Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Sunday, February 21, 2010

High School Life

Kumusta mga kapatid? Wala na naman akong magawa kaya gagambalain ko na lang uli ang inyong mga nanahimik na buhay dito sa Internet.

Matagal ko nang gustong isulat ang isang ito. Ilang gabi na akong di makatulog sa kakaisip dito. Pero sabagay, natataon din lang naman dahil kakatapos lang ng JS Prom ng mga kapatid nating nasa highshool pa sa ngayon. Panigurado, marami na sa kanila ang naghahanda na ng sangkaterbang panyo para sa kanilang nalalapit na graduation. Pero next month pa naman yun, kaya ipagpaliban na lang muna natin ang usapang graduation para may maisulat pa ako sa susunod na buwan. ;)

Gusto ko lang gumawa ng isang article tungkol sa naging buhay ko noong highschool pa ako. Bakit ko kamo naisip yun? Wala lang. Trip lang uli. Nagkataon lang kasi na bigla akong in-add ng isang misteryosong user sa Facebook na nagbabalak i-gather ang batch namin para sa isang "Batch Reunion". Hindi na ako nagulat. Isang milenyo na yata ang nakalipas at wala pa rin akong natatanggap na imbitasyon sa isang "homecoming" o reunion man lang. Tama lang siguro na gumawa na sila ng hakbang ngayon at baka mawalan na ako ng interes sa mga ganyan. At dahil dun e nagkaroon ako bigla ng isang "trip down the memory lane" at nag-flashback sa akin lahat ang naging buhay ko noong highschool.

Buweno, heto na uli. Fire na kung fire!

------------------------------------------

Ang Class Picture namin noong highschool (CSRLI). Pang-siyam ako sa pinakataas na row (mula sa kaliwa)


Si SerPol bilang isang Highschool Student

Wala akong kwenta noon. Oo. At hindi yan isang "understatement". Wala talaga akong kwenta noon. Hanggang ngayon naman e wala pa rin akong kwenta (EMO MODE), nagkaroon lang siguro ngayon ng kaunti dahil nagkaroon na ako ng buhok sa kili-kili (anong konek?!) Pero seryoso. Kung kaklase mo ako noon, malamang e isa ka na sa mga testigo na magpapatunay na parang "kaluluwa" lang ako noong highschool.

Hindi ko maipaliwanag kung anong klaseng tao ako noon... Hindi naman ako authistic o ano, at hindi rin naman ako sintu-sinto, pero tahimik lang talaga ako noon. Tahimik, as in kaya kong huwag magsalita sa loob ng isang oras nang hindi napapanis ang laway ko. Kung anuman ang ginagawa ko sa laway ko e sa akin na lang yun. Basta ayun. Nakakapag-salita lang ako kapag recess at uwian na. Walang sense makipagdakdakan sa klase noon, para sa akin.

Hindi ako napunta sa "star section" kahit kailan noong highschool pa ako. Ang pinaka-malaking dahilan diyan e ang aking grades na parang ngipin ng lagare. May mataas at may mababa. Kumbaga sa isang video game ratings, andun lang ako sa 4.5/10.0, "MEDIOCRE", "BELOW-AVERAGE", etc. Ganun. Nag-eexcel ako sa ibang subjects tulad ng English (Oo, marunong ako mag-inggles, hindi lang halata dahil purong-tagalog akong mag-blog ngayon. Wat du yu tink op me?) at Biology (wala po itong kinalaman sa BioMan). Pero halos mag-laslas na ako ng pulso kapag Math Subjects na ang pinag-uusapan. Algebra, Geometry, Trigonometry, Physics...LAHAT! Itinuturing kong Hitler ng buhay ko sina Descartes at Newton. Sina Volta at Ampere, pahirap silang lahat sa akin! Hanggang ngayon, hindi pa rin alam ang value ng X at Y! At kung mabubuhay lang sila uli ngayon, e isusulat ko ang mga pangalan nila sa Death Note para ibalik sila sa kanilang dimensiyon.

Ganun ako kagalit sa Math.

Laging "palakol" ang grades ko pagdating sa Math (FYI: Kaya tinatawag na palakol ng mga estudyanteng Pinoy ang kanilang grades e dahil puro line of "7" ang nakuha nila. Hugis palakol yung "7", kaya ayun) Pumapasa lang ako dahil hindi ako maingay sa klase at wala akong absent. "Wallflower" kumbaga. Pasang-awa palagi. Lagi pang bakla ang titser ko sa mga Math subjects ko kaya bukod sa pinagpapawisan ako sa hirap ng lecture, e pinagpapawisan din ako sa nerbiyos na baka i-karate kick niya uli ang mga upuan, silya at blackboard ng kwarto namin kapag mayron siyang sumpong.

Ah, bago ko makalimutan. Sumikat na rin pala ako dati. Nakilala ako noon sa batch namin bilang isang "comic artist". Trip ko kasi noon ang sumulat ng comics, simula pa noong Grade 3 pa ako. Humahanap ako palagi ng "business partner" at siya ang magpopondo para sa komiks. Bibili kami ng isang tig-kinse Pesos na notebook at isang matinong bolpen. Pagkatapos noon, ako na lahat ang babanat. Mabenta ang komiks ko noon. Inuuwi pa nga ng ilan para basahin lang sa bahay. Nahuhumaling sila dahil ang mga characters na ginagamit ko sa istorya e ang mga kaklase at kabarkada ko rin mismo. Alam niyo naman ang mga bata, mahilig mangarap na maging isang super hero...

Etong komiks na ito ang nagbigay ng daan upang mapansin ako noong highschool

Kapag may "poster making" contest sa school, ako palagi ang inilalaban ng section namin. Bihira ako manalo, pero nakuha ko ang respeto ng ilan, lalo na ang numero unong artist sa skul namin. Napasama pa ako sa grupo ng mga estudyante noon na nagpinta ng "Mural" sa isa sa mga pader ng eskuwelahan.

Simpleng tao lang ako noong highschool. Tahimik lang. Hindi matalino. Pumapasa lang dahil "good boy". For short, "wala lang"...


Love life noong Highschool

Hindi ko alam kung kailangan ko pang isama ang parteng ito sa blog entry na ito...Medyo delikado basahin, lalo na at may posibilidad na mabasa rin ito ng aking nobya. Pero para sa kapakanan ng pagiging matapang at pagiging handa sa mga isyu e bibigyan ko kayo ng kaunting ideya kung ano ang naging buhay pag-ibig ko noong highschool pa ako.

At sa nobya ko ngayon, kung sakaling mapadpad ka uli dito sa kaka-hunting mo sa akin e lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita (wee! sobrang cheesy talaga!). Hiling ko na sana ay mas mapatatag pa nito ang relasyon natin, dahil wala akong tinatago sa iyo na kahit ano. Alam ko rin namang may mga naging crush ka din noong highschool.

Isa akong malaking "LOSER" pagdating sa pag-ibig. Wala yatang nagkagusto sa akin noong mga panahong iyon. Ewan ko lang...siguro meron, baka hindi ko lang alam. Pero sa totoo lang, wala talaga. Wala akong maakit dahil nga wala pa akong "personality" noon. Bukod sa pagiging isang "loner" e wala na akong ibang na-establish sa sarili ko kundi ang talento ko sa pagdo-drawing. Ang type pa naman ng mga babae noon e yung mga "cool" na lalake. Yung maraming kabarkada at hindi nakakahiyang maka-holding hands sa mata ng publiko.

Old-fashioned lover ako noon. Dinadaan ko palagi sa "love letters" ang diskarte ko. At sa awa ni Batman, ilang beses na rin akong napunitan ng love letter. Hehehe. Nakakahiya. Parang hindi matanggap ng mga tsiks noon na pinapadalhan sila ng love letter ng isang katulad ko. Ginagamit ko rin ang talento ko sa pagdo-drawing para makapagpapansin sa mga babae. Idino-drawing ko ang mukha ng crush ko noon sa isang page ng sketch pad at binibigay ko sa kanila. Kinikilig naman sila, pero hanggang siko lang yung kilig...haaist...

Andami kong naging crush noong high school, pero merong isang babae na kumagat nang kaunti sa mga pagpa-papansin ko. Hindi ko na idedetalye dito ang nangyari sa amin, dahil baka abutin pa ako ng bakasyon dito sa kaka-kuwento. Hindi rin naging kami. Sa halip ang nakatuluyan niya e ang bestfriend ko. Ok lang naman. Masakit, pero nakaya naman. Yun na ang pinaka-malapit kong experience sa pagiging isang boyfriend. Hanggang sa palitan lang ng love letters at pagdalaw sa bahay nila ang nagawa ko. Hanggang dun lang.

Dahil wala naman talaga akong ibubuga noon. Sino bang babae ang gugustuhing magkaroon ng boyfriend na hindi naman sikat sa eskuwelahan? Hindi rin naman ako ganun kagwapuhan. Kaya samakatuwid, e hindi ako nagkaroon ng girlfriend noong highschool. Ang sakit alalahanin... Sa mura kong edad, naranasan ko nang umiyak gabi-gabi dahil sa kakaisip ng mga ganoong klaseng bagay.

Nagpatuloy akong maging ganun hanggang sa sagutin ako ng isang babaeng nagngangalang "Maye", limang taon na ang nakakalipas. Nasa kolehiyo na ako noon, at siya pa lang ang nagiging nobya ko hanggang sa ngayon.

------------------------------------------

Puputulin ko muna dito pansamantala ang kwento ng High School life ko, dahil napakahaba pa nito at andami ko pang gustong sabihin tungkol doon.

Lalo na ang DISKRIMINASYON at PAMUMULITIKA sa high school dati.

Kita-kits uli tayo sa susunod na blog entry.

1 comment:

  1. ahahaha grabe parang ganun aku nung dati peru hindi naman exactly. Nakakatuwa ang lablayp nyu serpol! parang aku lang rin...tanggalin lang natin ang mga love letters lololol~

    5/5 *like'd*

    ReplyDelete