
HAPI NYU YIR!
Haay, tapos na naman ang Pasko. At as usual, parang gusto na namang humingi ng isa pang butas ng aking lumang sinturon, dahil nadagdagan na naman ang aking buto sa tagiliran. Oo, "buto" talaga, ayokong sabihin yung "taba", dahil masakit sa aking kalooban (pero nasabi ko na rin...awts!) Ganito talaga kapag Pasko. Wala nang pasok. Marami pang pagkain. Ansarap talaga ng buhay kapag bakasyon. Kain, tulog, Internet, PSP lang ang algorithm na sinusundan ng katawan mo kaya ang resulta ay isang dambuhalang "ikaw" na tiyak na magpapalaki sa mata ng mga titingin sa iyo next year. At ang kinatatakutan kong linya sa susunod na taon ay:
"HALA, IKAW NA BA YAN?! ANTABA-TABA-TABA-TABA-TABA MO NA!!!"
Aray ko. Sana lang e huwag akong managinip nang gising na bigla akong maging si Pacquiao, at ang nagsabi naman nun ay maging Mayweather (kahit sino dun sa mag-amang Mayweather, parehas lang silang nakaka-inis at kasapak-sapak), kung hindi e baka biglang lumabas si Michael Buffer at sumigaw ng "Let's get ready to rumble!!!"
Pero huwag na nating pag-usapan pa ang aking bilbil, at medyo nag-iinit lang ang ulo ko. Hehe. Biro lang. Medyo matagal-tagal din akong hindi nakapag-sulat ng bagong blog entry dahil nga naging abala ako sa aking pagiging buhay prinsipe kamakailan. Kumbaga, ay inenjoy ko ang buong bakasyon (yun nga lang, e na-enjoy ko iyon nang hindi lumalabas masyado ng bahay, huwag pong tutularan), dahil walang makapag-sasabi kung anong kamalasan na naman ang aabutin ko sa pasukan. Tiyak, maaalala ko na naman ang mababang sweldo at ang mga pasaway na estudyante. Tsk, tsk.
At bilang isang Pinoy, ipapakita ko sa inyo ngayon kung paano gumawa ng isang New Year's Resolution na hindi naman nasusunod. Oo, hindi nasusunod. Dahil sa tantsa ko e mukang wala pang nakaka-sunod sa mga listahan na ginagawa nila tuwing matatapos ang taon. Oo! Pustahan! Kung meron man sa inyo diyan, e pakitaas lang po ang kamay at meron kayong libreng pantasa/pang-tasa (sharpener) at pambura/pang-bura (eraser) mula kay SerPol. At kung medyo naguluhan din kayo sa pronunciation at spelling ng "pambura" at "pantasa" ay malugod ko kayong binabati ng
"CONGRATULATIONS!", katulad nung laging binabanggit nung babae sa Wowowee. Yun nga lang, e wala tayong High Five, at wala kayong "one thousand". (Pasintabi na rin po sa mga mahilig sa "Ba-ba-boom!") Isa kang tunay na Pinoy. Pamali-mali pa rin ang Tagalog.

Ano nga ba ang totoong pangalan ni Ms. Congratulations?
Eniwey, McArthur Highway. Tulad ng lagi kong ginagawa, e iisa-isahin ko na rin para sa inyo ang aking New Year's Resolution. Alam kong medyo nakakasawa na rin 'tong Enumeration-type na ito, pero pag-pasensiyahan niyo na lang ako at kesa naman interbyuhin ko muli ang aking sarili (tsaka na yun, kapag may tsismis na uli).
1.) Kailangan ko nang magpa-payat!
- Oo. Antagal ko nang sinasabi ito. Last year pa, nung nagba-blog pa ako sa Friendster. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin nagagawan ng paraan. Nakakatamad naman kasi. Ang tanging parte lang ng katawan ko na may maskels (muscles) ngayon e ang mga daliri ko. Dahil na rin sa sobrang pag-lalaro ng PSP at DS. Nakapag-gym naman ako nitong taon na ito, pero mga isa o dalawang beses lang. Nahihiya kasi ako pumasok sa gym, lalo na at kapag nakikita kong naka-bungisngis ang mga diyaskeng manong dun habang nakatingin sa tagiliran ko. Minsan iniisip ko na lang na "Sige, tumawa kayo mga gurang. Mas matalino pa rin ako sa inyo!", pero meron talagang parte ng kaluluwa ko na hindi sumasang-ayon at nagsasabi ng:
"Hoy, mahiya ka... Magpapayat ka na... Para ka nang si E. Honda..."
Huwag kang mag-alala, konsensya. Gagawan din natin yan ng paraan...sa takdang panahon.
2.) Bawasan ang pagiging mainitin ang ulo!
- Ah eto. Linsyak! (ay sorry, uminit na naman ang ulo...) Marami na rin ang nagsasabi sa akin nito. Masyado raw akong "high blood" (parang tungkol sa katabaan na naman ito ah). Ewan ko ba, pero nagsimula at natapos yata ang year 2009 na hindi ako nag-ngangalit na parang leon. Minsan din kasi, e kinakailangan ng pagkakataon. Lalo na kapag kausap ko ang isang matalinong-tanga na hindi mo alam kung sasabitan mo ng medal o babangasan mo sa lungs sa sobrang kakulitan. Wala lang. Trip ko lang. Bakit, may angal kayo?! Ha?! Ikaw! Ikaw na nasa tapat ng monitor! Ang gulo mo ha! Para kang buhok sa kili-kili! 'Pag hindi ka tumigil sa kakangisi diyan e pagbabaligtarin ko ang bagang at pangil mo! Arrrrrgggghhh!........ Urk...parang sumakit yata ang dibdib ko...
Masama talaga ito sa kalusugan, kaya babawasan ko na rin ito... sa takdang panahon.
3.) Kelangan ko nang mag-hanap ng mas magandang trabaho at mag-ipon!
- Yeba! Go, SerPol! Kaya mo yan! Andito lang ako para suportahan ang sarili ko! Ay, teka...mali pala. Hehe...
Hindi ko na mahanap ang mga eksaktong salita para i-encourage pa ang sarili kong maghanap ng ibang trabaho bukod sa pagtuturo. Tama nga ang sabi sa akin ng mga guro ko noon. Ang hirap nang umalis sa linyang ito, oras na nagpakain ka dito. Ganyan ang pagtuturo. Kumbaga, e parang tinalikuran mo na rin ang isang malaking bahagi ng sarili mo kapag iniwan mo ang mundo nito.
Kung hindi nga lang kailangan ang pera sa pamumuhay, e bakit ko pa iiwan ang pagtuturo? Dahil sa linyang ito, bibihira ang makikita mong yumaman sa pagtuturo. Wala nga akong co-teacher na naka-bili ng sasakyan nang dahil lang sa pagtuturo. Kahit kariton nga, walang nakabili. Ganun talaga ang buhay namin...walang yumayaman sa pagtuturo.
At nakakasuya yung huling paragraph dahil puro "pagtuturo" ang nasa dulo ng bawat sentence. Puro pagtuturo. Puro pagtuturo! Turo ka nang turo! Turu-turo! Puro ka turo! Mukha ka nang turo... Ehek! Eherm... Kelangan ko na sigurong bumili ng libro ng "Tips on Blogging", masyado na akong repetitive. Kahit si Pot-pot (d' dog) ay nagsasawa na rin.
Pero wala naman akong pambili.
Kelangan ko na rin palang mag-ipon, lalo na at mag-lilimang taon na kami ng aking nobya sa susunod na buwan. Andami nang nag-aabang sa anunsyo namin. Marami nang nagtatanong kung kelan na ba ang kasal. Nakaka-pressure na. Naririnig ko na rin ang mga kampana na dumidingdong. At alam kong delikado na ang mga susunod na taon ng relasyon namin kapag pinalagpas ko pa ito ng limang taon. Maraming pwedeng mangyari, ika nga. Puwede pa akong sulutin nina Anne Curtis at Maria Ozawa, kaya delikado talaga.
Ops...sino si Maria Ozawa? Hindi ko yun kilala. Inosente ako.
Kaya kelangan ko na talagang mag-ipon, tutal nabili ko na naman ang mga layaw na matagal ko nang pinapangarap nung ako'y estudyante pa lamang. Masaya na ako at meron na akong PSP Slim (kahit second-hand lang), Nintendo DS (yung unang model nga lang, yung makapal) at Internet (SmartBROken nga lang) Hindi na ako naghahangad pa ng PS3, Wii, XBox at kung anu-ano pa. Kaya naman at ang mga susunod kong sweldo ay ilalaan ko na lang para sa susunod na "phase" ng aking buhay.
Bilang isang asawa at bilang isang ama.
At matutugunan ko lang yun sa pamamagitan ng paghahanap ng bagong trabaho, simula sa Marso. At gagawin ko lahat para matupad yun... sa takdang panahon.
-------------------------------------------------------
Bagong taon na naman. Bagong buhay. Bagong problema. Bagong adventure.
Maraming pwedeng mangyari sa susunod na taon, kaya hindi masama na gumawa ka ng sarili mong "assignment" o "homework" na isa-submit mo sa iyong sarili pagkatapos ng taon. Isa pa, nagkalat na ang mga propesiya ngayon na malapit na RAW magunaw ang mundo, at kelangan mo nang sumamba kay Naruto para ika'y maligtas. Maaaring kahunghangan ito sa paningin ng nakararami, pero tignan na lang natin ito sa ibang anggulo na hindi tayo mababalisa tungkol sa pagka-gunaw ng mundo.
Maikli lang ang buhay ng tao. Hindi natin alam kung ito na ba ang huling taon natin sa mundong ito. Huwag mo nang intindihin yung napanood mo sa 2012. Kathang isip lang yun. Isipin mo na lang ang mga aksidenteng nagdaan tulad ng bagyong Ondoy at Pepeng, at pati na rin ang Maguindanao Massacre. Morbid ano? Pero ganon talaga. You can never tell, ika nga. Kaya naman at hinahamon ko kayo at ang aking sarili na tuparin ang nasa ating New Year's Resolution bago pa mahuli ang lahat. Ang hindi maka-kumpleto nito, pangit at may anghit! Game!
Happy New Year sa inyong lahat at nawa'y pagpalain tayo ng kaginhawaan at kaligayahan ngayong 2010!
(Advanced Happy New Year na rin sa mga intsik, at huwag niyong kakalimutan ang Tikoy at Hopia ko)