Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Monday, November 30, 2009

SerPol @ Hero Nation (Nov. 30, 2009)


Alam ko, marami nang naghihintay dito sa entry na ito. Knowing na isa ako sa mga pinaka-reklamador na tao na nilalang ni Bro kaya naman importante sa marami na marinig ang mga komento ni SerPol tungkol sa mga bagay-bagay (kahit sa pinaka-walang kwentang bagay tulad nitong nasa title ng blog entry na ito). Marahil ay dahil nagiging sanhi ng "comic relief" ang pagbabasa ng isang tao sa blog ko o sadyang wala lang silang magawa, at nakuha nilang gawing pamalit 'tong blog ko sa mga mala-alamat na jokes ni Long Mejia.

So ayun, simulan na natin ang dokumentaryo para sa araw na ito. Ang Pagpunta ni SerPol sa Hero Nation!

Audience: Woohooo!!!! Yeba! SerPol! Yeba!

Teka, bago ko nga pala simulan. Ang Hero Nation ay isang animé event na pinangunahan ng cable channel na Hero TV na siyang nagpapalabas ng mga...as usual, animé. Taun-taon ay nagsasagawa sila ng isang event kung saan magkikita-kita lahat ng mga weirdo sa Pilipinas upang magkaron ng isang kasiyahan na tiyak namang sila lang ang magkakaintindihan.

DISCLAIMER: Huwag niyo po akong sasampahan ng Libel case dahil isa lang po akong guro tulad ni Efren Peñaflorida (na nitong kailan lang e nakamit ang "CNN Hero of the Year" award dahil sa kanyang kabayanihan). Kahit walang konek. Basta, yun na yun. Walang pikunan, at peace tayong lahat.

------------------------------------------------------------

5:00 AM - 6:00 AM

Maaga akong nagising dahil sa alarm ng celphone ko. Kagabi, pinag-isipan ko pa kung anong oras gigising, kung 4:30 ba o 5:00. At dahil sa natural akong tamad e pinili kong gumising ng 5:00 AM. Walang ibang almusal na pwedeng kainin sa amin kundi ang isang Lucky Me Pancit Canton - Calamansi Flavor (nag-advertise pa raw ang ungas). Kinumbinse ko na lang ang sarili ko na nabubusog ako sa isang plato ng pancit canton na yun, kahit sa katotohanan e parang nararamdaman ko lang na gumuguhit ang mga hibla ng noodles nito at di na sila nagkikita ng large at small intestines ko.

5:20 na nung matapos akong kumain ng almusal at nagsimulang maligo. Medyo natagalan ako sa paghahanda at halos alas-sais na ako natapos (naglaro pa ako ng ilang rounds ng Tekken DR sa aking PSP habang nagdedeposito sa bangko sentral ng poso negro, at di ko na namalayan na maliwanag na pala sa labas). Dali-dali akong nagbihis (pang-matandang getup ang trip ko ngayon dahil gusto kong panindigan na isa na akong matanda kahit isip-bata pa rin sa kabila ng lahat), at humalik sa aking ina bilang pagpapaalam at di naman niya nakalimutan ang tag line niya na "ingat ka at huwag mong kakalimutan ang pasalubong ko"

------------------------------------------------------------

6:00 AM - 8: 30 AM

Meeting place: STI Santa Rosa. Linsyak, eto na naman kami. Magkikita na naman kami ng aking Alma Mater at Mortal Enemy. Bakit kamo sa STI? Kasi lahat ng kasama ko sa araw na yun e mga kaibigan at dati kong estudyante sa STI Santa Rosa. Nakakatuwa namang isipin at welcome pa rin akong magpabalik-balik dun, kahit tinatawanan ko sila palagi pag may naririnig akong isyu tungkol sa kanila (STI Santa Rosa). Bitter.

Eniwey, dumating ako ng halos 6:30 na (yata, di ko na masyadong matandaan) dahil kahit lumabas ako ng bahay ng alas-sais, e alas-sais kinse pa rin umandar ang diyaskeng tricycle na sinakyan ko dahil limampu pa ang hinintay na sumakay bago pa ito lumarga. Pagkarating na pagkarating ko sa meeting place namin e agad kong kinuhanan ng picture gamit ng aking celphone, ang aking dating paaralan bilang simula ng aking pagdodokumentaryo sa mangyayari ngayong araw na ito.



Muli tayong nagkita...

Sarado ang gate. Walanghiya. Hinanap ko ang mga kasama ko at nakita ko silang naglalaro ng pusoy dos gamit ang kanilang Magic cards sa isang malapit na carinderia. Kulang ang barkada, hindi nakasama ang ilan sa amin dahil sa ibang personal na dahilan. Ang isa ay kasalukuyang iniihaw sa Lydia's at ang isa naman ay kasalukuyang nagsisilbing masokista sa isang delivery center. Ngunit ganunpaman, present pa rin ang mga numero-unong adik sa tropahan. Nagulat lang ako ng konti dahil merong isang bagong mukha na sumama sa lakad namin: isang babaeng nagngangalang...ano nga pala uling pangalan nun? "Kiss"???

Alas-syete na nang sumakay kami sa van na may biyaheng Makati. Naghintay pa rin kami ng kaunti para mapuno ito at naka-isang game pa kami ni Ran Kei Shiro sa Phantasy Star Zero (isang laro sa Nintendo DS) bago pa ito napuno at umandar. Dun na rin nagka-bigayan ng tickets (bumili na kami para derecho pasok na lang kagad mamaya) at nagkakuwentuhan tungkol sa ilang bagay. Naging mabilis at swabe naman ang biyahe. Walang trapik. Natagalan lang kami sa Makati Avenue dahil hindi namin alam kung paano pupunta sa A-Venue Hall, na siyang venue ng Hero Nation. Matapos ng 20 minutong pagkonsulta kay Sultan Kudarat at Marcelo Del Pilar (mga machogwapitong naka-pose sa Makati Avenue) ay sa paglalakad din kami nauwi. Walastik.

8:30 na nang dumating kami sa A-Venue Hall. Pagod na pagod at naghahanap na ng stretcher.

Sa wakas...ang mahiwagang pinto!

------------------------------------------------------------

8:30 AM - 10:30 AM

May iilang kabataan na kaming nadatnang nagkukulitan sa entrance ng venue. Meron nga pa lang tatlong entrance: entrance para sa may ticket na, entrance para sa mga bibili pa lang ng ticket, at entrance para sa mga "cosplayers". Oo nga pala, kung sakaling di mo alam kung ano ang "cosplayers", sila yung mga animé addicts na nagbibihis ng damit o costume katulad ng sa mga animé characters tulad nila Goku, Naruto at Mojacko. Siyempre, dun kami pumila sa una, dun sa "may mga ticket na"

Nadatnan din namin dun ang isa sa mga dati kong estudyanteng babae at dati ring karelasyon ng isa sa mga kasama ko. Alam kong mahirap maintindihan ang parteng ito dahil wala naman kayong idea kung anong nangyari at ayoko ring magbitaw ng mga pangalan. Hehe. Basta ayun na yun. Isipin niyo na lang ang isang scenario kung saan nagkita ang dating magsing-irog. Yun nga lang at ibang nobyo na ang kasama ni babae. Hehehe.

Ayun, ang tagal naming naghintay sa entrance. Pabalik-balik ang haring araw sa pagsikat at medyo nahilo ako sa init. At dahil sa gutom at pagod sa paglalakad, nagkulitan na lang kami sa pilahan -- ang unang bagay na ginagawa ng mga nababaliw na sa pagod at gutom. Alas-diyes pa daw magbubukas ang entrance. Susginoo. Wala na kaming ibang nagawa kundi palipasin ang oras sa kuwentuhan (kasama ang isang Naruto cosplayer na maya't mayang nakikisabat sa usapan namin gayong di naman namin siya kilala) at tawanan.

Isa-isa naming pinagtawanan ang mga cosplayer na dumadating dun lalo na ang cosplayer na nagbihis ng isang costume na di namin mawari kung saang planeta galing...parang isang cyborg version ni Michael Jackson. Pagpasensiyahan niyo na ako kung di ko kilala ang lahat ng animé characters at nagtataka pa rin kung animé character ba talaga ang ginagaya ng kolokoy na yun o isang palaboy na gumagawa ng armor gamit ang mga basurang napupulot niya. Nakakatuwa. Sabi ko na nga ba at totoo ang teorya ko na buhay pa si Michael Jackson at namumuhay na bilang isang robot.

Ganito ang mangyayari kay Jacko pag naiwan sa kusina...

Lumipas ang alas-diyes at di pa rin nagbubukas ang mga gates. Labas-pasok ang mga staff sa building na tila ba nagyayabang na "ako ang staff dito, belat" ganun na rin ang mga security guard na nagbihis ala-SWAT para lang maka-sindak (mga traffic enforcers yata to na nag-cosplay din). Naririnig na namin ang mga pahaging ng mga nakapila. Nagrereklamo na kung bakit sarado pa rin. At dahil naaasar na rin ako, sumigaw ako (sa boses na ala-Mike Enriquez) ng "Susmaryosep! Ano ba 'to? Alas-diyes ba ngayon o alas-diyes bukas?!"


Hoy, ikaw. Kung ikaw talaga si Naruto, buksan mo ang pinto!

------------------------------------------------------------

10:30 AM - 2: 00 PM

10:30 na nang umaga nang napag-pasyahan nilang pilasin ang mga tickets namin at suyurin ang bag namin kung meron ba kaming patalim, bomba at pagkain (oo, bawal ang pagkain dahil may mga nagbebenta na sa loob) Nakapasa naman ako sa guwardiyang mapanuri pagkatapos niyang kalampagin lahat ng gamit ko sa bag, na para bang naghahalo lang siya ng mainit na kape, (kasama na ang Nintendo DS, PSP at celphone ko) at matapos niyang himas-himasin ang buong katawan ko sa kanyang paghahanap kung meron bang time bomb na nakaipit sa mga bilbil ko e wala naman siyang nakita. Buti na lang at wala. Mwehehehehe...


Ang tatlong kumag sa harapan ni Voltron

Samu't-saring booths ang tumambad sa amin pagkapasok namin sa loob. May booths na nagbebenta ng animé merchandise, may booth na nagbebenta ng piratang DVD's ng animé, may booth din para sa registration ng gustong sumali sa iba't ibang contest tulad ng drawing at dubbing. Andami. Nakakahilo. Puro animé. Kulang na lang e condom na may mukha ni Doraemon. Magsasawa ka talaga sa dami. Pero imbes na animé ang hanapin, e ang food booths ang una kong minarkahan sa aking "imaginary map". Nagdedeliryo na ako sa gutom at pinagkakamalan ko nang dambuhalang squidballs ang mga nakikita kong bagay sa ilalim ng mga mini-skirts na nakakasagupa ko. Di ko na kaya. Kumain na ako.

Japanese-style Beef Bowl. 77 Pesos. Anak ka ng tinolang duleng. Isang linggong supply na ito ng tinapa e. Bumili na rin ako ng pineapple juice na nagkakahalagang bente pesos para naman mas madaling lunukin ang pagkain na labag naman sa bulsa ko ang presyo.


Ito lang ang naiuwi ko galing sa event.
Isang DVD copy ng Sayonara Zetsubou Sensei
at Black Jack; at hindi pa gumagana ang disc 1 ng isa...

Kanya-kanya kaming ikot pagkatapos kumain. Sa unang tingin, maraming booths. Maraming pwedeng pagka-gastusan. Pero kung nang-galing ka na sa mga naunang events ng Hero e mapapansin mong parang maraming kulang. Mapapansin mo rin na napakaliit ng venue, at isa-isa nang nagdadagsaan ang mga miron. Napuno ang venue sa isang kisapmata at nakita ko na lang ang sarili ko na lumalangoy -- nagba-butterfly stroke at sumisisid sa isang mistulang-dagat na puno ng tao.


At nagsimula na ang programa...

Inatake na naman ako ng asar. Sa buong buhay ko, hindi ko talaga nagustuhan ang mga crowded places. I hate crowds, ika nga. Di ko nga alam kung bakit pa ako nandito. Para lang akong baliw. Wala naman akong phobia o kung ano, pero lumaki lang talaga ako na walang ibang kinakausap kundi ang kaluluwa ni Hitler. Hehe, biro lang. Ayoko lang talaga ng maiingay. Nawawala sa "sync" ang utak ko 'pag maraming maingay at magulo sa paligid.

Nagpasya na lang kaming umalis ng mga bandang alas-dos dahil pati ang mga kasama kong Otaku ay na-disappoint na rin sa event. Di ko rin nakita ang mga kasamahan kong staff sa PKMN-ph.com dahil sinindak ko sila nung isang araw. Ako man ay di nag-enjoy at muli ko na lang ibinaling ang aking atensyon sa mga babaeng naka-suot ng mini-skirt at walang habas na bumubuka-bukaka.


Ano ba?! Sino bang kumuha nitong picture na ito?!

------------------------------------------------------------

2:00 PM - 6:00 PM

Megamall. Oo, tama. Megamall na lang.

Nagpunta na lang kami sa Megamall para masolusyunan ang pagka-bitin namin sa nasabing event at nagsimula na naman ang sangkatutak na lakaran. Halos mapugot na ang mga paa namin sa pagod. Kung nakakapagsalita lang ang paa e malamang e minumura na kami ng mga ito. Pero sige pa rin, makapagpalipas lang ng oras. Walang masyadong nangyari sa Megamall kundi - lakad, lakad, kain, lakad, lakad, bili ng konting merchandise, lakad at lakad uli. Sa mga puntong iyon, gusto ko nang mang-agaw ng wheelchair o stroller sa mga matatanda at mga sanggol na nakakasalubong namin. Sobrang pagod na talaga ako. At sabi ko nga, sa mga oras na iyon, dalawa na lang ang gusto kong mangyari: ang sumigaw dahil sa pagod o ang magbigti ng sarili.

At dahil hapon na at nag-uumpisa nang mag-hari ang kadiliman, nagpasya na kaming umuwi. Pero bago pa uli kami nakasakay ng van pabalik ng Laguna e sumailalim na naman kami sa isang mahabang lakaran na siyang nagpatulog sa amin sa biyahe kinalaunan.

------------------------------------------------------------

ANG KONKLUSYON

Kasalukuyan pa ring nangangatog ang mga paa't tuhod ko habang tina-type ko ito, pero di ko maiwasang mamangha sa aking sarili at nagawa ko pa ring mag-type ng ganitong kahabang dokumento sa kabila ng pagod. Hehe.

Palpak ang Hero Nation. Para sa aming mata siguro, oo palpak talaga. Bakit? Una, dahil sa isang venue na di ganong kilalang pinagdarausan ng mga ganitong events ang napili nilang lugar. Anong nangyari sa SMX at Megatrade Hall? Maliit ang lugar, at paano naman magkakasya ang 500+ katao sa isang lugar na mas malaki lang yata ng kaunti sa isang basketball court? Isama mo pa ang mga booths, kainan at stage. Mai-imagine mo na siguro kung gaano kasikip dun. Tungkol naman sa programme, di ko na huhusgahan yun dahil di na naman namin tinapos. Ang huli ko na lang na nasaksihan e ang pagsayaw ng Pilipinong "seiyuu" (voice actor) ni Naruto na sadya namang napaka-corny, gusto ko nang maglatag ng banig at matulog na lang nang mahimbing. Lahat siguro ito ay naging sanhi ng isang pagpa-plano na pabagu-bago at mukhang tinapos sa isang desperadong paraan. Kung matatandaan ng marami, ilang beses na na-move ang event na ito magmula Nov. 6, naging Nov. 20, at biglang naging Nov. 30.

Pero ganun pa man, marami pa rin akong natutunan sa adventure na ito. Iisa-isahin ko lang para sa inyo (huwag kayong mag-alala at malapit na itong matapos, hehe)

  • Huwag kang maglalaro ng PSP habang tumat**
  • Huwag kang magsusuot ng leather shoes lalo na't di mo alam ang papunta sa lugar na pupuntahan mo
  • May tatlong stage pala ang pagkapagod ng isang tao: 1.) Magrereklamo sa pagod 2.) Mangti-trip at makikipagtawanan ng malakas, at 3.) Tatahimik at di mo na makakausap
  • Mainitin ang ulo ng mga dispatcher sa terminal
  • Masarap makipag-sumo wrestling sa loob ng MRT
  • Hindi sikat si Mojacko
  • Si Michael Jackson ay pwede ring animé character
  • Naka-shorts din minsan ang mga babaeng naka-mini skirt (inosente po ako)
  • Ang beef na ginagamit sa beef bowl e para lang BACON
  • Legal ang pamimirata ng DVD sa mga ganitong event
  • Marami talagang weirdo sa mga ganitong event at uso dito ang pakikipag-usap sa sarili
  • Late ng isang oras ang orasan ng mga staff ng Hero
  • Si Naruto ang mascot ng Hero at hindi si Cha-cha
  • Magmumukha kang bumbero pag di mo sinuot ng maayos ang costume ni Naruto
  • Binebenta pala ang Death Note, hindi nilalaglag ng demonyo
  • Magmumukha palang aswang si Voltron pag di na-assemble ng maayos
  • Masakit pala kapag pinagpalit ka ng ex-girlfriend mo sa isang tao na mas adik pa sa animé kesa sa iyo, hehehe (jeeeee.....poooo.....yyyyy)
  • Maganda pala pag-aralan ang "teleportation" para hindi ka na mapagod sa mahabang lakarin
  • Ang isandaang piso ay mas mainam pa ring ipang-gastos sa hair wax kesa sa mga event na ganito
Overall, nasayang lang sa akin ang 100 Pesos sa ticket na yun. Ngayon alam ko na kung pupunta pa ako sa susunod na Hero Convention. At ang sagot diyan ay: Hinde. Hindi talaga ako para sa mga ganitong okasyon. Oo at mahilig akong manood ng animé, pero hindi sa punto na magsusuot na ako ng damit ni Eugene o ni Recca at titira ng bolang apoy gamit ang aking kili-kili at singit.

Hindi ko na alam kung paano tatapusin 'tong entry na ito...pagod na pagod na talaga ako at ang naaalala ko na lang e ang...zzzzzz.....mga....

....mini....skirts....zzzzz....

- FIN -

Thursday, November 19, 2009

Ang Muling Panayam

NOTE: Pakiusap lang, huwag masyadong pakaseryosohin ang inyong mababasa kung ayaw ninyong tumanda ng maaga. Sabi nga sa kanta, "Batu-bato sa langit, ang tamaan - HUWAG MASYADONG HALATA"

Enjoy lang, mga kapatid.

______________________________________

Interbyuwer: Magandang araw sa inyong lahat at muli na naman tayong pinaunlakan ng ating paboritong guro *ubo-ubo* eherm... Iyan ay walang iba kundi si SerPol! Kumusta SerPol?

SerPol: Yo!

I: Kumusta ka, ika ko?

SP: Ah, ayos lang. Pogi pa rin.

I: First question *tigas talaga ng mukha nito* kumusta naman ang iyong unang linggo ng pagtuturo sa 2nd semester ng iyong tinutuluyang iskul ngayon?

SP: Ah, medyo ok naman. Maraming bagong estudyante. Di na ako naka-lock sa iisang course ngayon, tulad ng dati na puro IT students lang ang nakikita ko.

I: May isyu lang kaming gustong klaruhin. Nagkaroon ka ng job application sa Taguig City University bilang isang IT Instructor, ano ang nangyari?

SP: Ah yun. Una, napakalayo ng Laguna sa Taguig. Bago pa ako makarating dun e baka isang semester na akong late.

I: Pero pwede ka namang mag-rent ng kwarto sa isang boarding house doon, di ba?

SP: Oo, at pagkatapos, may anak na ako pag-uwi ko ng Laguna.

I: Hehe. E paano naman ang tiyahin mong tumulong sa iyo para pumasok doon?

SP: Ah oo, siya ang tumulong sa aking pumasok doon. At siya rin ang naging isa sa mga dahilan kung bakit nagpasya na akong di na tumuloy dun. Hehehe.

I: May mensahe ka ba para sa mga taga-TCU?

SP: Sa totoo lang, wala sana. Pero hihingi na lang din ako ng pasensya sa pamunuan ng TCU at di ko na tinuloy ang application ko diyan. Alam kong mabilis niyo ring malilimutan ito dahil malamang sa malamang, habang binabasa niyo ito e nakakuha na kayo ng isang dosenang teacher na papalit sa slot na dapat para sa akin.

I: So sa ASIATECH ka pa rin natuloy. Di ka ba nanghihinayang na dalawang mabigat na school na ang tinalikuran mo?

SP: Minsan, oo. Pero mabuti na rin yung ganito. Sasabay na lang ako sa pag-lago ng ASIATECH habang wala pang tiyak na pupuntahan ang buhay ko. Simple lang naman ang naging sitwasyon ko. Parang pinapili lang ako kung alin ba ang mas gusto ko: Canteen o Restaurant. Siyempre ang pinili ko e yung packed lunch.

I: Nyak! Di ka ba natatakot na baka mademanda ka *sana* dahil sa paggamit mo ng mga pangalan ng mga institusyon na yan sa mga blog entries mo?

SP: Kung si Piolo Pascual nga pwedeng asaring bakla ng kung sinu-sino, e bakit naman sila hinde? At isa pa, wala naman akong sinasabing masama para papuntahin nila dito si Atty. Sison at pakantahin si Freddie Aguilar ng "Ipaglaban Mo"

I: Yan ang gusto ko sa iyo e! Straight to the point! Napuri ka na ba dahil sa pagiging prangka mo?

SP: Hindi pa, pero nasibak na ako dahil diyan. Hahaha.

I: *Uhm! Loko!* Haha! Ano ngaba ang sikreto ni SerPol at parang napakadaling sabihin ang lahat ng nasa isip mo?

SP: Butas na bulsa. Yun lang.

I: Showbiz na teacher ka raw? Naniniwala ka ba dun?

SP: Oo, pero kung magpapa-autograph lang sila sa akin. Nagkaroon na rin kasi ako ng mga kasamahan noon na mahilig magpa-sikat sa mga estudyante kaya tingin ko, meron pa ring naiwang latak sa akin.

I: Ibig sabihin, may mga humahanga na sa iyo?

SP: Hindi ko alam. Wala pa namang kumikidnap sa akin.

I: Tungkol naman sa isyung chickboy ka... Nagpapacute ka nga ba sa mga estudyante mong babae?

SP: Hinde. Sila ang nagpapa-cute sa akin. Inosente akong tao. Napaka-seryoso ko sa trabaho ko at HINDING-HINDI ko pa yun naisipang gawin sa buong buhay ko. (Biglang kumulog ng malakas)

I: Pero bakit andami nang nali-link sa iyo?

SP: Ganyan talaga ang buhay. Kahit pulgas ay nali-link din sa mga katulad kong batang guro.

I: Pero may nobya ka sa ngayon di ba?

SP: Tito Boy, ayoko muna siyang pag-usapan...

I: *Showbiz talaga 'tong tao na 'to* Eherm. Hindi ako si Tito Boy. Next question:

SP: May plema ka ba?

I: Ah, wala naman. Next question: Anong masasabi mo na meron kang protegé? Isang binatilyong nagngangalang: Ran Kei Shiroe

SP: Ako'y natutuwa at kinapupulutan niya ng aral ang mga akda ko at ginagamit niya sa sarili niyang kawalanghiyaan. Ngayon, dalawa na kaming pagtatawanan ng buong mundo.

I: Oo nga, magkahawig din ang mga entries ninyo. Hindi ba ikaw din yan?

SP: Hindi ako yan. Mas cute ako sa kanya ng isang light year.

I: *Grabe na ito...* Kumusta naman ang PKMN-ph.com? Ang website na pinagsisilbihan mo ngayon?

SP: Patay ang forums ngayon, wala masyadong nagpo-post dahil kasalukuyan yata silang dinidikdik na parang bawang sa eskwelahan. Kung kayo ay walang ginagawa at adik kayo sa Pokemon, ay pumunta lamang DITO.

I: Pokemon fan ka? Di ba para lang sa mga bata yan?

SP: Sabihin mo sa mga naglalaro ng FarmVille at PetSociety na tigilan na nila ang pag-uulyanin at titigil rin ako sa Pokemon.

I: Hehehe, siya nga naman. Ano na ang mga susunod mong gagawin? May plano ka ba?

SP: Wala naman masyado. Abangan niyo na lang ang world tour ko. Meron akong concert para sa mga may sayad at mga adik. Available na ang tickets sa pinakamalapit na mental hospital diyan sa inyo.

I: Facebook?

SP: Ah, marami nga akong dini-deny na friend request. Di ko rin maiwasan.

I: Bakit naman? Ayaw mo nun, at dadami ang friends mo?

SP: Kasi ganito yan, kaya ko nire-reject yung ibang friend requests kasi:

  1. Malamang di tayo close o di tayo magka-kilala at nagpaparami ka lang ng friends.
  2. Pangalawa, pag mas maganda at mas sexy ka (para sa babae lang, at di sa mga binabae), mas mataas ang tsansa na iapprove ko ang request mo.
  3. Di ako naglalaro ng FarmVille at di ko rin nilalako ang sarili ko sa Friends for Sale, kaya please lang, wag niyo akong i-add kung gusto niyo lang akong hingan ng mga kabayo o gusto niyo lang bilhin ang pagka-lalake ko.
I: Any parting words? *Umuwi ka na, please lang*

SP: Ah, di ko na pahahabain. May appointment pa ako e.

Audience: *Palakpakan* Yeba!

I: At diyan po nagtatapos ang ating ikalawang panayam kay SerPol! Hanggang sa susunod! *Sana wala nang sumunod* Eto po ang inyong lingkod, na si....Nyak! Anong ginagawa mo diyan, SerPol?!

SP: Ah, eto ba? Nagpapalit lang ng profile picture. Baka sakaling makaakit ng tsiks.

I: Nyak!


-FIN-



Monday, November 16, 2009

Pagkatapos ng lahat ng nasabi

NOTE: Sa mga ngayon lang napadpad dito sa munti kong kulungan, pagpasensyahan niyo na kung purong-Tagalog ako magsulat ng Blog. Ayoko kasing mag-inggles dahil bukod sa hindi ako marunong ('Scuse me for the crap, peeps. I'm really not used ta speakin' yer stinkin' language) baka maging kamukha ko bigla si Pacquiao. You know?

************************************************

Lahat ng blog entry ko ay nagsisimula sa isang walang kwentang dahilan na "wala akong magawa" at sa mga oras na ito, habang tina-type ko itong article, e kasalakuyang may nagce-celebrate ng birthday dito sa labas ng bahay namin. Pero wala sa pamilya namin. Walang may birthday dito. Sa susunod na siglo pa uli magkakaroon ng selebrasyon dito sa bahay namin, kaya walang dahilan para maghanda kami ng spaghetting nilagyan ng formaline at anay. Yung kapitbahay namin ang siyang nag-iingay ngayon dito sa labas, at syempre sa mga probinsyang tulad nito (nasa Laguna po ako, hindi sa planet Saturn) hindi mawawala ang videoke machines -- na siya ngayong ginagamit na instrumento ng mga lasing para durugin ang tenga ko. Pag may ganitong okasyon naiisip ko na sana, pwedeng bumili ng carbine, AK-47, time bomb, granada at bazooka sa kalapit na sari-sari store para maibalik ang kapayapaan ng subdivision namin. Badtrip.

Ipa-publish ko lang 'tong walang saysay na entry na ito para i-summarize ang mga nangyari sa akin nitong mga nakaraang araw. Baka kasi mauntog ako sa tangkay ng halamang sampaguita at baka magkaron ako ng amnesia tulad ni Dao Ming Zu. Ha? Ano kamo? Jun Pyo na ba ngayon? Ah sya. Linsyak na buhay, kay Donald Duck na lang!


Facebook
(kasalukuyang kinakanta ngayon sa videoke ang "Totoy Bibo")

Meron na akong Facebook, yehey! (hango sa kadalasang sinasabi ng mga utaw ngayon. Pero ang tamang pagkakasabi niyan ay: "Meron na akong ACCOUNT sa Facebook! Yehey!" o di kaya ay "Meron na akong bagong pampa-kapal ng mukha! Yehey!") Oo, di ka maniniwala. Milagro na nakagawa ako ng account sa Facebook pagkatapos ng ilang buwang deliberasyon at pag-konsulta sa mga UFO. At heto nga, meron na. Add niyo ako. Search niyo lang "Ako'y tanga at hinahanap ko si Paul Morada sa Facebook" at may lalabas dung error message. Bahala na kayo kung paano sosolusyonan yan, MS Word lang ang kaya kong ituro sa alien. Pero hindi pa rin ako naglalaro ng mga kalokohang games dun dahil andito pa naman ang mga garapata ng aso ko para paglaruan. Kayo na lang ang mag-bigayan ng mga bibe, baboy at tyanak diyan sa Farmville. (Ops, teka at may isang magandang binibini ang nag-add sa akin. Wahahaha!)


Panalo si Pacquiao!
(kasalukuyan namang kinakanta ang "Zombie" ng walanghiyang lasing dito sa labas. "En yur hed" daw...)

Ayup! Sakto yung kanta nung lasing! Zombie. Nagmistula ba naman kasing "Dancing Zombie" si Miguel Cotto sa kanilang bakbakan ni Manny Pacquiao sa PPV event na "Firepower" kahapon. Tuwang-tuwa na naman ang Pilipinas dahil muling pinatunayan ni Pacquiao na hindi sukatan ng lakas ang 6-pack mo sa tiyan. Mabuhay si Manny Pacquiao! Mabuhay rin si Aling Dionisia! Nanalo pa rin ang anak niya kahit di siya nagrosaryo at nag-deluryo sa harapan ng rebulto! Yeba! Salamat na rin kay Pac-Man, dahil nagkaka-kwentuhan lang kami ng tatay ko tuwing may laban siya. Sa boksing at sa basketball lang kami nagkakasundo ng tatay ko. Pero malay natin, balang araw, baka golf na ang maging sports namin.

Bagong Kontrata
(kasalukuyan namang kinakanta ngayon ang "Ang Bayan kong Pilipinas" sa videoke, susginoo...)

Wala. Dito papasok yung title dun sa itaas ng post na ito.

"Pagkatapos ng lahat ng nasabi"

Pumirma na ako ng bagong kontrata kanina sa tinutuluyan kong school ngayon na ASIATECH. Ok naman ang reception. Maraming photographers. Naghihiyawan at nagpapalakpakan ang mga tao. Kinamayan pa ako ni Charo Santos. Ay teka, panaginip ko lang pala yun. Napanaginipan ko kasi na gagawa ako ng pelikula sa Star Cinema kasama sina Angel Locsin at Anne Curtis. Bold movie yata yun... Ay, amp! Cut cut cut! Baka maireport ako dito sa Blogger! Joke lang yun. Isang deadly joke. Hehe...

Pero may nagpalakpakan talaga. Pramis. Pagkababa ko pa lang ng tricycle, nag-palakpakan na ang mga estudyanteng naka-tanaw mula sa 2nd floor ng building namin. Mga dati kong estudyante. Nagkaron na kasi sila ng ideya dati na may intensyon na akong umalis sa ASIATECH bago pa magsimula ang bakasyon. Kaya naman at tuwang-tuwa sila, lalo na ang mga I.T. students, dahil muling nagbalik ang kanilang superhero (at dakilang utu-uto). Nakakatuwa. Parang gusto kong mag-wagayway ng bandila ng Pilipinas sa saya. Andun din ang ilang HR students na natutuwa rin dahil magiging teacher na nila ako sa semester na ito. Di lang nila alam kung ano ang hinihingi nila, mwehehehe... at di ko rin alam kung anong sakit ng ulo ang darating sa akin...ahehehe...

Ganun na nga. Pagkatapos ng lahat ng nasabi ko sa dati kong entry, dito pa rin ako bumagsak. Tumuloy pa rin ako bilang isang College Teacher. Ewan ko ba. Pero parang dito na ako gustong ilagay talaga ni Bro. Ano kaya ang dahilan at bakit gusto pa niya akong tumuloy sa pagtuturo? Dahil ba nakasalalay sa aking balikat ang pagbangon ng Pilipinas (at ang pagtigil ng pag-ngawa ng mga oil companies ngayon)? O para magkaron lang ng mapagtatawanan ang mga estudyante sa loob ng classroom? Di ko pa rin alam. Wala namang nakakaalam. Bakit pa ba ako nagtatanong? Haay...susme.


************************************************

Di pa rin tumitigil ang mga hinayu*** sa pagkanta kahit dis-oras na ng gabi. Mukang uumagahin na ang mga ito sa paglusaw ng mga baga at atay nila, habang binibigyan kami ng bangungot na hindi naman namin hinihingi. Iba na talaga ang mga jologs. Medyo nalungkot lang ako kanina dahil na-recall ko ang title nung isang kanta:

"Gold" ng Spandau Ballet

Nalungkot ako dahil nung 80's pa sumikat ang kantang ito. And the fact na naalala ko ang kantang ito ay nagpapatunay lang na isa na akong gurang...Syet.

Ganunpaman, nararamdaman ko pa rin ang kasiyahan ng mga lasinggero dito. Parehas lang kami. Kahit maliit lang ang kinikita namin e nakakahanap pa rin kami ng paraan para mag-saya.

Tulad ko. Kahit mababa pa ang sweldo ko sa pagtuturo...dito talaga ako masaya.


- FIN -

Saturday, November 7, 2009

'Wag niyo akong subukan...hindi ko kailangan ng...

Hindi ko alam kung paano pa sisingitan ng katatawanan ang blog entry na ito. Sa ilang sensitibong dahilan, hindi ko magawang tumawa ng malakas maliban lang kapag nakakapanood ako ng comedy shows sa TV. Maraming nangyari sa akin sa isang linggong pagkawala ko sa mundo ng Internet, at heto, naging "The Journeyman" na ang drama ko.


1. Problema sa "bahay"
Wala. Walang problema sa relasyon ng mga nakatira. Magkakasundo naman ang lahat ngayon sa amin pati ang aso ko sa garapata niya. Nagkaroon kami ng matinding problema sa bayarin sa bahay ngayon. Kung di kami makakabayad e baka sa Sogo Hotel na lang ako mag-blog. At sa nangyaring ito, mukang kelangan ko nang sumali sa Alvin Flores Group para masolusyonan ang problemang ito. Patay na si Alvin Flores di ba? Baka mabasa nito ng kanang-kamay niya at baka pwede nila akong kuhanin bilang bagong miyembro. Hehehe. Di ako marunong kumalabit ng gatilyo. Humawak pa nga lang ng totoong baril e nanginginig na ang gall bladder ko. Pero pwede ko naman silang ipagsaing na lang o kaya ibili sila ng dyaryong Tiktik araw-araw, basta ba babahagian nila ako ng perang mararaket nila sa pagnanakaw. Hehehe.

Kung ang pag-buo ng sindikato ang solusyon sa kahirapan, bakit hindi na lang gawing presidente ng bansa ang isa sa mga hoodlums na ito, tutal pare-parehas naman silang magnanakaw ng mga nasa gobyerno.


2. Mahirap maging Bread-slicer, este Breadwinner
Alam kong makapal ang mukha ko at nagawa ko pang tawaging Breadwinner ang sarili ko gayong daig pa ako ng mga janitor sa hotel pagdating sa sweldo. At lalo na kapag nabasa ito ng nakababata kong kapatid na nag-aaral ngayon sa UPLB (University of the Philippines Los Burritos), tiyak baka pasaringan pa ako nun dahil 'pag grumadweyt siya ay baka gawin lang niyang pamunas ng pawis ang pera. Pero malayo pa yun. Marami pa siyang bigas na itatanim at lalagyan ng fertilizer, hehehe (Agribusiness kasi ang course niya). At habang wala pa yun, sa akin pa rin nakasuot ang "championship belt". Pagod na akong depensahan ang titulong ito. Dalawang taon ko nang suot ito at gusto ko na itong bitawan paminsan-minsan.

Ang laki ng expectations mula sa isang panganay na anak. Nayayamot na rin ako sa buntong-hininga ng nanay ko tuwing nakikita niya ang sahod ko tuwing a-kinse at katapusan. Gustuhin ko mang kumita ng sandamukal na pera, 'di ko yun magagawa dahil hindi naman ako si Lucio Tan at hindi rin ako si Danding Cojuangco. At lalong di ko yun magagawa dahil nasa propesyon ako ng pagtuturo na kung saan, sapat lang para pambayad ng kuryente at Internet at pambili na rin ng konting Hansel at Zest-O ang kinikita ko. Dahilan kung kaya't mapupunta ako sa susunod na ideya:


3. Kelangan ko nang mag-bago ng CAREER.
Ang buhay ng isang IT Graduate ay hindi lamang tungkol sa tawanan, iyakan, pakikisama, pagiging role model, at pakikiramay sa nangangailangan. Iyan ang ginawa ko sa trabaho ko maliban sa pagtuturo kung pano manira ng computer. Napa-lapit masyado ang loob ko sa mga estudyante ko. Sa sobrang lapit, di ko na namalayan na unti-unti na kaming nababaon sa utang dahil sa baba ng sweldo (pasensya na kung isang milyong beses ko nang sinasabi na "mababa ang sweldo ko"), at unti-unti nang naging "bukas na libro" ang buhay ko.

Enjoy mag-turo. Walang makakapag-deny nun. At kung sakaling meron man na hindi nag-eenjoy sa pagtuturo, sila yung mga baliw o yung may sayad sa utak na pinili pa ring manatili sa propesyong iyon bagama't nauubos na ang buhok nila sa kunsumisyon; basta kumita lang ng pera.

Iyon ang punto ko ngayon. PERA. Hindi sa muka akong pera o ano, pero "necessity" ito ngayon sa pamumuhay natin. Ang kumontra, ipokrito! Kung hindi mo kailangan ng pera para mabuhay ngayon (physically/aesthetically speaking. 'Wag niyo akong banatan ng mga Bible verses niyo ngayon at wala tayo sa Sunday School) e malamang sa malamang, hindi ka tao. Siguro, isa kang lumot o di kaya e talahib diyan sa tabi-tabi na bigla na lang nabubuhay mag-isa. Syet.

Yun nga lang kasi, hindi na tayo bumabata. At di tayo mabubuhay ng dahil sa kwentuhan lang. Kelangan ko nang kumilos. Walang mangyayari sa akin kung patuloy akong hihingi ng "raise", kaya't uumpisahan ko na ngayon pa lang na unti-unting iwan ang una kong propesyon. At kahit masakit sa kalooban ko na nagpa-plano na akong iwan ang mga batang napamahal na sa akin, sana maintindihan nila na ako ay tao lamang at may pangangailangan din.

At kahit alam kong balang araw, wala na ring tatawag sa akin ng "SERPOL", kelangan ko na lang tanggapin yun at isipin na hindi sa lahat ng pagkakataon e ako ang pinuno ng isang pulutong. Kaya lang din siguro ako naging masaya sa pagtuturo e dahil napunan nito ang pangangailangan ng "EGO" ko -- na ang lahat ay tatawag sa akin ng "SERPOL"

___________________________________________

Sinusubok ako ng tadhana ngayon. Pero OK lang. Hindi ako nagtatampo kay BRO, dahil ang motto ko sa buhay ay "BILOG ANG MUNDO" Lahat ng umaakyat ay bumababa, at ang lahat ng bumababa ay aakyat din. At kahit kamukha na ng pamilya ko ang "pamilyang kulot" sa pinakabagong commercial ng Coke, ok lang. Iinom na lang kami ng maraming Coke. Pero kahit ilang galon pa ng Coke ang tunggain namin, hindi namin makukuha ang "Happiness" ngayon. Ops, ops, ops. Pinapaalala ko lang uli, walang Sunday School ngayon kaya wag niyo akong pangaralan tungkol sa totoong "Happiness" ng buhay.

Meron pa akong isang linggo para alamin ang kapalaran ko. Magiging titser pa ba ako, o magiging astronaut?

To be continued.