Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Wednesday, December 16, 2009

Excuse Letter

To whom it may concern,

Please excuse myself, SerPol, for being absent on the net for the past 3 days due to some certain incidents that I cannot avoid. And please be warned that this blog entry will be, once again, a long one because of...uhm, pakibasa na lang, nosebleed na ako sa pag-iinggles eh.

Sincerely yours,

[ Pekeng pirma ]
SerPol


Excuse Letter ba kamo?

Aba'y napakatagal na simula nung huli akong nagpadala ng ganitong klaseng sulat. Pitong-taon na yata ang nakalipas (hindi na kasi uso sa kolehiyo ang Excuse Letters, dahil kapag absent ka sa klase, isang bungisngis at kamot lang sa ulo e makakalusot ka na sa prof mong nag-uulyanin). Yung tipong aawitan mo ang nanay mo para igawa ka ng palusot sa tatlong-araw mong pagla-lamyerda (dahil sa iyong walang-katapusang-pag-eemote matapos mong matalo sa pustahan sa DotA). At lahat na ng excuses, sasabihin na ng nanay mo, ma-"excuse" ka lang. Nakaka-miss. Ah, eto nga pala ang mga kadalasang "excuses" na ginagamit ng mga magulang para mapagtakpan ang kalokohan ng kanilang mga anak:
  • blah-blah-blah...due to High fever and Flu.
  • blah-blah-blah...dahil sa lagnat at sipon.
  • blah-blah-blah...due to fever and influenza. (nagkamali yata sa spelling ng "impluwensya")
Napakaraming pagpipilian. At sa lahat ng pwedeng i-dahilan e ang lagnat at sipon pa ang pinakasikat sa mga magulang ngayon. Napakarami namang sakit na pwedeng i-dahilan tulad ng cancer, AIDS (herpes, syphilis, at bisexuality), ketong, heart attack, mild stroke, strong stroke (meron ba nun?), brain damage/malfunction, circumcision, menstruation, amputation etc. Pero sa huli, da best pa rin ang "high fever and flu" dahil bukod sa madali itong isulat e para mo na ring inungas ang babasa ng excuse letter mo. Kumbaga, para ka na ring nagbigay ng panyo na ipupunas ng titser mo sa mga luha niya pagkakita niya sa iyo.

Pero ops! Meron pang 2nd runner-up diyan! Yan yung: "Because we went to his great-great-great-great grand daughter...este grandfather's funeral" Dito tiyak, hindi makakatanggi ang titser mo dahil magmumukha silang Satanista kapag di nila tinanggap ang dahilan mo. Pero hindi naman araw-araw namamatay ang lolo mo kaya nasa number 1 spot pa rin ang "high fever and flu"

----------------------------------------------------

E bakit nga ba ako gagawa ng esmyuskee letter? Tulad nga dun sa sinabi ko sa bungad ng entry na ito, tatlong araw akong nawala sa mundo ng Internet dahil sa ilang dahilan. Grabe ano? Para na akong may "alternate world" na ginagalawan. Masamang senyales na yata ito ng pagiging "defendant" este "dependent" sa modern technology. Pero ganun pa man, trip lang naman 'to at tyak kong wala namang ibang nakapansin sa tatlong araw na pagka-wala ko, kaya wala nang manenermon diyan, oki?


December 13, 2009

Kaarawan ng tatay ko. Natural, sasama ako sa pagse-celebrate. Alangan namang ipagpalit ko ang okasyon na yun sa sampung oras ng pagfe-feysbuk, na wala ka namang ibang ginawa kundi mag-comment nang mag-comment sa Naruto IQ test na sinagutan ng kaibigan mong jologs. Isang beses lang nangyayari ang birthday sa isang taon (unless ka-kilala mo si Mang Ompong at ka-kwentuhan mo siya tungkol sa Alzheimer's disease ninyong dalawa at sino sa inyo ang may pinakamaraming bertdey sa isang taon) kaya kelangang gawin itong espesyal; kahit butas ang bulsa.


Ang aking ama at ina habang nag-uusap kung ano ba ang
pinaka-murang pwedeng ma-order...

Simple lang naman ang naging itenerary naming mag-anak nung araw na yun. Ako, ang nanay ko at ang tatay ko, ang nakababata kong kapatid na babae, at nges-hu ("guess who" sa pagkakasabi ng mga ngongo) kung sino ang ika-limang miyembro?

Ang aking mahal na nobya na muling nagbalik mula sa planeta ng Sunday School.

SM Santa Rosa lang ang pinuntahan namin, namili ng damit pamasko (di ako nakabili ng bagong brip), at kumain na lang sa Pizza Hut. Hehe, sosyal, PitsaHat. Ngayon lang yata ako naka-kain dito sa loob ng isang dekada, sapagkat laging take-out lang ang ginagawa namin dahil isang slice ng pizza lang naman ang kaya naming bilhin.

Pero value meals lang ang kinain namin. Maghahanap sana ako ng Happy Meal para may libreng laruan pero wala. Sa MakDo at JoBee lang pala uso yun. Solb na kami sa PitsaHat. Nabusog ako dahil sa bottomless na Pepsi. Hindi naman pala masakit sa bulsa ang magpaka-sosyal kahit isang gabi lang (kahit sumakit ang dila namin sa lasa ng Spaghetti Meatball dahil para itong giniling na hinaluan ng marijuana at kung anu-ano pang anik-anik na di namin mawari)


Ang mag-hipag
Sa huli, nag-uwi na lang kami ng isang Red Ribbon Chocolate Mouse, este Mousse at sinagot ko na rin ang half-gallon ng ice cream para may makain pa kami sa bahay.

Papa, maligayang kaarawan uli sa iyo at nawa'y magkasama pa tayo ng matagal sa ating munting tahanan. At sana ay bigyan ka pa ni Bro ng mas mahabang pasensya para mapaglabanan ang iyong asar sa tuwing pinapagalitan ka ni Mama. Mahal ko kayong lahat, at sana balang araw ay mabasa niyo ito.

----------------------------------------------------

December 14, 2009

At dahil muling nagbalik ang aking nobya e naisipan namin itong pahabain pa bilang pambayad sa halos isang buwang hindi pagkikita (dahil sa isang di pagkakaintindihan tungkol sa kung ano ba ang nauna: ang manok ba o ang itlog?). Napakasaya ko at muli kaming nagkahawak ng kamay at pakiramdam ko e ngayon lang uli ako nagkaroon ng "girlfriend"

Pero meron kaming hindi kagad napansin. Monthsary pala namin nung kinabukasan. Syet. Ayos. Sakto. Apat na taon na kaming magka-relasyon, at 47th monthsary na namin ito to be exact. Napakatagal na pala namin. Buti na lang at walang Anne Curtis na umaakit sa akin kundi e matagal na akong kumakanta ngayon ng "Nanghihinayang"


Pag-pasensiyahan niyo na at nawawala ang mukha ko...

Sinamahan ko siyang umuwi sa Batangas para dalawin ang kanyang pamilya. Doon na rin ako nagpalipas ng gabi, matapos ang isang stop-over sa Lipa para mag-deliver ng printer inks sa isang matandang kustomer na pumoporma sa nobya ko. Sales Executive ang girlfriend ko sa isang maliit na kumpanya na nagbebenta ng mga ink cartridges at printer, pero siya rin ang nagde-deliver dahil wala silang delivery boy, hehehe. Kaya naman di maiwasan ang mga customer na pa-cute (o D.O.M.) na kulang na lang e ang syota ko mismo ang orderin. Dito papasok ang isa pang persona ni SerPol, si SerPol: the D.O.M Killer, at sa kabutihang palad e hindi nakatingin sa akin ang matandang oportunista at agad-agad na pinirmahan ang resibo ng ink. MWAHAHAHAHAHA!

Ang inaalala na lang ng nobya ko e kung muli pa bang o-order ang taong yun...hehehe. Mukhang binawasan ko pa sila ng cliente ngayon...hehehe...

A-kinse (December 15, para sa mga sosyal na di nakaka-intindi ng "a-kinse") na ng gabi ako nakabalik ng Laguna galing ng Batangas, at dahil sa pagod na ako ay hindi na rin ako nakapag-online muli. Hindi ko na rin nadaanan ang sweldo ko sa opisina namin, dahil sarado na.

And speaking of sweldo, natanggap ko na kanina ang sweldo ko. Ayoko na sanang mag-comment pa at baka magalit pa sila sa akin. Dahil kasi yung sweldo ko ngayon...parang hinati lang.

Hinati. 60-40. Ganun.

Yung unang hati yung pinaka-sweldo ko at yung isang kalahati naman ay yung Christmas Bonus/13th Month...Linsyak...parang ganun lang din. Nagkahiwalay lang ng sobre.

Ngayon ko masasabi na mga bayani talaga ang mga guro. Ahehehehe...

Pero salamat pa rin at meron kaming bonus, di katulad ng inaasahan ko dati. Nasira lang ang mood ko nang mag-text na naman ang Smart BRO na bayaran ko na daw ang serbisyo nilang ubod ng bagal (at pinasisinungalingan pa ngayon ni Mo Twister sa pinakabago nilang commercial ngayon, na kesyo umaabot DAW ng 1+ MBPS ang download speed na sa katotohanan naman e nasa 0.64 MBPS lang).

----------------------------------------------------

Kaya ayun. Tapos na muli ang isang walang katuturang blog entry ni SerPol. Marami akong kailangang ipag-pasalamat kay Bro, at buti na lang at hindi napunta sa wala ang tatlong araw kong pagkawala sa mundo ng Internet. Kung meron man akong natutunan sa tatlong araw na yun, yun ay ang malaman kong mas masaya pa rin talaga sa "real world"

Kaya ikaw, mambabasa ko. Huwag kang masyadong paadik sa Internet at masama yan sa kalusugan (pero higit na mas masama sa kalusugan ang pagdo-DotA).

At hindi ko na naman alam kung pano tatapusin ito. Ah ayun! Teka...makagawa nga ng Christmas Wish list para sa susunod kong entry...hehehehe....

1 comment:

  1. hahah... as usual, very funny dn tong entry n 'to. nga pla, before anything else, anu nman po pla ung bgong kanta dun sa playlist nyo?? siyetttt... nakakaloko... hahahha!!!!

    cge po.. aabangan ko "wish list" nyo ha...
    ciao :D!!!

    ReplyDelete