Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Monday, June 7, 2010

Pagtanggap

Maikli lang ito. Saglit lang. Sssshhhh...! Wag ka nang mag-reklamo! Saglit nga lang e! Hrrrmmmph!

Ayan. Nawala na tuloy ako sa mood. Iiklian ko na nga sana kaya lang anlakas mong kumontra. Hehehe.

Pangatlong linggo ko nang uma-attend ng trainings at seminars sa pagtuturo. Marami akong bagong natutunan, pero marami rin akong nakalimutan. Minsan nga, naiisip ko na lang na ang mga mata at ulirat ko na lang ang hinahasa sa mga trainings na yan dahil halos dalawang linggo ko nang nilalabanan ang antok para huwag lang maka-tulog habang nagsasalita ang speaker. Grabe. Pero seryoso, marami akong natutunan. Mga bagay na pinagsawalang-bahala ko lang nung mga naunang taon ko sa pagtuturo. Magmula sa tamang pagsusuot ng battle gear, este damit, hanggang sa pagpili ng tamang paraan kung paano pupulbusin ang angas ng isang estudyante sa loob ng classroom. Oo. Mga TECHNIQUES kung paano patatahimikin ang isang pasaway na nilalang gamit lamang ang iyong mga paranormal skills.

Joke lang.

Effective pa rin pala ang mga ginagawa ng mga titser ko noon. Yung tipong pupunta sa likod ng isang estudyanteng nakikipag-daldalan at banayad na tatapikin ang kanyang likod. Medyo bawas sa kahihiyan sa estudyante (kung may hiya man yung estudyanteng yun) at bawas na rin sa "effort" dahil nakakapagod nga naman kasi yung palagi kang ala-Incredible Hulk kung magalit para lang manaway. At yung sinasaway mo e isang starfish lang.

Eniwey, marami rin akong na-realize sa nakaraang dalawang linggo ng pagtatanim ng puwit sa mga monobloc chairs at panonood sa mga kasamahang sabay-sabay na humihikab. Mga ideyang nagpapalutang-lutang sa utak ko bago ako matulog sa gabi. Mga bagay na hindi ko kagad masabi. Mga pangarap at katatakutan na naghahalo sa aking isipan ngayon.

Napag-iwanan na pala ako.

Oo. Naiwanan na ako ng milya-milya ng mga dati kong kasamahan sa eskwelahan na una kong pinasukan. Hindi ko inasahan na ganun na pala ang agwat namin pagkatapos ng isang taon kong pagkawala sa piling nila. At ang buong akala ko e luluhod na sila sa muli kong pagbabalik upang hangaan ako, pero baligtad ang nangyari. Mas napalagom pa nila ang kanilang resumé sa pag-attend ng iba't ibang certification programs, habang ako ay napa-attend lang sa mga food trip sessions sa Mini Stop sa loob ng isang buong taon. Di na kataka-taka kung bakit bigla akong lumobo ngayon.

Hindi lang ang mga dati kong mga kasamahan ang nakakahigit na sa akin ngayon, kundi pati na rin ang mga baguhang teachers na kasabay kong pumasok sa batch na ito. May isang matinik na programmer at meron namang isang halimaw na graphic artist. Minsan, iniisip ko pa rin nga kung tao pa ba sila o nagpa-transplant na ng utak. Programming at Graphics: mga bagay na naikabit na rin sa pangalan ko noong ako ay bago pa lang din sa linya ng pagtuturo; pero ngayon ay tuluyang nawala na.

Sa totoo lang, hindi ko na makita ang lugar na nararapat sa akin sa grupong iyon ng mga guro sa I.T. Oo, at marami akong kayang gawin: Photoshop, Turbo C, Visual Basic, Java, Flash, HTML...kaya ko lahat yan. Pero ang problema e wala akong na-master kahit isa diyan sa mga yan. Ika nga e "Jack of all trades. Master of none" Kumbaga sa Dragonball e, marami kang alam na techniques, yun nga lang e di ka makapatay.

'Di ko na rin alam kung saan lulugar. Halos lahat na yata ng kakilala kong mga guro e gumagaling na habang tumatagal. Kanina nga lang e mayroon din akong kaibigan na isang college teacher din na nag-post ng message sa Facebook wall niya tungkol sa award na nakuha niya kanina: "Most Outstanding Faculty of the Year" Hanep. "Most" na. "Outstanding" pa. Ehek! At dahil sa natural akong inggitero e nainggit naman ako dahil kung tutuusin e mas nauna pa ako sa kanyang magturo, pero wala pa akong nakakamit na award na katulad nun. "Standing Faculty" siguro, puwede.

Ano na bang nangyayari sa mundo? Isa ba itong paraan para pahiyain ako ni Bro sa mga kayabangan ko noon? Parusa na ba Niya ito at ipinamumukha sa akin na mas maraming kayang umagaw ng trono na pinanghawakan ko dati? Lubog na ako. Sapaw na sapaw na. Hanggang ilong na nga e!

Pero iisang bagay na lang ang hawak ko ngayon..."Determinasyon"...

Ganito lang talaga ako. Maaaring nalulungkot at naiinggit ako sa mga nakikita ko pero pagkatapos noon e napapalitan na ito ng sangkaterbang determinasyon. Naniniwala ako sa mga kasabihang: "What doesn't hurt, won't kill me" at "Dropping bombs on me would only make me stronger". Mahilig ako sa mga pagsubok. Dahil alam kong sa dulo ng pagsubok na yun ay isang mas magaling na SerPol ang naghihintay. Maraming beses ko na itong napatunayan at PATUTUNAYAN KO ULI ITO NGAYON.

Hintayin ninyo ako, mga kasama. Tinatanggap ko ang hamon ninyo.

No comments:

Post a Comment