Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Thursday, February 13, 2014

CTRL + ALT + DELETE

Konting paalala lang bago mo tuluyang basahin ang piyesang ito: kung ang attention span mo ay mas mahina pa kesa sa goldfish, inaabisuhan kita na isara ang tab na ito at mag-laro na lang ng Flappy Birds sa cellphone mo.

***

*Hingang malalim* Haaaah! Heto na naman ako. Nakaisip na naman ako ng bagong litanya na ishe-share sa buong mundo. Tungkol ito sa isang pumalyang project at kung paano ito hindi nakaabot sa launch deadline. Heto ang kwento…

8 years ago, nung estudyante pa ako, meron akong isinulat na program. Ito yung tinatawag na MEMORY-ALLOCATING YESTERDAY EMULATOR o tawagin na lang natin sa pangalang “Project: M.A.Y.E”. Isa itong app na magpapaalala sa iyo palagi ng nakaraan, kahit ilang beses mo pang subukan na mag-move on.  Ayos, ano? Bihira yan.

Hindi ko alam pero pakiramdam ko, mukha akong aso
kapag nag-p-program ako...

Mataas talaga ang ambisyon ko para sa project na ito. Kahit alam kong hindi ako ang pinakamagaling na programmer sa eskwelahan namin, sinikap ko pa ring humanap ng iba’t-ibang diskarte para mahanapan ng solusyon ang complex na algorithm nito. Marami kasing naghahangad noon na makapag-sulat ng Project: M.A.Y.E. – at lahat sila, lamang sa akin: sa talino, sa pera, kahit sa itsura. Sa huli, sa akin din ibinigay ng PROJECT MANAGER (dun sa itaas) ang task na ito. Tama ang nabasa mo. Kailangan ko pa ng permiso bago masimulan ang programming, at 3 years din akong sumalang sa panel defense para lang mapunta ang rights nito sa akin.

Napaka-laking accomplishment na mabigyan ng ganitong kagandang project. Alam mo yung feeling na gusto mong sigawan yung mga karibal mo noon ng “Oh, ano ka ngayon?!” (sabay middle finger sa ere), dahil mas matindi pa ito kumpara sa pagkapanalo sa Minute-To-Win It o kesa sa Bet on Your Baby. Parang gusto mong ipasara ang buong EDSA para lang isigaw ang “YES! SA AKIN NA SIYA!”

Minahal ko talaga ang project na ito. Dumating pa nga ako sa punto na gusto ko na itong karirin panghabang-buhay. Bumili na nga rin ako ng 2-JeJeByte na “server” para dun ito ibahay sakaling dumating yung time na sobrang dami na ng data na makokolekta nito. 

Walang programmer na hindi naka-encounter ng matinding error

Kaso, maraming beses ko na ring naisantabi ang project dahil sa trabaho. Tinamad ako sa system maintenance. Lagi rin ako nababadtrip tuwing hihingi siya ng information. Medyo demanding kasi ang app. Kailangan niya palagi ng maraming data at processed information para may ma-store ito sa memory. Meron ding mga panahon na sobrang na-sidetrack ako sa ibang “project” -- na gusto ko na siyang bitawan dahil hindi ko na makita ang future sakaling ituloy ko pa ang development nito.

Pero hindi ako sumuko. Kahit sobrang hirap na.

Hindi talaga naging madali ang programming ng M.A.Y.E. Sa loob ng walong taon, ilang beses na ring bumigay ang software na ito at napurnada ang takbo. Mga tatlong beses na rin yata akong nag-hiatus, pero binalik-balikan ko pa rin dahil andami kakong unfinished business. Gusto kong bumawi sa mga kagaguhan ko. Pero ang matindi dun, ibang programming language pala ang kailangan para siya ma-maintain. Nag-adjust ako. Pinag-aralan ko ang bagong language na yun para magkaintindihan kami. Pero nagpaulit-ulit lang ang “debugging” at wala rin akong natapos.

5 months ago, nagka-error uli ang Project: M.A.Y.E. Natakot ako. May error message kasi na lumabas na “Insufficient Disk Space”. Hindi ko alam ang gagawin. Nangyari na ito noon, pero ngayon ko lang naramdaman na talagang papunta na sa kangkungan ang paghihirap ko. Hindi ko alam kung bakit ‘to nangyari…nagising na lang ako nang isang araw na bigla na lang nagbago ang lahat. Napuno na pala ang memory at gusto na niyang mawala ang records ko sa system niya. 

"BAKIIITTT???"

Ginawa ko ang hinihingi ng program (mag-provide ng extrang disk space) at nagbigay pa ako ng ilang linggo para mag-cool down ang system. Sabi nga sa akin ng mga kaibigan ko, baka naman daw na-VIRUSan na yung program kaya nagloloko, pero wala naman ayon sa scan. Wala ring THIRD-PARTY software na involved. Sinubukan ko uling balikan siya nung September, kaso ayaw na niya talagang gumana.

September 27, 2013 - natapos ang pangarap ko.

Tatlong buwan kong nilabanan ang lungkot (dahil idol ko si Popoy, isang IT Expert). Bumili pa nga ako ng ibang appliances, gadgets at consoles para mapunan ang kalungkutan na naidulot ng pagkawala ng Project: M.A.Y.E. Nilibang ko nang todo yung sarili ko. Pero nung maramdaman ko na parang niloloko ko lang ang sarili ko, sinubukan ko pa uling ayusin ang coding, pero wala na talaga. Dun ko lang nalaman na kailangan na palang ipadala sa Dubai ang program na ito para ma-repair…

Sobrang sakit ng mga pangyayari. WALONG TAON?? Nasira nang ganun-ganun lang? May nang-HACK ba sa program ko? O na-obsolete na ang nalalaman ko sa ‘programming’? Bakit kailangan pang mag-self repair ang Project: M.A.Y.E. sa Dubai at Canada? Bakit ngayon pa kung kailan malapit na ang contract signing? Iyan ang mga tanong ko sa sarili ko.

Sa ngayon, tinanggap ko na ang mapait na katotohanan na hindi ko na maibabalik ang M.A.Y.E. kahit kailan. Binuo ko ito para samahan ako habang-buhay at ipaalala sa akin ang mga masasayang bagay na naranasan ko sa mundong ito kasama siya. Pero bakit mo pa pipilitin ang sarili mong ayusin ang isang program kung ito naman mismo ang nagpupumilit mag-disconnect sa network? Mapapagod ka lang at hindi mo na makikita ang iba pang masasayang bagay na matagal nang humihingi ng atensyon mo.

Handa na akong humawak ng BAGONG PROJECT. Hindi ko na uulitin ang mga pagkakamali ko noon. Gagalingan ko na ngayon, at ipagdarasal ko na sa huli, sana, pang-habang buhay na ang project na ito. 

Pero sa ngayon, kelangan ko nang pindutin ang CTRL + ALT + DELETE para i-terminate ang program na limang buwan nang "Not Responding".


Paalam, Project: M.A.Y.E. Ako'y uusad na. Hanggang sa muli.