Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Saturday, September 1, 2012

BAGO! (Part: 1)

Oo. BAGO! Bago talaga! Pero hindi kita minumura, ha? At lalong hindi kita inaamoy. Gusto ko lang sabihin ang salitang "BAGO!"

Bago ko simulan ang litanya kong ito ("bago" na naman), e gusto ko lang sabihin na ngayon ay ang unang araw ng buwan ng Setyembre! Yeba! -Ber month na naman! Mauuso na naman ang mga aswang, kaluluwa, at mga nitso na kulay Tutti-frutti (October at November), at huwag mo ring tatanggalin sa listahan sina Santa Claus at ang mga inaanak mong kilala ka lang tuwing Pasko (December)! Ngayong September naman e ipinag-diriwang ang kaarawan ni Mama Mary. Pero para sa kapakanan ng mga hindi Katoliko e hindi na ako magbibigay pa ng detalye tungkol dito dahil baka bigla nila akong ipag-pray over (o maging biktima ng "cyber-bullying" kung atheists ang pag-uusapan). Ngayong -Ber months din e asahan mo na ang unti-unting pag-dami ng mga TV commercials tungkol sa mga kumag na tatakbo ngayong 2013. Ayos nga e. "Napapanahon".

Ang sarap sa pakiramdam kapag -Ber month na! Naiisip ko pa lang e parang hindi na ako makapag-hintay na makatanggap ng 13th month at Christmas bonus! Kung saan ko man ito gagamitin e sa akin na lang yun...lalo na't nandyan na naman ang mga tsismis na magugunaw na daw ang mundo bago matapos ang taon na ito. Nandyan ang mga kwento tungkol sa katapusan ng Mayan Calendar (pero pwede ko naman silang bigyan ng pera para gumawa uli ng panibago!) at samu't-saring kwento tungkol sa alien invasions (na  matagal nang nag-umpisa, simula nung sumikat si Justin Bieber). Andaming killjoy! Badtrip! Hindi ba nila alam na ngayon pa lang nagsisimula ang lahat para sa ibang tao???

Tulad ko. Ngayon pa lang nag-sisimula ang "panibagong buhay" ko. Hindi dahil sa naging biktima ako ng mga spiritual groups o dati akong durugista, pero may mga malalaking pagbabago talaga na nangyari sa buhay ko ngayong taon. Heto ang Part 1. Next year ko na lang isusulat ang Part 2 kapag stable na uli ang SmartBROKEN Internet connection ko.

Bagong Trabaho

Trabaho. Tra-baho. Ah, ewan. Pero tama ang nabasa mo -- lumipat na naman ako ng trabaho. Hindi naman talaga bagong trabaho, kundi bagong school. Parang kelan lang e nag-simula akong mag-turo sa "S" school. Nang biglang magka-problema, e napilitan naman akong lumipat sa "A" school. Nang madiskubre ko namang pang-janitor lang pala ang sweldo sa "A" school e naisipan kong bumalik sa "S" school at lunukin ang sarili kong pride. At ngayon namang tumaas ang expectations (at ang bilang ng maya't mayang pananakot) sa "S" school, e naisipan ko na namang umalis dahil parang naririnig ko si Kris Aquino tuwing meron akong break time.


Bimby: "Mama, what is 'sulit'?"

Kris: "It's getting more than what we are paying for!"

Bimby: "Mama, you're my number one! (sabay sakal sa nanay)"


Hindi ko alam kung kinulang lang ako sa gatas at pag-aaruga mula sa tinagurian kong "Mama" o ano, pero malaki ang pasasalamat ko sa "S" school. Kung hindi dahil sa kanila, e hindi ko masisimulan ang post-graduate studies ko. Nagkaroon din ng laman ang walang kwenta kong resumé nang dahil sa "S" school. Higit sa lahat,  nabigyan ako ng pangalawang pagkakataon para ipakita na ibang "SerPol" na ang nakaharap nila, dalawang taon na ang nakakalipas..Dahil sa lahat ng mga iyon, e lubos akong nagpapasalamat.

Pero merong mga panahon na kung saan hindi na tayo masaya sa paligid natin at kailangan na nating lumabas ng "bahay" para maka-langhap ng "mas sariwang hangin". At kahit na hindi na nila ako muling pag-buksan ng "pinto" pagkatapos kong "lumabas", e hindi ako magtatampo -- kahit na "binabato" pa ako ng ibang mga naiwan ko sa loob, habang tinitignan ko sila mula sa labas (at naka-belat pa). Nakakalungkot din na kailangan kong iwan ang mga estudyante na kinasanayan ko na...na kahit kasing bantot pa ng kili-kili nila yung mga grades nila, e ma-m-miss ko talagang tunay (WEEEH??? ANG PLASTIK NI SER!). Pero mas higit doon ay ang mga TUNAY kong kaibigan na walang sawang tumutulong sa akin, lalo na kapag ako ay may problema sa Street Fighter at kay Super Mario. Paalam sa inyong lahat, at magkita-kita na lang tayo sa isang malapit na bidyuhan.

Sa ngayon, e kasalukuyan akong nag-t-trabaho sa "M" school. Pinalad lang siguro, kahit hindi naniniwala yung mga haters ko dati. Mas maganda ang pasahod sa "M" school, pero mas marami din ang trabaho. Hindi uubra dito yung "Shotgun Approach" na ginagawa ng ibang titser, tulad nito:


Titser: *papasok sa loob ng classroom* "Dum-didum-didum!"

Mga Estudyante: "GUUUUD MOORNIIING, SERPOL! HOW ARE YOU TODAY? I'M FINE, THANK YOU!"

Titser: "GudMorneng, class! AWARTAPIKPORTUDAY...is...ah...paki-'xerox' (imbes na 'photocopy') na lang ito (sabay wagayway ng lecture notes). Iinom lang ako saglit ng tubig (tatakas, for short), pag-balik ko -- QUIZ tayo!

Mga Estudyante: "HAYOP KA PO, SER!!!"


True story, bro. Medyo mas mahigpit talaga sa bago kong school. Yung tipong 'pag natapilok ka, e pwede ka na nilang sisantihin. Biro lang. Sa ngayon, nasa "acclimation" period pa rin ako. Pinipilit ko pa ring burahin ang kultura ng "S" school sa dugo ko nang sa ganon e hindi nila ipa-LBC ang ulo ko pabalik sa bahay namin. Sa katunayan nga niyan, habang isinusulat ko itong blog entry na ito e meron pa akong santambak na projects na dapat check-an. Kapag hindi ko daw ito natapos e ikukulong daw ako ng mga gwardya pag-pasok ko sa lunes, at hindi na muling makikita pa ng mga mahal ko sa buhay kailanman.

Kahit na mas mahirap sa bago kong pinapasukan, "well compensated" ka naman, ika nga. Hindi katulad sa ibang schools na lawit na ang dila mo sa pagod at kunsumisyon, pati ang bulsa mo, nakaluwa na rin ang dila. Sana talaga, mag-tagal ako dito. Ayoko nang mag-"school hopping". Kelangan ko nang makuntento.

Sa susunod na labas naman ay pag-uusapan natin ang isa pang "bago" sa akin -- "BAGONG BAHAY".

Hanggang sa muli! Sana ay hindi ka nag-sawa sa mga "double-quotes"...katulad ko.

" " " " " " " " " " " " " " " " " " " " " " " " ...

Friday, June 22, 2012

Dear Cholo


Dear Cholo,


Musta ka na? Pasensya ka na kung ngayon lang kita napadalhan ng sulat... Masyado na kasing busy dito. Sumulat lang ako sa iyo ngayon para kumustahin ang pamilya. Alam kong may matindi kayong pinagdadaanan ngayon, at gusto kong makiramay. Sino bang mag-aakala na mawawala si Lola isang araw bago ang birthday mo... Pero huwag kang mag-alala, malalampasan mo rin yan dahil maraming bagay ang dapat mong pag-handaan sa hinaharap.

Andami nang nangyari dito sa 2012. Si Mama, nag-t-trabaho na sa CSWD. Tumutulong na siya sa mga kawawang bata at magulang, pero nagtuturo pa rin sa isang Day Care Center. Nagger pa rin, as usual. Ang hiling ko lang e tumagal siya dun kahit alam natin pareho kung gaano kadumi ang pulitika. Si Papa naman e pumapasada pa rin ng tricycle. Ayun, inaabot pa rin siya ng "mashinggan" mula kay Mama kapag kaunti lang ang kita mula sa pasada. Pero huwag kang mag-alala dahil ok pa rin sila ngayon! Sa katunayan nga niyan e madalas na silang namamasyal sa SM ngayon kesa sa akin.

At eto ang matindi...magugulat ka. Yung kapatid mong si Camille! May BOYFRIEND na ngayon! Hahaha! Pambihira ano? Akala natin dati, tatandang dalaga ito noon e. Sana lang e huwag siyang lolokohin nung boyplen niya kasi sabi nga ni Don-Don (yung pinaka-malapit na pinsan natin) e baka abutin yun sa amin ng magkabilang Shoryuken (isip bata ka pa rin pagkatapos ng 14 na taon)!

Si Lola lang ang nawawala sa kwento. Sayang lang at hindi na niya nasaksihan ang unti-unting pag-bangon ng pamilya natin. Ganun talaga e. Hindi naman natin sila makakasama habang buhay. Pero kapit lang, tsong! Umiyak ka lang nang umiyak ngayon pero sa huli, kelangan mo pa ring tumayo at harapin ang isang buhay na wala siya. Ano pa’t naging lalake tayo! Ito na ang oras mo para makilala ang tunay mong sarili. Buong buhay mo kasi naka-asa ka lang kay lola...at ngayong wala na siya, wala nang ibang magtatanggol sa iyo kundi ang sarili mo. Gamitin mo itong panahon na ito para higit pang magtiwala sa pamilya mo; kay Mama at kay Papa, at pati na rin kay Camille. Dahil sa mga susunod pang labing-apat na taon, e sila pa rin ang makakasama mo sa buhay. Kayu-kayo pa rin ang magiging magka-sangga. Sa ayaw at sa gusto mo.

Balita ko rin e nag-kakalat ka na ngayon sa school? Ano na ang nangyari? Nag-sawa ka na bang makipag-kumpetensya sa mga kaklase mo? Dati, lagi kang nasa Top 3. Ngayon, malapit ka nasa Bottom 3. Puro palakol na ang grades mo, lalo na sa Math! Tsk, mag-aral kang maigi. Pag-pasok mo sa highschool mas mahihirapan ka pa lalo kasi matatanggal ka na sa star section! Dun mo na mauumpisahang maintindihan ang “pamumulitika” -- yung tipong babagsakin ka pero yung mga kaklase mong mas bopols pa sa iyo e pasado! Ganun! Pero OK lang yan, dahil hindi naman lahat ng nasa star section niyo ngayon e magiging successful balang araw. Maniwala ka sa akin. Dito sa 2012, magiging isa kang GURO (oo, hindi ka nagkakamali sa nabasa mo) at ilan sa mga kaklase mo noon na kinakaasaran mo e magiging tambay na lang sa mga bangketa at magiging biktima ng unwanted pregnancy.

Huwag mo na ring intindihin yung mga crush mong babae na hindi pumapansin sa iyo. Sa maniwala ka o sa hindi, makakahanap ka din ng babaeng nararapat sa iyo at makakasama mo sa pang-matagalang panahon. Kailangan mo nga lang magtiis. Ika nga e, good things come to those who wait. At hindi ko sinabing itigil mo yang pag-hanga mo, dahil natural lang naman iyan. Ang akin lang, huwag mong ubusin ang oras mo kaka-mukmok kapag inii-snub ka ng crush mo. Grade 5 ka pa lang. Ni hindi pa nga nagkaka-mens yang mga kursunada mong babae. Hehehe.

Maging matatag ka Cholo... Sa pag-tanda mo, maraming tao ang makakaharap mo. Ang iba sa kanila e tutulungan ka, ang iba naman e sisirain ka. Maraming tatawa sa pagka-dapa mo, at marami namang mag-ngingitngit kapag nakabangon ka. Kahit ganyan ka, marami pa rin ang hahanga sa iyo, magtitiwala at titingala sa iyo balang araw. Magiging isa kang LEADER, tulad ng pangarap mo dati. Kailangan mo lang maging determinado. Ang pagkamatay ni Lola ay ang unang hakbang pa lamang.

Happy Birthday uli sa iyo, Cholo. Alam kong sa mga susunod mong birthday e hindi ka na luluha nang ganyan. :) 


Lubos na nagtitiwala,

SerPol


P.S.
Pogi ka pa rin pagkatapos ng 14 years. Hehehe.