Miyerkules Santo ngayon. At ang huling araw ng Marso para dagdagan ang nag-iisang blog entry ko para sa buwang ito. Habang tumatagal yata e nawawalan na ako ng gustong sabihin dahil halos naibulalas ko na lahat sa mga nauna kong articles. Nakakatamad rin minsan, lalo na kung wala namang dapat sabihin. Ayos talaga ang may blog. Obligado kang dumaldal kahit papaano.
Noong nakaraang entry, inilahad ko ang "transition" ko magmula sa isang miyembro ng PKMN-ph, hanggang sa maging staff, at nang matuloy na ito sa pagiging Admin. Hindi ito isang malaking bagay pero kelangan ko pa ring mabanggit dahil naging parte na ito ng buhay ko -- kahit gano pa ito magmukang pang-tsikiting sa mata ng iba.
Iba naman ngayon ang kelangan kong ikwento. Sakto nga at Miyerkules Santo at pwede ko ring mapagnilayan ang naging "journey" ko sa mundo ng akademya, at kung ano na ang nangyari sa akin ngayon.
Kung mahina ang sikmura mo sa mga seryosong bagay e inaabisuhan na kitang i-close ang page na ito dahil magmula dito sa puntong ito ay magda-drama na uli si SerPol...
Ready?...O siya, GO! Walang sisihan ah! Anyway, less-dramatic naman ito kesa dun sa huling farewell message ko dati. Hehehe.
SerPol - Ang Manlalakbay
Manlalakbay, Journeyman, Adventurer, Barbarian, Barbero, Echosero o kung ano pang salita na nalalapit dun (parang anlayo yata nung nahuling tatlo...) Yun ang sitwasyon ko. Sa ngayon, wala na naman akong trabaho dahil napasailalim na naman ako sa kamalasan at napilitan akong mag-file ng resignation sa aking tinuluyang school nitong nakaraang semester (hindi ko na babanggitin pa ang pangalan dahil "wala nang sense") Pipilitin ko ang sarili ko ngayong huwag nang magbitaw pa ng detalye para sa kapakanan ng magkabilang panig, pero maibubuod ng iisang acronym lang ang dahilan ko kung bakit ako umalis.
LBM.
Oo, nag-e-e-LBM ako. Pero hindi katulad ng iniisip mo. Ang ibig kong sabihin sa LBM ay "Looking for a Better Management" Hindi ako sinisante o ano, por pabor. Baka kung anu-ano na ang mga umiikot na usapan ngayon sa lugar na yun. Tulad nga ng sabi ko, "nag-resign" ako at hindi "pinag-resign" tulad ng inabot ko dati sa STI. Sa totoo lang, hindi ko na nga kelangan pang mag-file ng resignation dahil natapos na ang kontrata ko. Ginawa ko lang yun para tuluyan nang putulin ang koneksyon ko sa nasabing paaralan at malinis akong makaalis.
Masakit sa kalooban ko ang pag-alis; dahil kung pagkukumparahin ko ang dalawang paaralan na pinagsilbihan ko, masasabi kong mas napalapit sa puso ko ang mga estudyante dun sa huli. Kakaunti lang kasi sila, kaya mas madali kong nakabisado ang kanilang mga pagkatao. Sila rin ang mga grupo ng estudyante na nag-regalo sa akin noong World Teachers' Day noong nakaraang taon, kaya isipin niyo na lang kung gaano kahirap iyon.
Pero seryoso, kinaya ko yun. Walang dramahan. Walang iyakan. Nag-resign ako ng buo ang loob at isipan ko. Marahil siguro sa tumatag na ang loob ko noon nung iniwan ko ang STI Santa Rosa. Tumigas ba ang mukha, kumbaga. Meron talagang pagkakataon na kelangan nang iwan ang isang kaharian na kung saan, wala nang ginawa kundi ibunton sa mga kawal ang pagkalubog ng kanilang maliit na kastilyo at mag-kompromiso para maka-lusot sa mga ibinabatong itlog sa kanila ng pagkakataon.
Hindi patas.
Bago pa ako tuluyang madulas at maidetalye dito ang lahat, e ititigil ko na dahil natutunan ko na ang mga leksyon ko. Pero hindi ibig sabihin nun na tinatanggap ko na ang lahat ng sisi, dahil kung merong isang palpak dito e siguradong hindi ako yun.
At subukan niyo akong tawagan uli sa telepono, papupuntahan ko kayo kay Lady Gaga para kantahan kayo ng "Telephone"
E-e-e-e-e-e-e-e-e-e-e Stop telephonin' me, e-e-e-e-e-e-e-e-e-e...
Lyrics na lang, masyadong mahalay yung Official Video >:)
Ano na ang PLANO?
Wala. Walang kwenta ang Jobstreet. Ngayon ko lang din napatunayan na wala pa ring tatalo sa manu-manong job application at hindi yung nagpapadala ka lang ng resumé sa Internet na para lang kandidato na namimigay ng flyers sa publiko. Pero anong ginagawa ko dito? Bakit may oras pa rin ako para magliwaliw gayong wala akong trabaho? Simple lang ang sagot ko diyan at hindi na ako magsisinungaling: TINATAMAD AKO. Napapagod na akong ilako ang sarili ko na parang call boy, at maghintay kung sinong sabik sa laman na susutsot sa akin at makikinabang sa serbisyo ko.
Pero malaki ang tsansa na bumalik ako sa STI Santa Rosa.
Oo, maniwala ka man o hinde. Ang iskul na dating iniwan at kinasuklaman ko ay babalikan ko para pagsilbihan muli. "Prodigal Son" ba ang drama? Oo, parang ganun na nga. Nagpakita na ako sa kanila nitong kailan lang, at naklaro ko na ang mga di pagkakaunawaan noon. Masaya rin ako at "na-miss" daw nila ako at ang kakayahan ko. Nakakataba ng puso talaga. Pero hanggang ngayon e wala pang final na desisyon kung tutuloy ba ako dun o hindi, dahil marami pa silang ginagawa at marami pa rin akong hinahanap na options. Pero kung saka-sakali, kung sakali lang naman, baka dun na uli ako mapadpad.
Totoo talaga ang kasabihan na "Don't Burn Bridges" dahil sa huli, magkakaroon ka pa rin ng paraan para makabalik sa pinanggalingan mo. Sana lang at magamit ko pa rin ang kasabihan na yan sa nangyaring pagre-resign ko ngayon.
Paalam
Hindi ako nagkaroon ng tamang pagkakataon para magpaalam sa lahat ng tao na nakasama ko sa iskul na yun ng dalawang semester. Napakabilis lang kasi talaga ng mga pangyayari at kelangan ko na kagad umalis. Alam ko naman na noon pa lang e nagpapahiwatig na ako sa inyo na baka umalis na rin ako, at ayun, heto na nga at natuloy na.
Maraming salamat sa isang taon ng pagsasama. Para na rin tayong isang pamilya dun. Patawarin niyo sana ako kung nagkaron man ako ng pagkukulang at sana'y unawain ninyo dahil "a man can only take so much" Alam ko naman na mabilis nang maka-move on ang mga tao ngayon, at sa isang kisapmata lang, sa susunod na semester, ay malilimutan niyo na rin ako. Sa mga estudyante at co-teachers ko na maiiwan ko doon, paalam sa inyong lahat at magkita na lang tayo muli sa labas ng paaralan bilang magkakaibigan at mag-kuya.
--------------------------------------------------------------
Hanggang sa muli. Paalam.