Hehe, andito na tayo sa susunod na installment ng Blog Entry ko na "High School Life" at nandito uli ang inyong abang lingkod para bigyan uli kayo ng seizures sanhi ng pagbabasa ng pagkahaba-habang article-na-nagpapanggap-na-litanya-na-akala-mo-e-konstitusyon-ng-Pilipinas-sa-haba-at-napakaliit-na-ng-scroll-bar-ng-web-browser-mo-dahil-sa-walaaaaaang-saysay-at-walaaaaaang-katapusang-pagkukuwento-ni-SerPol. Whew! Siguro naman sa puntong ito, e na-warningan na kita na hindi basta-basta ang blog ko at hindi ito natatapos sa loob ng limang sentences lang.
Frustrated na Essay Writer yata ito! At sa dami ng laman ng utak ko na naipon noong highschool pa ako, e ngayon ko lang nahanap ang tamang panahon para ibuhos lahat ito (at sa tingin ko e "literal" na utak ang nasa isip mo ngayon).
Pero kung talagang nahahabaan ka sa mga blog entries ko, e ano pang ginagawa mo dito? Aber? Hindi ako namimigay ng libreng load. At hindi rin ako makakapirma ng authograph dito, kaya paki-kontak na lang ang fans club ko para sa detalye kung paano mo ako makaka-daupang palad.
Mama: Hoy! Maghugas ka na ng pinggan!
SerPol: Ha? Teka lang, inay, nagba-blog pa ako. Mamaya na!
--------------------------------------------
Mga Reaksyon
Gusto ko sanang sabihin na nakakuha ako ng isanlibong e-Mails sa Yahoo Mailbox ko at dalawanlibong comments naman sa Plurk at Facebook account tungkol sa nakaraang blog entry ko. Pero para ko na ring sinabing kamag-anak ko si John Lloyd kapag sinabi ko yun (na siyang magpapa-"mura" sa karamihan), kaya aaminin ko na, may DALAWANG tao lang na nagreact sa article kong ito. Isa sa Plurk, at isa sa comments section ng blog site na ito.
Oo, huwag kang mayabang.. Alam kong marami ka ring gustong sabihin kaso tamad ka lang mag-type sa keyboard... HMPH!

Class Picture namin noong highschool
As expected... (Ehek! English yun ah!) naka-relate sila sa kwento ko, lalo na raw yung tungkol sa lovelife ko noong highschool. Hindi ko alam na marami rin palang highschool students ang nabasted at naka-experience ng sitwasyon na "nagkagusto ako sa isang babae pero bestfriend ko din ang kumana". Ayos. Trend na yata yun. Dahil meron lang naman talagang dalawang klase ng tao sa highschool; ang mga matitigas ang mukha, at yung mga walang ibubuga. At kadalasan, yung bestfriend pa nating matigas ang mukha ang type ng mga crush nating matitigas din ang mukha, kaya nakikiramay ako sa daan-daang bata na nadurog ang puso sa paraang ito. Huwag kayong mag-alala, si SerPol ay namulot din ng mga biyak-biyak na piraso ng kanyang puso noon, kaya di kayo nag-iisa. :D
Si SerPol bilang kaibigan
Tapat akong kaibigan noong highschool. Ngayon, hindi na. Biro lang. Meron nga lang mga kaso noon na malakas akong mang-trip kaya pakiramdam nila (ng mga kaibigan ko) e pinaglihi ako sa kumukulong dugo. Iyan ang hindi alam ng karamihan noon. Na makulit din ako at pala-tawa, yun nga lang e kapag kasama ko ang barkada ko.
Kung tatanungin mo ako kung anong klaseng barkada meron ako noon, e masasabi ko sa iyong hindi kami pasaway. 99% akong sigurado diyan. Yung natitirang 1% siguro e ibibigay ko lang dun sa kulitan namin pag kami-kami na lang. Hindi kami katulad nung mga nakakasabay mong barkadahan ng estudyante sa jeep ngayon. na pa-sigaw ang pag-uusap at nagmumurahan pa na akala mo e parang may pot session sa loob ng sinasakyan mong jeep. Hindi rin kami katulad nung mga maaangas ngayon na laging nakabukas ang polo at naglalakad sa gitna ng kalsada na akala mo e BackStreet Boys na nagshu-shooting ng music video. At lalong hindi rin kami yung grupo ng lalake na makikita mong nakikipag-ligawan sa isang grupo din ng babae sa mall, habang nagsusubuan ng cotton candy at nagsisipsipan ng Zagu (mga walang pera!)
Simple lang kame. Kami ang nasa gitna ng mga pasaway at mababait.

Ang ilan sa mga kabarkada ko noong highschool
Pagdating sa trip, wala sa listahan namin ang inuman at billiards. Kapag walang pasok, pupunta lang kami sa bahay ng isang kabarkada para maglaro ng PlayStation. Kapag sira ang PlayStation, pupunta naman kami sa paborito naming computer shop para maglaro ng Counter Strike. Hindi pa masyadong uso ang text messages noon, kaya ang gagawin namin para makumpleto e ganito: pupunta ang isang myembro ng barkada sa bahay ng isa pa. Doon, mag-uusap sila na puntahan din isa-isa ang mga natitira pang miyembro hanggang sa makumpleto na. Parang laro lang sa RPG na nagrerecruit ng team members. Minsan meron ding mga "hidden characters" na hindi mo kaagad ma-recruit dahil kelangan mo pa ng "cheat codes" (Itinatago ng mga nanay dahil GROUNDED. Hehehe) Ayan na naman tayo...nakita na naman tuloy ang pagka-hilig ko sa Bidyo Geyms...
Hindi ko rin naman masasabi na "weirdo" o "nerd" ang mga kaibigan ko noong highschool kung dahil lang sa video games, dahil iba-iba ang personalidad ng mga kabarkada ko. Merong brusko at mahilig sa suntukan (nagii-"sparring" din kami paminsan-minsan, sa maniwala kayo't sa hinde), merong mahilig sa chicks at lahat ng babae e pinapatos, meron ding kengkoy na payaso, merong isang trying hard na singer na laging natatalo sa mga singing contests (hehehe), merong ingglisero at elitista, at meron din isang mahilig mag-drawing na katulad ko.
Hanggang ngayon e hindi ko pa rin alam kung ano ang LCD ng barkada (Least Common Denominator. Math, magpasalamat ka sa akin) at nagkasundu-sundo naman kaming lahat. Malamang, dahil siguro kami yung mga na-"outcast" sanhi ng pamumulitika at monopolya sa highschool noon, na siyang titirahin ko sa susunod na section ng blog entry na ito.
Monopolya, Stereotyping at Pamumulitika
Kung isa ka sa mga "teacher's pet" noon at hindi mo naranasang bumagsak kahit puro itlog ang nakukuha mong iskor sa mga exams, e binabati kita. Isa ka sa mga mamumula ang mukha pagkatapos mong basahin ang parteng ito.
Matindi talaga ang stereotyping sa highschool. Lalo na kung nasa section B o C ka pa. Kulang na lang e lagyan ka ng label o tatak sa noo at ipagsigawan ang sarili mo sa campus na "TAGA-SECTION B AKO! PWEDE NIYO NA AKONG TAWAGING BOBO!" Hindi ka lang "EEEEWWW" sa paningin ng mga kapwa mo estudyante kundi pati na rin sa mga teachers mo.
Pero sabagay, hindi ko naman masisisi kung trip talagang magpaka-elitista ng mga estudyanteng matatalino dahil isang accomplishment nga naman ang mapunta sa "star section". Normal na yun, di na nakakapagtaka. Nasa kanila na ang monopolya. Hindi lang estudyante ang natutuwa kapag napunta siya sa star section kundi pati na rin ang mga adviser nila. Uso kasi sa highschool yung homeroom adviser. Ewan ko lang kung ano ba talaga ang silbi ng pagtambay ng mga titser dun. Naiisip ko minsan tuloy na wala silang cubicle sa faculty room o talagang nadestino silang maging "guardian angel" ng isang section (o pwede ring "guardian devil" kapag tinamaan ng lintik). Kaya naman proud na proud ang mga teachers na naa-assign sa star section dahil puro magagaling ang mga estudyante nila; at ngayon ko lang din narealize kung bakit laging naka-busangot ang class adviser naming bakla tuwing papasok siya sa klase namin. Oo, siya yung teacher namin noon na kinukuwento ko sa inyo na sumisipa ng mga upuan, lamesa at pati na rin ng BLACKBOARD.
Nakakatawa. Subukan niyong i-picture out sa mga utak niyo...Teacher...payat...bakla...hugis bao ang buhok...nanlalalim na mga eyebags...mga matang palaging nakaluwa sa galit...tapos, biglang sisipa sa blackboard! WAPAAKKK! Sabay sigaw ng "Anu ba?! Hende ba kayo tatahemek?!" Wahahahaha! Hindi ko pa rin makalimutan yung araw na yun. Akala ko e "ballet-kick" ang gagawin niya dahil abot-langit na yung roundhouse kick na pinakawalan niya. Kahit siya yata e natawa sa ginawa niyang iyon pagkatapos, dahil sino pa ba naman kasing kangkarot ang sisipa sa pagkataas-taas na blackboard para lang manaway ng estudyante kundi siya. Napatakip na lang ako ng bibig sa pagpipigil ng aking tawa imbes na matakot.
Hindi sa gusto kong tirahin ang mga baklang teachers (uhurm..."tirahin"...as in "shoot", hindi yung, urgh...YAAAAAAAKKKK!) pero sila ang may malalakas na tendency na magkaroon ng teacher's pet sa klase. Dito ko hindi matanggap ang pamumulitika. Kapag meron akong kaklase na mas bobo pa sa akin ng isa't-kalahati na pumapasa palagi samantalang ako e laging iniimbitahan ang mga magulang para sa Parent-Teacher Consultation Day. Kapag may nasisirang bagay sa loob ng classroom at kami lang ang pinapagalitan. Etong mga estudyanteng tinutukoy ko e yung mga malalakas mag-P.R. (Public Relations) o talagang "CUTE" lang para maging teacher's pet. Walang hustisya sa amin noon. Sink or Swim talaga.
Pero bukod sa "teacher's pet", wala nang mas malala pa sa pagpasa ng isang estudyante lalo na kapag kamag-anak siya ng principal, director o ng mismong teacher. Hindi ko na ito idedetalye pa, dahil mas malinaw pa sa bumbunan ng kalbo ang bagay na ito. Kadalasan pa e yung mga Valedictorian at Salutatorian pa ng school na pinapasukan ninyo ang tatamaan dito sa testimonya kong ito.
Pagtatapos
Malapit nang dumating ang araw ng pagtatapos ng mga kapatid nating nasa highschool. At dahil dun, ngayon pa lang, kahit ayaw ninyong maniwala na ga-gradweyt na kayo, e binabati ko na kagad kayo ng CONGRATULATIONS! Sabay-sabay tayong MAGPALAKPAKAN! Eherm, eherm... Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong magbigay ng Valedictorian / Salutatorian speech noon dahil wala nga akong silbi noon. Gagamitin ko na ang pagkakataong ito para ipahayag sa buong mundo ang mensahe ko para sa mga graduating students.
Alam kong marami kayong mami-miss na mga bagay at alam ko rin na mahirap para sa inyo ang lisanin ang paaralan kung saan kayo lumaki at natuto. Kung paano niyo man nakamit ang mga medalya o diploma na yan, sa tama o maling paraan man, e wala na akong kinalaman pa. Ngunit ibibigay ko ang walang-plastik kong pagsaludo sa mga masisipag na estudyante na hindi na kinailangan ang tulong ng mga nakakataas; may medal man o wala. Ito na ang oras ninyo para magsaya at lubusin ang pagiging isang highschool student habang may panahon pa dahil ang highschool life, sa oras na matapos na ito, ay hindi na uli mauulit kailanman.
Lagi ninyong tatandaan na hindi natatapos ang buhay pagkatapos ng highschool, dahil isang panibagong giyera na naman ang haharapin ninyo, at doon, sa kangkungan na tinatawag na "kolehiyo" magkakasukatan ang lahat. Back to zero na uli. Wala nang teacher's pet. Wala nang First, Second at Third Honor. Wala nang monopolya. Wala nang yabangan.
Sana'y nakuha ninyong lahat ang nararapat na edukasyon na pinaghirapan ninyong lahat; kasama ng mga magulang ninyong nabaon sa utang at umiyak sa mga kalokohan ninyo ng apat na taon; para harapin ang buhay kolehiyo. Huwag nating kalimutang pasalamatan ang mga magulang natin dahil kung hindi dahil sa kanila e hindi sana kayo nagpa-praktis ng graduation song at graduation march ngayon. Ang binilot na papel na tinatawag na "diploma" ay huwag nating kalimutang ialay sa kanila: sa ating mga magulang, at pati na rin sa Diyos. Dahil ang kasabihang "ang taong hindi lumingon sa pinanggalingan, ay hindi makakarating sa paroroonan" ay paulit-ulit nang napatunayan ng mga taong nagsawalang-bahala ng kanilang edukasyon. Mga taong nabigo sa buhay, at hindi na uli nakabangon dahil binalewala nila ang
HIGHSCHOOL.
Ulit, Congratulations sa inyong lahat at isusunod ko naman ang mga kapatid nating magtatapos na sa kolehiyo bilang parte ng isang mahabang serye ng buhay-estudyante ni SerPol. Mabuhay kayong lahat.
Inaalay ko itong kantang ito sa lahat ng graduating students ngayon.
Ang kropek na version ng kantang "Highschool Life" ni Sharon Cuneta...
* Si SerPol ay nag-tapos ng highschool sa paaralang Colegio de Santa Rosa de Lima Inc. noong March 2003.