Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Monday, December 7, 2009

Disyembre na naman...

Mga Nangangaroling: Sa may bahay, ang aming bati!

SerPol: Patawad...

Mga Nangangaroling: Meri Krismas, nawawalanghiyati --

SerPol: Patawad sabi e...next year na lang!

Mga Nangangaroling: Ang PAG-IBIG ang siyang may ari (ng inyong pabahay!)

SerPol: ....

Mga Nangangaroling: Araw-araw ay magiging pasko lagiiiiii! (Kahit ayaw mo!)

SerPol: Ah, lin***...

Mga Nangangaroling: Namamasko po! Para po sa pederasyon!

SerPol: *Pinakawalan ang aso* Go Pot-pot (d' dog)! Kill! Kill!

Mga Nangangaroling: Aaaay! Aaay! Takbo na mga sisters!

Pot-pot: Rawrrrr! Grrr... Rawr! FARF! FARF!
--------------------------------------------

Wala lang. Nag-isip lang ng magandang intro. Nakakasuya na kasi at lagi na lang "Wala akong magawa" ang pambungad ko sa mga blog entries ko (anim na buwan ko na yatang ginagamit yan). Eniwey, highway. Ngayon ko lang napansin na "Disyembre na" pala. Oo, di ka nag-kakamali. Ngayon ko lang talaga napansin. Hindi dahil ngayon lang ako nagising sa aking cryogenic sleep (Paki-research na lang po ito. Para naman malagyan ng bagong inpormasyon ang ating utak na matagal nang nasa cryogenic state), o ngayon lang uli ako tumingin sa kalendaryo (na may hubad na imahe ni Katrina Halili. Joke lang. Wala kami nun. Pero kung meron kami e baka isang taon ko nang di namalayan kung anong petsa na. Dahil sa balat ni Katrina na lang ako laging naka-tingin). Bakit kamo? Simple lang. Napakalamig na ngayon.

Kapag sinabi nating malamig, ito ay maraming bagay, na siyang aking iisa-isahin bilang pag-abuso ko sa aking sariling format ng pagsusulat. Dalawa pa lang naman ang naimbento ko habang ako'y nasa mundo ng blogging: 1.) Ang isang self-to-self interview, na para lang may sayad sa utak at kumakausap sa sarili, 2.) at ang isang tulad nito na para lang sumasagot ng Enumeration na hinaluan ng Essay. Buweno, heto na.

Ang askal naming si Pot-pot. Kumakain ng mga nangangaroling

--------------------------------------------

Malamig na Simoy ng Hangin

Masasabi mong Disyembre na kapag nararamdaman mo nang napakainit sa umaga at sobrang lamig naman sa gabi. Parang sintu-sinto lang ang temperatura kaya marami ngayon ang nilalagnat. Para lang ispageti sa karinderya na mainit lang sa umaga, palalamigin sa gabi, at iinitin lang uli kinabukasan. Hindi ko alam kung ako lang ba ito o ano, o talaga bang nagiging temperatura na ng Sahara ang temperatura natin dito sa Pinas? O di kaya ay talagang sobrang nipis na ng Ozone layer natin at di lang natin namamalayan na para nang "invisible disco lights" ang mga UV rays na tumatagos dito sa ating planeta ngayon ("Planeta" talaga ano? Parang alien lang. Hehehe)? Hindi ako miyembro ng mga organisasyon tulad ng Green Peace o ano, pero ito'y sa ganang akin lamang. Isa pa, di rin ako sasali dun dahil baka magalit si Richard Gutierrez at baka masapawan siya ng aking angking kagwapuhan at kisig ng katawan. Ang kumontra, bubusalan ko ng isang sako ng green peas sa bibig.

Pero ganyan lang talaga siguro pag Disyembre na. Hindi man umuulan ng snow sa Pinas (pero umuulan ng "bala" - na pag-uusapan natin mamaya), e malamig pa rin ang simoy ng hangin dahil maraming "heart broken", hehehe...anong konek?


Malamig ang Pasko (Pasko naaaa, sinta koooooohhh...)

At mapapansin mo rin na Disyembre na kapag nakakakita ka na ng mga matatandang naglalakad sa kalsada ('Di naman yung ganoong katanda tulad nila Dolphy. Yung mga nag-eedad 25 - 40 lang), naka-jacket, nakatungo, nakapasok ang mga kamay sa bulsa ng jacket at nakatutok ang mga mata sa semento habang naglalakad. Mga magnanakaw, for short. Biro lang. Pero ingat kayo sa mga mamang naka-maong na jacket kahit tanghali, at paniguradong mahihingan kayo ng pamasko kahit ayaw ninyo.

Eto yung mga tinutukoy kong "heart-broken", miyembro ng SMP: Samahan ng Malalamig ang Pasko. Walang lovelife. Walang "sweetheart". Walang "Bebe Qoh". Walang lambingan. Walang sex life. Ay, sorry! Censored nga pala. Sorry din at marami ang tinamaan. Heheheeee...

Kung meron mang term na "Christmas Emo", e sila na ang mga tao na unang-una kong naiisip. Walang ligtas sa terminong "emo" lalo na't kung paulit-ulit ang mga kantang Pasko na Sinta ko ni Gary Valenciano at Sana Ngayong Pasko ni Ariel Rivera sa iyong cassette player (at wish mo rin kay Santa Claus na maregaluhan ka ng MP3 player. Kahit yung tig-"wanpayb" lang sa mga bumbay, para pamalit sa iyong inaamag na cassette player). Ayoko nang ipaliwanag pa itong mga romantikong-bagay na ito at dahil kung may unang nasasaktan, ay wala yung iba kundi ako...

Pasko naaaa...Sinta kooooohhhh...Ibalik mo na ang SIM card kooooohhh...


Malamig na Bulsa

Ika nga e, "paktay tayo diyan bay!" Eto na siguro ang pinakamalalang pasko ko sa loob ng tatlong taon ng pagtuturo dahil ngayon lang yata ako hindi makakatanggap ng 13th month o kahit man lang dalawandaang piso para sa Christmas Bonus. Wala e, ganun talaga pag nagsisimula pa lang ang institusyon na pinagta-trabahuan mo. Kelangang magtipid. Dito ko lang namimiss ang dati kong skul dahil galante sila sa mga ganitong panahon. Katapusan pa lang ng Nobyembre e 5-digits na ang nawi-withdraw ko sa aking ATM. Ngayon, 5-digits pa rin. As in limang piraso ng tig-lilimang daan at bente pesos...at wala ring ATM dahil sa isang sobre lang nakalagay ngayon ang sinesweldo ko. Malungkot talaga ang pasko ngayon...haaaaayyyyyy... Walang pambili ng kastanyas. Wala ring pambili ng bagong brip...(tuwing Christmas bonus lang yata ako nakakabili ng bagong brip...haaaaayyy)

Kaya naman at gusto kong humingi ng paumanhin sa lahat ng mga nangangaroling dito sa amin, lalo na sa mga nanay at mga choir members ng simbahan na humihingi gabi-gabi ng donasyon para sa kani-kanilang mga asosasyon. Pagpasensyahan niyo na kung pinapahabol ko kayo palagi sa aso o niraratrat ng mashinggan, o kaya ay binibigyan ng "crotch-chop" ala-D Generation X (eto yung ipepwesto mo ng pa-"X" ang mga kamay mo sa harap ng iyong pundya sabay sigaw ng "SUCK IT!") Wala lang talaga kaming maibigay na "limos" sa inyo dahil ultimo limang piso na barya e pinag-aagawan na ngayon dito sa bahay.

Balik na lang po kayo next year pag naipalabas na ang pelikula namin ni Bea Alonzo.

Ganito ang "Suck it!" Eto ang sikat na linya ng professional wrestlers na DX.


Malamig na Bangkay / Malamig na Dugo

Isang salita lang ang naiisip ko kapag binabasa ko yung nasa taas. Morbid.

At kung napansin mo ang aking embedded na MP3 player dun sa aking sidebar sa kanan, e iniimbitahan kitang ilipat ang track sa "Tatsulok" - na inawit ng bandang Bamboo, habang binabasa ang bahaging ito ng aking blog.

Nitong huli lang e parang may nagpahabol pa ng halos limang dosenang bangkay sa araw ng mga patay, bago magsimula ang Disyembre. Ang tinutukoy ko ay ang lintek na Maguindanao Massacre -- na kung saan sandamukal na tao ang hinarang ng mga alagad ng demonyo at pinagbabaril para hindi na makapag-file ng candidacy. Nadamay pa ang ilang mga news reporters sa mga napatay. Masaklap, oo. Masaklap talaga. Mas masahol pa yata 'to sa ginawa ng Abu Sayaff. Kapwa Pinoy, nagpapatayan. Kapwa Muslim, nagpapatayan.

Mga nahukay na bangkay ang nasa ilalim ng mga dahon ng saging...

Ang kapangyarihan talaga ang nagpapatubo ng sungay sa ulo ng mga swapang. Pumatay man ng iba e parang hindi na hadlang, makamit lang ang "upuan". Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganun pa rin kadali itapon ang buhay ng mga tao para sa ibang tulisan -- tulad ng Abu Sayaff at nito ngang mga alipores ng isang makapangyarihang pamilya sa Maguindanao? Ayoko sanang lahatin ang mga "Muslim" dahil marami pa rin sa mga katulad nila na mas mabuti pa kesa sa ating mga Kristiyano (at hindi naman lahat dun e Muslim, sa paningin ko). Pero sino ang sasagot sa akin? Sino ang sasagot sa tanong ko na: "Bakit parang andali lang tumapos ng buhay para sa mga katulad ninyo?" Na para lang kayong pumapatay ng aso kapag meron kayong gusto?

Patawarin mo ako, Bro. Pero isa sa mga wish ko ngayong Pasko e mamatay na ang lahat ng bandidong kasali sa massacre na ito kasama na ang kanilang mastermind. O kung masyado mang brutal ang wish ko e, sana man lang, mabigyan ng hustisya ang mga namatay bago pa mag-tapos ang taon na ito.

At sa lahat ng presidential candidates diyan, eto na ang panahon ninyo para tuluyang magpa-pogi sa madla.

--------------------------------------------

Pasensya na at nasira ko ang mood ng mga bumabasa ng entry na ito, dahil naisama ko pa ang balita tungkol sa Maguindanao Massacre. Ayos na sana, ano? Dangan lang at gusto kong imulat ang mata ng mga tao ngayon, lalo na't Disyembre at nauuso na ang pamimili ng pamasko sa mga malls. Muli na namang naghahanda ang sangkatauhan para sa isang panahon ng kasiyahan at pagbibigayan.

Pero ikaw, tao. Tatanungin kita. Ano ba talaga ang gusto mo ngayong Pasko? Hindi ako si Santa Claus at hindi ko iyon maibibigay, pero, magiging maligaya ka ba talaga sa hihingin mo?

Meron ka pang halos dalawang linggo para mag-isip.


- FIN -

No comments:

Post a Comment