Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Showing posts with label Paul Morada. Show all posts
Showing posts with label Paul Morada. Show all posts

Tuesday, January 26, 2010

Pinsan

Wala na naman akong magawa... Ayus, na-miss ko yung linyang iyon ah? Parang ilang blog entries na rin ang lumipas nang hindi ko yun ginagamit bilang pambungad. Talagang wala lang akong maisip na magandang topic ngayon, kaya magse-share na lang muna ako ng sarili kong kuwento kaysa gumawa ng write-ups tungkol sa tampuhan nila Kris Aquino at James Yap, at magparami ng site visits.

-------------------------------------

Ang gusto kong ikwento ngayon ay tungkol sa isang tao na "sanggang-dikit" ko simula't-sapul pa lamang nang mamulat ang mga mata ko sa mundong ito; at iyon ay ang pinsan ko. Pero teka. Ano bang meron sa amin ng pinsan ko? Wala naman masyado. Hindi naman kami magka-away ngayon o ano, pero gusto ko lang i-share para sa kapakanan ng mga mahilig mag-basa. Kumbaga sa lenggwahe ng kabataan ngayon e "Trip lang"

Matagal na kaming mag-bestfriend ng pinsan kong si "Don-don" (pangalan ng pinsan kong lalake). Kahit nung mga sanggol pa lang kami e palagi na kaming pinagtatabi ng mga nanay namin na tila ba e para kaming magka-kambal. Hindi ko lang mahanap ang picture namin noong mga baby pa kami para maipakita ko sa inyo. At oo, kambal na nga sana, pero mas matanda ako sa kanya ng isang buwan, dahilan para tawagin niya akong "Kuya" sa ilang okasyon para lang asarin ako. Kung susumahin mo, para kaming magkapatid na iniluwal ng dalawang magkahiwalay na babae. Ganun kami ka-close. Buti na lang at mas cute ako sa kanya.


Ayus! Tropa-pips!

Sabay kaming lumaki ng pinsan ko sa Maynila. Malapit lang ang bahay namin sa kanila at sa parehas na Daycare Center pa kami pumapasok. Magkaklase pa kami noong Kinder 1. Habulin na ako ng tsiks noon pa (kapal ng mukha) at loner naman siya noon. Ako lang ang kalaro niya palagi at sabay pa kaming umuuwi pagkatapos ng klase. Magkatabi pa kaming umeebak sa magkahiwalay na arinola sa patso noon habang nagkekwentuhan tungkol sa mga cartoons. Hehehe. Kaso, buong buhay namin noon, e nasa akin palagi ang pabor ng tadhana; kahit na mas may-kaya sila kumpara sa amin.

Mas cute, mas matalino at mas paborito ng karamihan.

Ang kumontra - lumayas na dito.

Naaalala ko pa noon nung sumali ako sa Mr. & Ms. United Nations (para sa United Nations Day celebration ng paaralan namin, na sa kabutihang palad e napanalunan ko naman), nasa stage ako habang hinihintay ang turn ko para sumagot sa Q&A, at nandun naman siya sa harapan na nakasabit na parang biik, at sabay sabi ng "Cholo (palayaw ko), laro tayo mamaya pagkatapos mo diyan, ha?" Makirot ang sandaling iyon ng buhay ko kapag naaalala ko. Parang minsan, e pinagdarasal ko na sana, parehas na lang kaming nasa stage nung mga oras na iyon at magkalaban. Kahit sinong manalo, ok lang sa akin.

At kapag may Field Demo (iyon ang tawag dati sa mga class presentations tuwing may event sa school), ako palagi ang front act, kapartner ang pinakamagandang babae sa klase. Habang siya, e nasa likod at kapartner naman ang pinakamatabang babae sa klase namin. Kumbaga e para kaming yagit na version nila Dolphy at Panchito. Ako ang bida, siya ang sidekick.


Class Picture namin sa Francisco Balagtas Elementary School pagkatapos ng United Nations Day. Ako yung naka-Coat & Tie, at siya naman yung nasa likod...

Tag team din kami niyan tuwing may gulo. Ang kaaway ko, kaaway din niya. At ang kaaway niya, kaaway ko rin. Ganun. Pero sa tuwing mapapaaway kami e siya palagi ang sumasagot sa suntukan, at ako palagi ang nagtatawag ng matandang mapagsusumbungan dahil malamya at lampa pa ako noon. At kapag may kaaway naman si Camille (ang bunso kong kapatid), e tag team partners pa rin kami sa pagtatanggol sa kanya kapag meron siyang kaaway. Kumbaga e parang body guards. Parang D-Generation-X! Walang lalapit! Kung hinde e papaluin namin kayo ng walis tingting!

Pero naging marahas ako kay Don-don noong mga bata pa kami. Dahil sa feeling "high and mighty" ako noon, e lagi ko siyang inaaway, at sa kasamaang palad e ako pa rin ang kinakampihan ng mga matatanda kahit ako pa ang mali. Meron pang pangyayari noon na sinipa ko siya sa mukha noong natalo niya ako sa Ungguy-ungguyan (isang larong pambata sa baraha), at di ko siya pinapansin tuwing masisira niya ang laruan o komiks ko. Hindi siya lumalaban sa akin noon. Pero ngayon, kung sisipain ko siya sa mukha e tiyak na babalian na niya ako ng buto.

May pagka-inggitero din minsan si Don-don. Lalo na kapag may bago akong laruan. Lahat ng laruan ko, gusto niya e meron din siya. Noong nagkaroon ako ng laruang Ninja Turtles (si Leonardo ang sa akin), nagpabili rin siya ng sa kanya (si Raphael naman). Noong nagkaroon naman ako ng Batman, nagpabili rin siya, pero ibang model naman (maraming costume si Batman noon, meron siyang costume na pang-lipad, pang-tubig, pang-outer space at pati pang-gahasa). Pero ang hindi ko malilimutan sa lahat e noong nagkaroon ako ng laruang Power Ranger (na na-discuss ko noon sa blog entry na ito). Gustung-gusto niya ring magkaroon nun pero sa kasamaang palad, e hindi siya naibili ng kanyang nanay.

Ultimate wish niya yun nung paskong iyon, sa katotohanan e nabasa ko pa ang sulat niya kay Santa Claus at nagsasabing:

"Dear Santa,

Ang gusto ko pong gift ngayong Pasko ay isang Power Ranger, yung katulad nung sa pinsan ko. Pero gusto ko yung RED. Sana mabigyan mo po ako nito dahil ayaw akong ibili ni Mama.

Love,
Don-don"

Hindi iyon ang mga eksaktong salita, pero iyon ang pagkakaalala ko. Gusto niya ng Red Ranger. At hanggang sa ngayon, sa tingin ko, e hindi pa rin niya alam na binasa ko ang letter niya para kay Santa Claus. Nakakangiyak, sa totoo lang. Pero sa huli, niregaluhan din siya ni "Santa" ng red na Power Ranger, yun nga lang e fake. Pero tuwang-tuwa pa rin siya, kasi parehas na kaming "meron"

"Idol" daw ako ni Don-don sabi ng Mommy niya. Ako daw ang kanyang role model, at lahat ng bagay na meron ako ay dapat meron din siya. Mas mayaman sila sa amin, nakatira lang kami sa isang apartment noon. Pero ang malaking kaibahan sa amin e mas mukha siyang "deprived". Mahirap mang sabihin pero mukhang pinagkaitan siya noon ng mga magulang niya sa maraming bagay: laruan, oras ng paglalaro, pakikipag-kaibigan sa ibang batang yagit, at pati na rin sa pagkalinga.

Grade 1 na kami nang magkahiwalay ni Don-don. Lumipat siya ng Letran at dun na nagtapos hanggang kolehiyo, samantalang ako ay nag-enroll sa iba't-ibang eskwelahan; mga eskwelahan na kayang bayaran ng isang below-average citizen, tulad namin. At lalo na kaming nagkahiwalay nang lumipat na kami ng bahay dito sa Laguna. Bihira na kaming magkaroon ng oras para maglaro pero minsan ay nagkikita pa rin kapag may lakad ang clan, o kaya ay kapag may reunion.

Hanggang sa lumaki kami ay naging mainggitin parin si Don-don. Ngayon naman, e tungkol sa love life. Nauna akong magkaroon ng girlfriend kesa sa kanya, kaya naging desperado siya na makakuha rin ng isa para parehas kami (hindi lang ako 100% sure kung ako talaga ang dahilan kung bakit gusto niyang magka-girlfriend noon). Ang nakakatawa lang, e MAGKA-PANGALAN pa ang una niyang girlfriend at ang girlfriend ko! Iba lang ang spelling. "Mae" ang sa kanya at "Maye" naman ang sa akin. Anlupit. Parang sinadya ng pagkakataon. Pero hiwalay na sila noong babaeng iyon ngayon, at ang pangalan naman ng kasalukuyan niyang GF e may "May" pa rin yata sa pangalan. Hehehe...

Mayroon din kaming pangako noon na magiging "Best Man" namin ang isa't-isa sa kanya-kanya naming mga kasal. Cheesy mang pakinggan, pero yun na lang ang pinanghahawakan ko ngayon.

Nag-binata kami ni Don-don na magkahiwalay. At sa mga panahong iyon, pinili niya ang sarili niyang landas. Ang landas na kung saan e hindi siya maikukumpara sa akin. Pinili niyang sundin ang buhay ng kabataan sa lungsod, samantalang ako e naging isang taong-bahay, kaharap lang ang computer. Magmula sa isang mataba at mahiyaing bata, naging isang maskulado at japorms na tao si Don-don; samantalang ako naman e naging kabaligtaran. Lumobo ako sa katabaan at pinili kong maging isang "geek" Pinabayaan ko ang panlabas kong kaanyuan, habang yun naman ang pinagtuunan niya ng pansin. Nagkaroon din kami ng sari-sarili naming mga bisyo. Naexperience niya ang paninigarilyo at pag-inom, samantalang ako ay nahumaling naman sa video games at pamboboso. Joke lang.

Nauna rin akong grumadweyt kesa sa kanya, dahil meron siyang mga palakol na subjects noon at nahuli siya sa akin ng isang taon. Muli, ikinumpara na naman siya ng nanay niya sa akin dahil sa oras na maka-graduate daw siya e isa na akong propesyunal. Napakagandang paraan para i-encourage ang anak; pero sa huli e nakatapos pa rin naman siya ng kolehiyo. Nagta-trabaho na siya sa munisipyo ng Maynila ngayon, samantalang ako e nagtuturo pa rin sa kolehiyo.


Eto na kami ngayon. Mula sa kaliwa: si Don-don at ang kanyang nobyang si Anne, ang bunso kong kapatid na si Camille, at ako. Tatay ko yung nasa likod ko, napa-extra lang. Hehe.

Parang bumaligtad bigla ang mundo.

Kapag tinitignan ko ang sarili ko, masasabi ko na ako naman ngayon ang mas "inferior" kumpara sa kanya. Nasa kanya ngayon ang pabor ng tadhana. Magandang trabaho, mataas na sweldo, magandang bahay, matikas na pangangatawan at meron pang girlfriend na pwede niyang makita araw-araw. Ako naman ay naging isang titser na kumikita ng sweldo na walang hustisya, bahay na malapit nang ipasarado ng homeowner's association, katawan na katulad nang kay Bayani Agbayani at isang girlfriend na limang taon nang "long distance relationship" ang status.

Mahirap mang sabihin, pero mukhang "inferiority complex" na nga yata ito.

Buong buhay namin, ako ang itinuring na "goal" ng aking matalik na pinsan. Lahat ng makamit ko noon, e gusto rin niyang makuha. At hindi ako nagagalit dun. Bagkus, natutuwa pa ako dahil meron akong isang pinsan na lagi kong binibigyan ng payo tuwing meron siyang problema --tuwing pino-problema niya ang kaibahan namin noon. Kuya niya ako e. Pero iba na ngayon. Sa totoo niyan, e wala na akong naririnig na problema mula sa kanya. Mukhang nasa tamang lagay na ang buhay niya, samantalang ako naman ngayon ang nasa "struggle" - mode.

Ako na ang naiinggit ngayon.

Baligtad na ang sitwasyon. Siya naman ang itinuturing kong "goal" at lahat ng nakamit niya ay balak kong lagpasan balang araw. Sinisimulan ko na ito sa pagpunta sa Gym upang magtabas ng taba, at nangangarap na balang araw e mag-laway lahat ng babaeng makakasalubong ko sa kalsada. Sa bakasyon, maghahanap na rin ako ng mas magandang trabaho at nang hindi na ako naiiyak sa tuwa tuwing makukuha ko ang sweldo ko. Hindi ito dahil sa pride o ano, pero natural lang na maging competitive sa bawat isa ang mga mag-bestfriends.

Bilang pagtatapos (masyado nang mahaba ito), nais ko lang magpasalamat sa pinsan ko. Wala akong kapatid na lalake, at ang totoo niyan e itinuturing ka naming isang "lehitimong" kapatid ni Camille. At sana, ay huwag magbabago yun. Salamat sa dalawang dekada ng samahan at asahan mong ikaw pa rin ang kukuhanin kong best man sa araw ng kasal ko. Sa ngayon, e tatanggapin ko na "talo" na ako sa iyo. Nasa iyo na lahat ng kailangan mo. Pero meron pang isang bagay ang hindi mo pa nalalagpasan sa akin...

"Kung paano maging KUYA"

Monday, November 16, 2009

Pagkatapos ng lahat ng nasabi

NOTE: Sa mga ngayon lang napadpad dito sa munti kong kulungan, pagpasensyahan niyo na kung purong-Tagalog ako magsulat ng Blog. Ayoko kasing mag-inggles dahil bukod sa hindi ako marunong ('Scuse me for the crap, peeps. I'm really not used ta speakin' yer stinkin' language) baka maging kamukha ko bigla si Pacquiao. You know?

************************************************

Lahat ng blog entry ko ay nagsisimula sa isang walang kwentang dahilan na "wala akong magawa" at sa mga oras na ito, habang tina-type ko itong article, e kasalakuyang may nagce-celebrate ng birthday dito sa labas ng bahay namin. Pero wala sa pamilya namin. Walang may birthday dito. Sa susunod na siglo pa uli magkakaroon ng selebrasyon dito sa bahay namin, kaya walang dahilan para maghanda kami ng spaghetting nilagyan ng formaline at anay. Yung kapitbahay namin ang siyang nag-iingay ngayon dito sa labas, at syempre sa mga probinsyang tulad nito (nasa Laguna po ako, hindi sa planet Saturn) hindi mawawala ang videoke machines -- na siya ngayong ginagamit na instrumento ng mga lasing para durugin ang tenga ko. Pag may ganitong okasyon naiisip ko na sana, pwedeng bumili ng carbine, AK-47, time bomb, granada at bazooka sa kalapit na sari-sari store para maibalik ang kapayapaan ng subdivision namin. Badtrip.

Ipa-publish ko lang 'tong walang saysay na entry na ito para i-summarize ang mga nangyari sa akin nitong mga nakaraang araw. Baka kasi mauntog ako sa tangkay ng halamang sampaguita at baka magkaron ako ng amnesia tulad ni Dao Ming Zu. Ha? Ano kamo? Jun Pyo na ba ngayon? Ah sya. Linsyak na buhay, kay Donald Duck na lang!


Facebook
(kasalukuyang kinakanta ngayon sa videoke ang "Totoy Bibo")

Meron na akong Facebook, yehey! (hango sa kadalasang sinasabi ng mga utaw ngayon. Pero ang tamang pagkakasabi niyan ay: "Meron na akong ACCOUNT sa Facebook! Yehey!" o di kaya ay "Meron na akong bagong pampa-kapal ng mukha! Yehey!") Oo, di ka maniniwala. Milagro na nakagawa ako ng account sa Facebook pagkatapos ng ilang buwang deliberasyon at pag-konsulta sa mga UFO. At heto nga, meron na. Add niyo ako. Search niyo lang "Ako'y tanga at hinahanap ko si Paul Morada sa Facebook" at may lalabas dung error message. Bahala na kayo kung paano sosolusyonan yan, MS Word lang ang kaya kong ituro sa alien. Pero hindi pa rin ako naglalaro ng mga kalokohang games dun dahil andito pa naman ang mga garapata ng aso ko para paglaruan. Kayo na lang ang mag-bigayan ng mga bibe, baboy at tyanak diyan sa Farmville. (Ops, teka at may isang magandang binibini ang nag-add sa akin. Wahahaha!)


Panalo si Pacquiao!
(kasalukuyan namang kinakanta ang "Zombie" ng walanghiyang lasing dito sa labas. "En yur hed" daw...)

Ayup! Sakto yung kanta nung lasing! Zombie. Nagmistula ba naman kasing "Dancing Zombie" si Miguel Cotto sa kanilang bakbakan ni Manny Pacquiao sa PPV event na "Firepower" kahapon. Tuwang-tuwa na naman ang Pilipinas dahil muling pinatunayan ni Pacquiao na hindi sukatan ng lakas ang 6-pack mo sa tiyan. Mabuhay si Manny Pacquiao! Mabuhay rin si Aling Dionisia! Nanalo pa rin ang anak niya kahit di siya nagrosaryo at nag-deluryo sa harapan ng rebulto! Yeba! Salamat na rin kay Pac-Man, dahil nagkaka-kwentuhan lang kami ng tatay ko tuwing may laban siya. Sa boksing at sa basketball lang kami nagkakasundo ng tatay ko. Pero malay natin, balang araw, baka golf na ang maging sports namin.

Bagong Kontrata
(kasalukuyan namang kinakanta ngayon ang "Ang Bayan kong Pilipinas" sa videoke, susginoo...)

Wala. Dito papasok yung title dun sa itaas ng post na ito.

"Pagkatapos ng lahat ng nasabi"

Pumirma na ako ng bagong kontrata kanina sa tinutuluyan kong school ngayon na ASIATECH. Ok naman ang reception. Maraming photographers. Naghihiyawan at nagpapalakpakan ang mga tao. Kinamayan pa ako ni Charo Santos. Ay teka, panaginip ko lang pala yun. Napanaginipan ko kasi na gagawa ako ng pelikula sa Star Cinema kasama sina Angel Locsin at Anne Curtis. Bold movie yata yun... Ay, amp! Cut cut cut! Baka maireport ako dito sa Blogger! Joke lang yun. Isang deadly joke. Hehe...

Pero may nagpalakpakan talaga. Pramis. Pagkababa ko pa lang ng tricycle, nag-palakpakan na ang mga estudyanteng naka-tanaw mula sa 2nd floor ng building namin. Mga dati kong estudyante. Nagkaron na kasi sila ng ideya dati na may intensyon na akong umalis sa ASIATECH bago pa magsimula ang bakasyon. Kaya naman at tuwang-tuwa sila, lalo na ang mga I.T. students, dahil muling nagbalik ang kanilang superhero (at dakilang utu-uto). Nakakatuwa. Parang gusto kong mag-wagayway ng bandila ng Pilipinas sa saya. Andun din ang ilang HR students na natutuwa rin dahil magiging teacher na nila ako sa semester na ito. Di lang nila alam kung ano ang hinihingi nila, mwehehehe... at di ko rin alam kung anong sakit ng ulo ang darating sa akin...ahehehe...

Ganun na nga. Pagkatapos ng lahat ng nasabi ko sa dati kong entry, dito pa rin ako bumagsak. Tumuloy pa rin ako bilang isang College Teacher. Ewan ko ba. Pero parang dito na ako gustong ilagay talaga ni Bro. Ano kaya ang dahilan at bakit gusto pa niya akong tumuloy sa pagtuturo? Dahil ba nakasalalay sa aking balikat ang pagbangon ng Pilipinas (at ang pagtigil ng pag-ngawa ng mga oil companies ngayon)? O para magkaron lang ng mapagtatawanan ang mga estudyante sa loob ng classroom? Di ko pa rin alam. Wala namang nakakaalam. Bakit pa ba ako nagtatanong? Haay...susme.


************************************************

Di pa rin tumitigil ang mga hinayu*** sa pagkanta kahit dis-oras na ng gabi. Mukang uumagahin na ang mga ito sa paglusaw ng mga baga at atay nila, habang binibigyan kami ng bangungot na hindi naman namin hinihingi. Iba na talaga ang mga jologs. Medyo nalungkot lang ako kanina dahil na-recall ko ang title nung isang kanta:

"Gold" ng Spandau Ballet

Nalungkot ako dahil nung 80's pa sumikat ang kantang ito. And the fact na naalala ko ang kantang ito ay nagpapatunay lang na isa na akong gurang...Syet.

Ganunpaman, nararamdaman ko pa rin ang kasiyahan ng mga lasinggero dito. Parehas lang kami. Kahit maliit lang ang kinikita namin e nakakahanap pa rin kami ng paraan para mag-saya.

Tulad ko. Kahit mababa pa ang sweldo ko sa pagtuturo...dito talaga ako masaya.


- FIN -