Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Thursday, March 25, 2010

Transition: Part 1

Kumustasa, mga kapatid? Lumindol kaninang tanghali, kaya naisipan kong magsulat uli ng bagong blog entry. Anong konek? Wala lang. Tagal ko na kasing di nakakapag-post dito e. Naka-921 visits na at lahat, pero wala pa ring bagong post.

Eniwey, SkyWay...

Wala...no choice. Inggles lang talaga ang nababagay na title sa blog entry na ito. Wala akong magawa, dahil napaka-korni naman kasi ng lenggwahe natin. Andaming salitang inggles na hindi kagad mahanapan ng katumbas na salita sa Tagalog. Kung tatagalugin naman, ang nangyayari lang e nagbabago ang spelling. Magmula sa "transition", magiging "transisyon", "computer" magiging "kompyuter" Haist, boring. Pero nakakatawa lang at patuloy pa rin akong nagtatagalog hindi lang para mapag-labanan ang nosebleed kundi para mahawa rin sa akin ang mga Pinoy na nahilig na sa pagsasalita ng inggles.

Pati na rin ang mga trying hard mag-inggles, pero tunog-kalabaw naman.

Napakaraming ibig sabihin ng salitang "transition" para sa akin ngayon. Kaya't imbes na dumaldal ako dito tungkol sa Filipino 101, e magkukuwento na lang ako ng kung anu-ano tungkol sa mga "transition" na nangyayari sa buhay ko ngayon.



Transition Phase ng PKMN-ph.com: Usapang Pokémon

Oo, tama ang pagkakabuka ng bibig mo. PA-KA-MuN PEE EYTS. Ay, mali pala. "Pokémon P-H" ang tamang pagkakabasa diyan (or "Pokémon Philippines"). At kung masipag ka namang magsayang ng laway e pwede mo rin siyang basahin ng letra-por-letra: P-K-M-N-P-H. Pero di ko ginagawa yung huli, dahil parang tatalsik palagi ang laway ko sa pagbigkas kaya Pokémon PH na lang. Ano't ano pa man, isang website lang yan na pinagsasama-sama ang lahat ng weirdong Pinoy na mahilig sa Pokémon A.K.A. Maliliit na Aswang.

At isa ako sa tatlong Site Administrators nila. Saan ka pa? Isa itong patunay na pwedeng magkaroon ng Alzheimer's Disease ang isang tao sa murang edad na beinte-tres (23).

At ano naman ang naisipan ng diyos ng mga Pikachu at Bulbasaur at ako ang napiling mamahala ng website na iyan? Di ko rin alam. O tinatamad lang akong magkuwento dahil mahabang usapan pa yan. Ganun pa man, naka-tatlong salin na ng administrasyon ng nasabing website at isa ako sa tatlong kolokoy na namamahala ngayon dun. Ayoko nang magsalita pa, at baka sabihin na naman nila e nagbubuhat ako ng bangko.


Ang kasalukuyang logo ng PKMN-ph.com

Isang website na pambata ang PKMN-ph; di lang para sa mga bata kundi para na rin sa mga batang-isip katulad ko. Napaka-simple lang ng adhikain: pagsama-samahin ang mga Pilipinong panatiko ng Pokémon. Bakit kelangang pagsama-samahin, ika nga ng iba? Dahil maraming mga teenagers ngayon ang pinagtatawanan kapag nalalaman ng mga kakilala nila na mahilig sila sa Pokémon. At kung nasasaktan ang mga teenagers sa mga ganun, paano pa kaya ang mga beinte-anyos pataas katulad ko? Isa pa, iilan na lang ang fans ng Pokémon sa Pinas dahil inangkin na ng DotA ang kamalayan ng nakararaming kabataan ngayon.

Wala namang masama sa Pokémon kung mahilig ka dun. Wala namang pinagkaiba yan sa pagkahilig sa DotA, paglalaro ng billiards, pangongolekta ng tansan, panonood ng Agua Bendita, paglalaro ng bingo, paglalaro ng mahjong, paglalasing, pagsha-shabu, panggagahasa, pagnanakaw at marami pang iba. Kanya-kanyang trip lang yan e. Dahil kung natutuwa ka sa kasalukuyang ginagawa mo, ganun din sila. Kung nag-eenjoy ka sa paglalaro ng DotA, nag-eenjoy din ang mga bata maglaro ng Pokémon. Kung nag-eenjoy kang manood ng drama sa hapon, ganun din ang mga bata sa Pokémon Animé. Ganun lang yun. Kumbaga, walang basagan ng trip.

Hindi rin naging madali ang transition para sakin bilang site administrator ng PKMN-ph. Maraming hindi naniwala at umalis. Lumayas at nanawa na sa Pokémon. Pero masaya ako ngayon at unti-unti nang bumabalik ang mga datihan at nadadagdagan pa ng mga bagong members. Summer na kasi, malaya na uli ang mga bata. Bumabalik na rin ang sigla ng website. Ang tanging alalahanin ko na lang e ang muling paglubog nito pagdating ng pasukan...

Sinong mag-aakala na pag-aari itong lahat ng isang 23-years old na katulad ko?...

Hindi ko rin alam kung hanggang kailan ako maninilbihan para sa website na ito. Masaya ako at nakatulong ako sa PKMN-ph ng dalawang taon, dangan lang at merong mga bagay na dapat bitawan para makatapak sa susunod na "phase" ng aking buhay; at hindi ko alam kung malapit na bang dumating ang araw na yun. Sana hindi pa.

Malapit na ang anibersaryo ng PKMN-ph. Mag-aapat na taon na kaming naglolokohan sa Pokémon. At kung isa ka ring Pokémon fan kagaya namin, huwag kang mag-atubiling maki-isa sa aming nalalapit na anibersaryo sa April 6. Bukas ang aming tahanan para sa lahat ng panatiko ng Pokémon sa Pilipinas; maging aristocrat ka man o isang dukha na nakikinood lang ng Pokémon sa tindahan.

Bumisita lang sa PKMN-ph.com

-----------------------------------------------------

Hindi ko maiwasang maging emosyonal para sa isang maliit na bagay lang tulad ng Pokémon. Marami kasi ang hindi nakakaintindi, kahit mga magulang ko man ay hindi rin. Hindi nila nakikita kung gaano ako ka-devoted sa nag-iisang website na yun kahit walang sweldo. Dahil ang pagsisilbi sa PKMN-ph ay para na ring pagiging isang guro. Hindi man ako kumikita, masaya naman ako at maraming bata ang napapasaya ko.

Try ko namang maging clown sa susunod. Hehehe.

Habang buhay na yata akong ganito...at sa ganitong gawain talaga ako masaya. Hindi lang sa pagiging isang teacher ako nagiging maligaya, kundi sa pagiging "kuya" na rin sa mga mas nakababata sa akin. Iba talaga ang pakiramdam kapag alam mong kailangan ka ng mga taong kasundo ng brain waves mo at hindi ko rin maipaliwanag kung bakit.

Sa susunod na bahagi ng aking 2-part "Transition" series ay ang tungkol naman sa transition na kinakaharap ko ngayon sa aking buhay propesyunal.

Hanggang sa muli. Paalam.

No comments:

Post a Comment