Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Thursday, December 31, 2015

Manigong Bagong TAO


Kumusta? 2016 na. Once a year na lang yata ako nakakapag-blog. Sobrang drama pa nung huli kong entry, pasensya na. Wala e, nag-10th year anniversary na kasi e. Hehehe.

Eniwey, panibagong taon na naman. 2016 na. Bibilang na naman tayo ng talong daan, animnapu at limang araw (EDIT: Woops! Leap year pala ngayon!) na puno ng masasaya, malulungkot, nakakatakot, nakaka-bagnot at mga nakakasorpresang mga bagay.  Pero bago mangyari yun, syempre hindi maiiwasan ng mga miron na katulad mo ang gumawa ng “New Year’s Resolution”.


Tama. Ito yung walang kamatayang listahan mo ng mga bagay na wala ka namang planong gawin talaga. Hehehe. Bakit? Ilan na ba sa atin ang nag-sulat ng NYR (inabbreviate ko na lang dahil nakakatamad i-type) at naka-kumpleto nito? Yung iba, itinuturing na lang ito na parang wish list. Umamin ka, kasama ka dun ano?

Buweno, huwag kang mag-alala dahil sasamahan kita sa kalokohan mo. Pero sa kapakanan ng mga kumag na mahilig mambuska, tatawagin ko itong “bucket list”. Hindi “bucket feast”, pritong manok yun.

Importante sa akin ang 2016, dahil ngayong taon na ako magiging TWENTY years old…ehrm, basta. Kaya gusto ko sanang gumawa ng listahan ng mga bagay na gusto kong gawin (kahit may 99% chance na maging drawing lang ang mga ito) para naman may katuturan ang taon na ito.

*******************************

1.)    Mag-celebrate ng birthday sa isang charitable institution
Sa bahay ampunan (ipapakilala ko si Pikachu sa mga bata), home for the aged (kasi tumatanda na tayo) o kahit sa Philippine Animal Welfare Society (dahil marami nang mga HAYOP ngayon). Kahit saan, basta hindi mga switik na pulitikong nangampanya nitong nakaraan ang makikinabang.

Credits sa may-ari

Aaminin ko; ako kasi ang pinaka-walang kwentang mag-celebrate ng birthday sa pamilya namin. Wala rin akong bisita palagi, puro simpleng kain lang sa labas. Kaya naisip ko na since walang interesado sa araw na nagsabog ang Diyos ng kagwapuhan sa mundo, i-c-celebrate ko na lang ito kasama ng mga taong sabihin na natin na, mas kailangang maging masaya kesa sa atin.


2.)    Pumunta sa ibang bansa
Hindi sa Dubai. Anak ng curry powder. Hindi naman ako sadista, bakit ako pupunta dun?


Medyo malabo ang isang ito, pero gusto ko uling makasakay ng eroplano. Kahit papuntang Singapore lang. May mga kaibigan naman akong nagtatrabaho doon at baka pwede nila akong patulugin sa tabi ng mga aso nila kahit tatlong araw lang. 

Cool, Lah?


3.)    Magpa-renovate ng bahay
Gusto ko rin sanang i-upgrade ang aking naipundar na munting barung-barong dito sa Laguna. Baka kasi kapag nag-level 2 na 'to, makabuo na ako ng Archer at Hog Rider. Hehehe. Biro lang. Hindi ako naglalaro ng Class of Clowns.

Sensya na, eto lang ang nakayanan e...
Medyo nasisikipan na raw kasi yung mga tenants ko (Huy! Magbayad naman kayo sa oras!) at medyo dumadami na ang mga halang ang bituka sa paligid kaya gusto ko na ring ipaayos yung bahay. Sana lang makaipon ako bago magunaw ang mundo dahil naaadik na ako ngayon sa pangongolekta ng mga robot…

Batang isip pa rin pala ako. Next!


4.)    Tapusin ang Masteral!
Mukhang wala na akong kawala sa linya ng pagtuturo kaya wala nang mas mabuti pang plano kundi ang tapusin ang kalahating dekada nang naka-tenggang Master’s Degree ko!
 
Pero baka limang taon pa uli ang bilangin dahil natatakot pa rin ako sa mga demonyong panelista na sisisipsip sa akin ng kinse mil para lang dustain ang pagkatao ko at ipahiya ang maliit kong utak sa loob ng defense room. Pwede bang suntukan na lang?


5.)    Mag-move on
Nitong 2015, wala akong ginawa kundi ikahon ang sarili ko at sabihan ang sarili kong utak na “Pol, i-enjoy mo muna ang kalayaan mo”. Masaya ang may ka-relasyon, pero masaya rin ang maging single. Na nagawa ko naman, sa awa ng Diyos. May mga tsika-babes din akong pinormahan last year, pero tinigilan ko rin lahat dahil na-realize ko na meron pang parte ng pagkatao ko na namumuhay pa rin sa nakaraan.

Hindi pa pala ako tuluyang naghihilom.

Kahit ngayon, hindi ko pa rin masabi na nag-langib na ang mga sugat. Pero habang tumatagal, mas lalo akong napupuno ng inggit at panghihinayang. Lalo na kapag nakikita ko ang mga kaibigan kong masaya kasama ang mga nobya/asawa nila. Kapag nakikita ko ang mga pictures nila ng anak nila na nagkukulitan sa Facebook.  Para akong binabagsakan palagi ng malaking bato sa ulo na may naka-ukit na “NAPAPAG-IWANAN KA NA BOY!”

Sana ngayong 2016, dumating na yung taong bubura sa lahat ng badtrip ko sa buhay; yung magpapa-realize sa akin na pwede na akong mahulog uli nang walang halong takot. Yung tao na magbabalik ng ngiti sa mga labi ko. Yung tao na magtatama ng mga mali sa buhay natin…teka, parang linya yun ni John Lloyd ah? Basta, kung sino man siya, sana magkita na kami ngayong 2016.

Maghihintay uli ako.

*******************************

Ilang oras na lang at magpapalit na ng pahina ang kalendaryo. Ikaw, handa ka na bang harapin ang bagong taon? O nagkakamot ka pa rin ng singit kakaisip ng mga bagay na hindi mo na pwedeng bawiin?

Pagkakataon na natin ito. Patunayan natin na kaya nating maging BAGONG TAO next year.

Happy New Year sa inyong lahat!