kaya katamtaman lang din ang performance... Biro lang! Ganyan na kasi karamihan ng mga guro ngayon e. Tinatamad dahil pakiramdam nila e hindi nila natatanggap kung ano ang talagang para sa kanila (isang matindi at obvious na TRIVIA na rin ito para sa mga estudyanteng makakapag-basa nito). Sa ngayon, nasa ika-apat na taon na ako sa trabahong ito at mukhang malabo pa ang pangarap kong maging Astronaut (ang maniwala, bibigyan ko ng basurahan) dahil sa marami at hindi-ko-pwedeng-sabihin-dito-o-matatapos-ang-karir-ko na dahilan.


3.) 3DS

At kapag naka-shutdown na ang kompyuter ko sa bahay at matapos niya akong sigawan ng "HAY SALAMAT! MAKAKATULOG DIN AKO NG 1:oo AM!" e binabanatan ko naman ang aking bagong bili na Nintendo 3DS. Oo. Laruan. Ano ngayon? Pakialam ko sa iyo. Alis. Shoo.

Eto yung tinutukoy kong Nintendo 3DS. Astig, ano? Mahal yan.

Matagal nang naka-lagay sa listahan ko ang pag-bili sa 3DS. Naengganyo ako dito dahil sa feature nito na "glasses-free 3D" na ang ibig sabihin, kung hindi ka nakaka-intindi ng inggles, e hindi mo na kelangan pang gumawa ng salamin na kulay blue sa kanang mata at kulay red naman sa kaliwang mata para lang makita ang pagka-3D nito. Astig! Pero sa ngayon, ang bala ko lang e yung Super Street Fighter IV 3D Edition (haba ng title!). Kung naaalala niyo pa yung sinabi ko noon tungkol kay Dhalsim, ngayon, makakapag-teleport na siya sa likod mo. Joke lang. Ayos na rin sa investments. Pakiramdam ko, naka-bili ako ng kotse nang mabili ko ito.

Yun nga lang, mahirap kapag nasosobrahan ka sa laro. Dahil pagkatapos kong gumamit nun, nagiging 3D na rin ang tingin ko sa mga kaaway ko at gusto ko na rin silang i-Shoryuken.


4.) MASTERAL...ESTE, MASTER'S DEGREE!

2nd year na ako sa Master in Information Technology. Malapit na ring mag-simula ang kinatatakutan kong thesis. Konting iyak na lang at matatapos na rin ito. Sa lahat ng nabanggit kong dahilan, eto na siguro yung hindi ko magawan ng kuwento. Ewan ko kung bakit...

Pero kung thesis lang din naman ang pag-uusapan, at mas mahirap siya ngayon dahil solo ko na siyang gagawin, naniniwala ako na makakaya ko ito. Ano pa at parang naging one-man riot squad ako nung college pa ako?


5.) KAWALAN NG GANA SA BLOGGING

Mahirap mang aminin, pero unti-unti nang naluluma ang blogging (at least, para sa akin). Nung una, natuwa ako sa pag-b-blog, dahil meron akong sariling lugar na paglalagyan ko ng mga ideya ko, mga saloobin, at kung anu-ano pa na gusto kong i-share sa madla. Pero habang tumatagal, nagiging mas vocal na rin ako sa mga opinyon ko at hindi na ako natatakot na i-share ito sa personal, hindi tulad nung dati. Nagkaroon na rin ako ng mga makakausap, sa wakas...

Isa na rin siguro sa mga dahilan kung bakit mas madalas na ako sa Facebook ngayon e dahil mas mabilis mong makikita dun ang appreciation ng isang tao sa kung anuman ang sasabihin mo gamit ang "Like" button. Oo, alam kong pwede ring lagyan ng ganun dito sa blog, kaso napakarami pang gagawin. Sa Facebook, mag-post ka lang ng "Hehehe", may sandamukal na Likes ka na kagad sa hindi mawaring dahilan. Ganun na ba kababaw ang kaligayahan ng mga tao ngayon?

Nangangamba rin ako na baka sa mga susunod kong posts, e hindi ko na makuha ang dati kong galing sa panulat -- yung katangian ng mga blog entries ko na pwedeng ihalintulad (DAW) sa mga likha ni Bob Ong. Ang problema, unti-unti na ring nalalaos si Bob Ong ngayon. Sobrang nagasgas kasi noon (hindi yung mukha ni Bob Ong ha?), kaya't hindi na ako magtataka kung hindi na rin kasing-benta ngayon yung mga sinasabi nila, este 'niya' pala, sa mga libro.

Unti-unti ko nang nakikita ang pagkalaho ng blog na ito sa cyberspace. Ni hindi ko na alam kung kailan pa ang susunod kong blog entry. Meron pa bang blogger ngayon na nagsusulat ng blogs para sa sarili niya at hindi lang para kumita ng pera? Meron pa bang nag-e-enjoy gumawa ng mga sulat na para lang dapat sa diary, pero ginawa pang online?

Sana lang, hindi mawala ang blog kong ito, at sana ay mabasa pa rin ito ng mga taong naghahanap ng HUBAD-NA-PICTURE-NI-ANNE-CURTIS sa Internet hanggang sa ako ay mamatay na...