Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Monday, October 19, 2009

Anger Management

Disclaimer (-kuno): Lahat ng mababasa dito ay orihinal at hindi ninakaw mula sa akda ng kahit sinuman. Higit sa lahat, ang lahat ng sitwasyon na inyong mababasa ay hango sa kathang-isip lamang at ang pagkakahawig sa sitwasyon ng kahit sinumang nabubuhay na nagbabasa nito ay hindi sinasadya. Mga magulang, gabayan po ang mga bata sa pagbabasa at huwag kakalimutang buksan ang ilaw.

**********

Define: Anger management

Manong, kung sino ka man. Salamat sa maasim mong picture.

" Anger Management
commonly refers to a system of psychological therapeutic techniques and exercises by which someone with excessive or uncontrollable anger can control or reduce the triggers, degrees, and effects of an angered emotional state
"
- Kumpareng Wikipedia
Justify Full
**********


Umaga na naman, may pasok ka na naman sa opisina. Naisip mo na naman ang boss mong saksakan ng sungit at angas. Susmaryosep, siya na naman! Binuksan mo ang ref, walang pagkain sa loob. Uminom ka na lang ng tubig para mapalipas ang iyong gutom.

"Sa 7-Eleven na lang ako mag-aalmusal", ang sabi mo sa iyong sarili.

Tinignan mo ang orasan, alas-otso na. Badtrip. Late ka na ng isang oras.

Pinag-mumumura mo ang kapatid mong walang malay kung bakit hindi ka niya ginising gayong sinabi mo sa kanya kagabi na gisingin ka ng 6:30. Sinagot ka ng kapatid mo:

"Anong sinasabi mo diyan? Lasing ka kaya kagabi?"

Naalala mo bigla na hindi pala kapatid mo ang kausap mo kagabi kundi ang bakla mong ka-officemate na nakayakap sa iyo habang lasing at nag-sasalita ka.

Napa-sigaw ka na lang sa galit.

"Hutaenang buhay 'to!"


**********


8:30 na. Hindi ka na naka-kain ng almusal. Buti na lang at may jeep na maluwag na pumarada sa terminal pagka-baba mo ng tricycle.

Sumakay ka sa jeep. Umupo ka sa kaliwang side ng jeep malapit sa may puwitan; malapit sa babaan. Apat lang kayo sa loob, kasama na ang driver. Ikaw. Isang binatilyong mukhang adik na nakaupo sa harap mo, at isang matandang matrona (na akala mo e nirolyo sa harina) na nakaupo naman sa tabi mo, mga isang dipa ang pagitan sa inyong dalawa.

"Manong, bayad po"

Tahimik ang ale, tila wala siyang naririnig.

"Manong, bayaaaad poooo!"

Wala pa rin. Parang kulang ka sa voice modulation.

"MANONG, BAYAAAAAD POOOOOOOO!!!!!"

Tumingin sa iyo ang ale, sabay irap. Pumutok ang fuse mo. Pero dahil babae yun, nag-timpi ka na lang. Wala ka nang nagawa kundi tumayo at lumapit sa driver para ikaw mismo ang mag-abot ng bayad. Bumubungisngis yung adik na binata habang nakatingin sa kawalan. Damn. Sa loob ng utak mo, nasabi mo na lang na:

"Hutaena kang matanda ka..."


**********


Pag-dating mo sa office. Mukha kagad ng boss mong gorilya ang tumambad sa iyo.

"Meet me in the office at 10!"

Paktay. Dalawang bagay lang ang pwedeng mangyari. Ang masermonan ka nang isang oras, o ang masibak ka sa trabaho. Wala kang choice, kasalanan mo. Late ka.

Pumunta ka sa office, nagsimula na ang litanya ni boss. Antagal, nangangawit na pati ang bituka mo, dahil di ka man lang niya pinaupo. Nang matapos na ang kanyang sermon, pinayagan ka na niyang bumalik sa pwesto mo

"Get back to work! You bullsh**..."

Napa-tungo ka na lang sa kahihiyan. Pagka-talikod mo, naaninag mo ang boss mo sa gilid ng iyong mga mata. Nakangiti. Nakaharap sa monitor ng kanyang PC.

Naglalaro ng Farm Ville.

Napabulong ka na lang sa sarili mo, "Hutaena ka..."


**********


Lunch time. Sa wakas, makaka-bawi ka na rin ng kain. Ayos ang ulam, Adobo: Sinigang flavor. Umikot ang bituka mo. Pero wala ka nang magagawa dahil yun lang ang nasa menu ng canteen.

Pagkatapos ng kainan, nakita mo ang mga kabarkada mo na tila may pinagkakaguluhan. Naki-usyoso ka. Isa lang palang sex video na nakalagay sa cellphone.

"Bro, halika. Tignan mo, ang hot nung chick!"

Tama siya. Hot nga. Ang seksi ng katawan nung babae. Ampangit nung lalake. Tinignan mo uli yung video, may petsang nakalagay:

"August 13, 2008"

Kumukulo na ang bituka mo sa excitement. Sumasaludo na rin si junior. Pero parang may iba sa sex video na parang pamilyar sa iyo. Kalagitnaan na ng sex video nang humalinghing si babae:

"Aaah, YEAH...."

Nagulantang ka bigla. Parang pamilyar. Pumaling ang camera sa mukha ng babae...

S***. Ex-girlfriend mo.

Parang biglang iniwan ng kaluluwa mo ang katawan mo sa mga sandaling iyon, habang enjoy na enjoy naman ang mga ka-opisina mong nagbubulakbol sa oras ng trabaho. Pinaulit mo mula sa umpisa ang sex video para tignan ang petsa.

"August 13, 2008"

Isa pang s***. Walangya. Isang linggo bago siya nakipag-break sa iyo.

Tumalikod ka na lang at dumerecho ng C.R. sabay suntok sa pader.

"HUTAENA KA!"


**********


Uwian na. Wala ka na namang ibang gagawin kundi umuwi, dahil walang-wala ka na sa mood para gumimik. 6:30 na ng gabi nang makarating ka sa terminal ng tricycle. Sumakay ka sa kakarag-karag na tricycle nang nanlulumo.

Habang binabaybay ninyo ng tricycle driver ang subdivision papunta sa inyong bahay, may mga nadaanan kayong mga paslit na naglalaro sa kalsada. Bumusina si Manong Driver dahil nakaharang sila sa daan. EENGK! EENGK!

Nahawi na parang kurtina ang grupo ng mga bata. Pagkalagpas ninyo sa kumpulang iyon, may isang madungis na bata ang "pumakyu" sa iyo. Pakyu, as in "dirty finger". Ayoko nang ii-spell pa sa inggles, napakahalay kasi. Umusok ang tenga mo, at pinara mo ang tricycle. Dahil sa sobrang galit mo, hinabol mo lahat ng bata sa subdivision na iyon. At dahil sa hindi ka pa nagbabayad, hinabol ka rin ng tricycle driver.

Tumatawa ang mga bata habang sumisigaw ng "Hahahaha! Dalian ninyo, andiyan na si Bentong!"

Habang ikaw, galit na galit, nagpupuyos na para bang sinaniban ka ng isang milyong demonyo

"HALIKA DITO, HUTAENA KANG BATA KA!"


**********


Dahil 'di mo nahabol ang bastos na bata, dumerecho ka na lang ng uwi. Pagod na pagod ka, at lawit ang dila mo sa uhaw.

Pagbukas mo ng TV, puro balita na ang palabas. Tapos na ang Naruto. Oo, sa edad mong bente-nuebe e nanonood ka pa rin ng Naruto. Nakakahiya ka, parang ikaw lang ako. Binuksan mo na lang ang computer at nag-browse sa Internet gamit ang Google.

Tap-tap-tap...Naka-type na sa Search Bar ang: "Anger Management". Enter. Tap!

Andaming lumabas na search queries. At dahil sa isang hindi maipaliwanag na pangyayari, clinick mo ang isang link at napapunta ka sa blog entry na ito.

Namula ang mga mata mo sa asar. Parang ikaw na ikaw ang mga naikwento sa article na ito. Bakit ganun? Wala ring silbi, walang naitulong sa iyo ang blog. Asan ba ang tips dito para sa Anger Management? Kailangang-kailangan mo na dahil sasabog ka nang parang dinamita ng Abu Sayaff.

Wala.

Tuluyan nang nasira ang araw mo, at minura mo na rin ang author ng blog na ito:

"Hutaena ka! Kung magsalita ka, parang 'di mo kailangan ng Anger Management!"



-FIN-

Reference:
Anger Management

http://en.wikipedia.org/wiki/Anger_Management

No comments:

Post a Comment