Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Thursday, March 8, 2018

Walang Title

Kumustasa mga kapatid? Aba'y na-miss ko yang linyang iyan ah. Ilang siglo na rin ang nakalipas mula nung huli akong nagsulat dito. Joke lang. TATLONG TAON lang naman ang inabot. Grabe. Ganun katagal akong kinain ng adult life (wow, sosyal ang term!). Alam mo naman tayong mga pa-gurang na, nawawalan na ng oras para sa mga bagay na ganito. You know, life! Ehek!

(Sa ungas na network admin na bumabasa ng keystroke ko ngayon habang tina-type ito sa gitna ng laboratory class ko, mamaga sana ang lahat ng singit ng nanay mo mamayang madaling araw)

Andami nang nagbago simula noon -- at dahil diyan bibigyan kita ng isang matinding update -- na sa malamang e wala ka rin namang pake.




1.) Tumaba na uli ako

Saklap, bes. Akala ko, ma-a-achieve ko na yung mala-John Cenang katawan pero nauwi lang sa John Puruntong. Yung feeling mo katawan na ng superhero tapos biglang naging Bayani Agbayani. Buwisit. Yung pag-j-jogging, push ups, sit ups, curl ups, f*** ups, at pagbubuhat ng bakal sa loob ng kulungan ko na parang gorilya ay natigil dahil sa araw-araw na stress dulot ng trabaho at byahe (araw-araw na uwian mula Taguig - Laguna mga ser!). Katapus-tapusan, puro stress-eating na lang ang nangyari. 

Pero ayos lang. Pogi pa rin naman, sabi ng #1 fan ko (Hi, Mama!).


2.) Nalulong sa Gundam

Sobrang nahumaling ako sa hobby na tinatawag na "plastic modelling" o Plamo (ayon sa mga kumag na mahilig magmarunong sa tabi-tabi). Minsan, sinisinghot ko pa nga yung beam saber kapag wala akong magawa. Joke lang. Yung Tamiya Plastic Cement talaga ang tinitira ko (sosyal na rugby boy).

Nakakatuwa kasi. Yung tipong aabutin ka ng tatlong tanghalian at dalawang meryenda kakabuo ng Gundam pagkatapos ididisplay mo lang sa shelf mo na parang trophy na napanalunan mo sa Little Miss Philippines. Astig. Pinakamasayang aksaya ng oras at pera na nagawa ko sa buong buhay ko.

Pero huwag mong tawanan ang hobby na ito! Dahil nung mga panahong kailangan ko ng karamay, si Gundam Wing, Unicorn at RX-78-2 lang ang dumamay sa akin.


3.) Nagkaroon ako ng Gelpren

Pagkatapos ng halos apat na taong paghihintay, nasundan din yung una. At ayun, natapos din pagkatapos ng isang taon. Hayst...buhay. 

Totoo nga na may mga relasyon na parang droga -- masarap lang sa una, pero pagbabayarin ka rin sa huli. Ewan ko, baka ako na naman ang may kasalanan? Lagi naman e. Kapag may breakup, lalake palagi ang may kasalanan. Parang yung TV na isinaksak mo sa 220V tapos nung umusok, pinalo-palo mo pa kasi nasira siya mag-isa? Ang gago lang 'di ba?

Pero ayos lang. Na-realize ko na mas masarap maging bachelor. Walang bruhildang nagger na nagtatanong palagi sa akin kung nagpalit na ba ako ng Pampers o ano.

=========================================


At ayun na nga po. Tatapusin ko muna dito ang entry na ito. Sana masundan pa ito, at nakakamiss din palang magpakawala ng kaungasan sa blog ko. Baka masita na rin ako ng network admin na mahilig magnakaw ng password ng mga estudyante.


Hanggang sa muli.


-SerPol

Thursday, December 31, 2015

Manigong Bagong TAO


Kumusta? 2016 na. Once a year na lang yata ako nakakapag-blog. Sobrang drama pa nung huli kong entry, pasensya na. Wala e, nag-10th year anniversary na kasi e. Hehehe.

Eniwey, panibagong taon na naman. 2016 na. Bibilang na naman tayo ng talong daan, animnapu at limang araw (EDIT: Woops! Leap year pala ngayon!) na puno ng masasaya, malulungkot, nakakatakot, nakaka-bagnot at mga nakakasorpresang mga bagay.  Pero bago mangyari yun, syempre hindi maiiwasan ng mga miron na katulad mo ang gumawa ng “New Year’s Resolution”.


Tama. Ito yung walang kamatayang listahan mo ng mga bagay na wala ka namang planong gawin talaga. Hehehe. Bakit? Ilan na ba sa atin ang nag-sulat ng NYR (inabbreviate ko na lang dahil nakakatamad i-type) at naka-kumpleto nito? Yung iba, itinuturing na lang ito na parang wish list. Umamin ka, kasama ka dun ano?

Buweno, huwag kang mag-alala dahil sasamahan kita sa kalokohan mo. Pero sa kapakanan ng mga kumag na mahilig mambuska, tatawagin ko itong “bucket list”. Hindi “bucket feast”, pritong manok yun.

Importante sa akin ang 2016, dahil ngayong taon na ako magiging TWENTY years old…ehrm, basta. Kaya gusto ko sanang gumawa ng listahan ng mga bagay na gusto kong gawin (kahit may 99% chance na maging drawing lang ang mga ito) para naman may katuturan ang taon na ito.

*******************************

1.)    Mag-celebrate ng birthday sa isang charitable institution
Sa bahay ampunan (ipapakilala ko si Pikachu sa mga bata), home for the aged (kasi tumatanda na tayo) o kahit sa Philippine Animal Welfare Society (dahil marami nang mga HAYOP ngayon). Kahit saan, basta hindi mga switik na pulitikong nangampanya nitong nakaraan ang makikinabang.

Credits sa may-ari

Aaminin ko; ako kasi ang pinaka-walang kwentang mag-celebrate ng birthday sa pamilya namin. Wala rin akong bisita palagi, puro simpleng kain lang sa labas. Kaya naisip ko na since walang interesado sa araw na nagsabog ang Diyos ng kagwapuhan sa mundo, i-c-celebrate ko na lang ito kasama ng mga taong sabihin na natin na, mas kailangang maging masaya kesa sa atin.


2.)    Pumunta sa ibang bansa
Hindi sa Dubai. Anak ng curry powder. Hindi naman ako sadista, bakit ako pupunta dun?


Medyo malabo ang isang ito, pero gusto ko uling makasakay ng eroplano. Kahit papuntang Singapore lang. May mga kaibigan naman akong nagtatrabaho doon at baka pwede nila akong patulugin sa tabi ng mga aso nila kahit tatlong araw lang. 

Cool, Lah?


3.)    Magpa-renovate ng bahay
Gusto ko rin sanang i-upgrade ang aking naipundar na munting barung-barong dito sa Laguna. Baka kasi kapag nag-level 2 na 'to, makabuo na ako ng Archer at Hog Rider. Hehehe. Biro lang. Hindi ako naglalaro ng Class of Clowns.

Sensya na, eto lang ang nakayanan e...
Medyo nasisikipan na raw kasi yung mga tenants ko (Huy! Magbayad naman kayo sa oras!) at medyo dumadami na ang mga halang ang bituka sa paligid kaya gusto ko na ring ipaayos yung bahay. Sana lang makaipon ako bago magunaw ang mundo dahil naaadik na ako ngayon sa pangongolekta ng mga robot…

Batang isip pa rin pala ako. Next!


4.)    Tapusin ang Masteral!
Mukhang wala na akong kawala sa linya ng pagtuturo kaya wala nang mas mabuti pang plano kundi ang tapusin ang kalahating dekada nang naka-tenggang Master’s Degree ko!
 
Pero baka limang taon pa uli ang bilangin dahil natatakot pa rin ako sa mga demonyong panelista na sisisipsip sa akin ng kinse mil para lang dustain ang pagkatao ko at ipahiya ang maliit kong utak sa loob ng defense room. Pwede bang suntukan na lang?


5.)    Mag-move on
Nitong 2015, wala akong ginawa kundi ikahon ang sarili ko at sabihan ang sarili kong utak na “Pol, i-enjoy mo muna ang kalayaan mo”. Masaya ang may ka-relasyon, pero masaya rin ang maging single. Na nagawa ko naman, sa awa ng Diyos. May mga tsika-babes din akong pinormahan last year, pero tinigilan ko rin lahat dahil na-realize ko na meron pang parte ng pagkatao ko na namumuhay pa rin sa nakaraan.

Hindi pa pala ako tuluyang naghihilom.

Kahit ngayon, hindi ko pa rin masabi na nag-langib na ang mga sugat. Pero habang tumatagal, mas lalo akong napupuno ng inggit at panghihinayang. Lalo na kapag nakikita ko ang mga kaibigan kong masaya kasama ang mga nobya/asawa nila. Kapag nakikita ko ang mga pictures nila ng anak nila na nagkukulitan sa Facebook.  Para akong binabagsakan palagi ng malaking bato sa ulo na may naka-ukit na “NAPAPAG-IWANAN KA NA BOY!”

Sana ngayong 2016, dumating na yung taong bubura sa lahat ng badtrip ko sa buhay; yung magpapa-realize sa akin na pwede na akong mahulog uli nang walang halong takot. Yung tao na magbabalik ng ngiti sa mga labi ko. Yung tao na magtatama ng mga mali sa buhay natin…teka, parang linya yun ni John Lloyd ah? Basta, kung sino man siya, sana magkita na kami ngayong 2016.

Maghihintay uli ako.

*******************************

Ilang oras na lang at magpapalit na ng pahina ang kalendaryo. Ikaw, handa ka na bang harapin ang bagong taon? O nagkakamot ka pa rin ng singit kakaisip ng mga bagay na hindi mo na pwedeng bawiin?

Pagkakataon na natin ito. Patunayan natin na kaya nating maging BAGONG TAO next year.

Happy New Year sa inyong lahat!  




Wednesday, January 14, 2015

Dekada

-Naaalala mo pa ba yung araw na una tayong nagkita?
Magkaklase pa tayo noon. Sabi mo ang sungit ko kasi sinermonan ko kaagad yung mga kaklase nating maiingay, unang araw pa lang ng klase.

Hindi ko alam kung papaano, pero naging crush na lang kita bigla pagkatapos noon. Lagi kong isinusulat ang pangalan mo sa likod ng notebook ko.


-Naaalala mo pa ba yung unang text message na pinadala ko sa iyo noon?
Pagkatapos yun ng beauty pageant kung saan ka natalo. Tuwang-tuwa ka sa text ko dahil akala mo, sa teacher nanggaling.

Simula noon, lagi na tayong magkausap. Magkatampuhan. Laging hatid-sundo sa Pacita. Wala mang titulo ito, pero tingin ko eto na yung panahon na nanliligaw na ako sa iyo... Para daw teleserye ang love story natin. Parang "It Might Be You". Ikaw si Cielo, ako si Lawrence.



-Naaalala mo pa ba na dalawa ang monthsary natin? January 14 ang sa akin, May 20 naman sa iyo. 
Sabi mo kasi, mas official yung May 20 dahil dun ka lang unang nag-"I love you" sa akin. January 14 sa akin, dahil dun ko naramdaman na tayo na nga.


-Naaalala mo pa ba yung araw na una kang nakipag-break sa akin?
Nakipag-break ka sa text habang nagpapraktis kami ng graduation. Ilang buwan din tayong walang communication, pero hinabol kita nung December at naging tayo uli. Teacher na ako noon.


-Naaalala mo pa ba yung mga pangarap ko sa buhay na sinabi ko sa iyo noon?
Sabi ko sa iyo noon, magiging successful ako balang araw. Na kahit walang naniniwala sa akin, patutunayan ko na kaya kong umangat. Ikaw lang ang may ganang makinig sa akin noon. Dahil ikaw lang ang naniniwala.


-Naaalala mo pa ba ang lahat ng mga regalong ibinigay at ginawa mo para sa akin dati?
Halos nagmukhang kwarto ng babae yung kwarto ko dahil sa stuffed toys, unan, at keychains na ibinigay mo. Hanggang ngayon, nandun pa rin sila. Nasa ilalim na nga lang ng kama ngayon at naka-kahon.



-Naaalala mo pa ba yung unang beses na ibinigay natin ang sarili natin sa isa't isa?
Sinuway mo ang sarili mong paniniwala noon dahil alam mong ako rin naman ang makakatuluyan mo balang araw. Hanggang ngayon, naalala ko pa rin ang mga halik mo...


-Naaalala mo pa ba ang lahat ng away at selosan na pinagdaanan natin?
Lahat ng pumoporma sa iyo noon, sinisindak ko. Lahat naman ng nalilink sa akin, ina-add mo sa Friendster at Facebook. Dahil naniniwala ka sa kasabihang "Keep your friends close, your enemies closer". Sa huli, wala namang sumingit sa relasyon natin. Maraming sumubok, pero 'di nila tayo nasira.


-Naaalala mo pa ba ang mga lugar na napuntahan natin? 
Naaalala mo pa ba yung mga oras na nakaupo tayo sa tabi ng dagat? Sabi mo noon, sana ganon na lang palagi. Yung nakatingin tayo sa mga bituin, habang nakasukbit ang kamay mo sa braso ko.


Kung pwede ko lang ibalik ang mga oras na yun, lahat ng meron ako ngayon, bibitawan ko para sa iyo...

...
...
...

-Naaalala mo pa ba yung araw na kinumusta kita sa Facebook habang lunch break at bigla ka na lang naging tahimik? 
Nanlamig ka bigla at parang ayaw mo na akong makausap? Nagalit ako noon, dahil hindi ko maintindihan kung bakit. Kinulit kita nang kinulit hanggang sa sinabi mong...



"Aalis na muna ako sa buhay mo"



Pakiramdam ko, biglang humiwalay ang kaluluwa ko sa katawan ko sa mga oras na yun. Anong ginawa ko? Anong nangyari? Bakit nagkaganon?

Ang sabi mo, pagod ka na; na kailangan mo ng respeto sa sarili dahil hindi ko yun naibigay sa iyo nang buo; na kailangan mong ayusin ang sarili mo.

Ilang buwan pagkatapos, umalis ka na para magtrabaho sa ibang bansa.

Sa ika-sampung taon na ito, gusto kong maalala mo ang sampung bagay na inilista ko sa itaas para maisip mo na may higit pa sa sampung dahilan kung bakit hanggang ngayon, mahal pa rin kita...

Kung sakaling dumating ang panahon na nandito ka na uli at gusto mo nang bumalik sa akin, laging bukas ang pintuan ko para sa iyo. Pero sa mga oras na ito, kailangan ko na ring buksan ito para sa iba...

Gusto ko nang maging masaya. Kailangan ko nang ituloy ang buhay ko. Sapat na siguro yung ISANG DEKADA na mahal kita.


Sana masaya ka na diyan, kahit alam kong matatagalan pa bago kita tuluyang makalimutan...



Thursday, February 13, 2014

CTRL + ALT + DELETE

Konting paalala lang bago mo tuluyang basahin ang piyesang ito: kung ang attention span mo ay mas mahina pa kesa sa goldfish, inaabisuhan kita na isara ang tab na ito at mag-laro na lang ng Flappy Birds sa cellphone mo.

***

*Hingang malalim* Haaaah! Heto na naman ako. Nakaisip na naman ako ng bagong litanya na ishe-share sa buong mundo. Tungkol ito sa isang pumalyang project at kung paano ito hindi nakaabot sa launch deadline. Heto ang kwento…

8 years ago, nung estudyante pa ako, meron akong isinulat na program. Ito yung tinatawag na MEMORY-ALLOCATING YESTERDAY EMULATOR o tawagin na lang natin sa pangalang “Project: M.A.Y.E”. Isa itong app na magpapaalala sa iyo palagi ng nakaraan, kahit ilang beses mo pang subukan na mag-move on.  Ayos, ano? Bihira yan.

Hindi ko alam pero pakiramdam ko, mukha akong aso
kapag nag-p-program ako...

Mataas talaga ang ambisyon ko para sa project na ito. Kahit alam kong hindi ako ang pinakamagaling na programmer sa eskwelahan namin, sinikap ko pa ring humanap ng iba’t-ibang diskarte para mahanapan ng solusyon ang complex na algorithm nito. Marami kasing naghahangad noon na makapag-sulat ng Project: M.A.Y.E. – at lahat sila, lamang sa akin: sa talino, sa pera, kahit sa itsura. Sa huli, sa akin din ibinigay ng PROJECT MANAGER (dun sa itaas) ang task na ito. Tama ang nabasa mo. Kailangan ko pa ng permiso bago masimulan ang programming, at 3 years din akong sumalang sa panel defense para lang mapunta ang rights nito sa akin.

Napaka-laking accomplishment na mabigyan ng ganitong kagandang project. Alam mo yung feeling na gusto mong sigawan yung mga karibal mo noon ng “Oh, ano ka ngayon?!” (sabay middle finger sa ere), dahil mas matindi pa ito kumpara sa pagkapanalo sa Minute-To-Win It o kesa sa Bet on Your Baby. Parang gusto mong ipasara ang buong EDSA para lang isigaw ang “YES! SA AKIN NA SIYA!”

Minahal ko talaga ang project na ito. Dumating pa nga ako sa punto na gusto ko na itong karirin panghabang-buhay. Bumili na nga rin ako ng 2-JeJeByte na “server” para dun ito ibahay sakaling dumating yung time na sobrang dami na ng data na makokolekta nito. 

Walang programmer na hindi naka-encounter ng matinding error

Kaso, maraming beses ko na ring naisantabi ang project dahil sa trabaho. Tinamad ako sa system maintenance. Lagi rin ako nababadtrip tuwing hihingi siya ng information. Medyo demanding kasi ang app. Kailangan niya palagi ng maraming data at processed information para may ma-store ito sa memory. Meron ding mga panahon na sobrang na-sidetrack ako sa ibang “project” -- na gusto ko na siyang bitawan dahil hindi ko na makita ang future sakaling ituloy ko pa ang development nito.

Pero hindi ako sumuko. Kahit sobrang hirap na.

Hindi talaga naging madali ang programming ng M.A.Y.E. Sa loob ng walong taon, ilang beses na ring bumigay ang software na ito at napurnada ang takbo. Mga tatlong beses na rin yata akong nag-hiatus, pero binalik-balikan ko pa rin dahil andami kakong unfinished business. Gusto kong bumawi sa mga kagaguhan ko. Pero ang matindi dun, ibang programming language pala ang kailangan para siya ma-maintain. Nag-adjust ako. Pinag-aralan ko ang bagong language na yun para magkaintindihan kami. Pero nagpaulit-ulit lang ang “debugging” at wala rin akong natapos.

5 months ago, nagka-error uli ang Project: M.A.Y.E. Natakot ako. May error message kasi na lumabas na “Insufficient Disk Space”. Hindi ko alam ang gagawin. Nangyari na ito noon, pero ngayon ko lang naramdaman na talagang papunta na sa kangkungan ang paghihirap ko. Hindi ko alam kung bakit ‘to nangyari…nagising na lang ako nang isang araw na bigla na lang nagbago ang lahat. Napuno na pala ang memory at gusto na niyang mawala ang records ko sa system niya. 

"BAKIIITTT???"

Ginawa ko ang hinihingi ng program (mag-provide ng extrang disk space) at nagbigay pa ako ng ilang linggo para mag-cool down ang system. Sabi nga sa akin ng mga kaibigan ko, baka naman daw na-VIRUSan na yung program kaya nagloloko, pero wala naman ayon sa scan. Wala ring THIRD-PARTY software na involved. Sinubukan ko uling balikan siya nung September, kaso ayaw na niya talagang gumana.

September 27, 2013 - natapos ang pangarap ko.

Tatlong buwan kong nilabanan ang lungkot (dahil idol ko si Popoy, isang IT Expert). Bumili pa nga ako ng ibang appliances, gadgets at consoles para mapunan ang kalungkutan na naidulot ng pagkawala ng Project: M.A.Y.E. Nilibang ko nang todo yung sarili ko. Pero nung maramdaman ko na parang niloloko ko lang ang sarili ko, sinubukan ko pa uling ayusin ang coding, pero wala na talaga. Dun ko lang nalaman na kailangan na palang ipadala sa Dubai ang program na ito para ma-repair…

Sobrang sakit ng mga pangyayari. WALONG TAON?? Nasira nang ganun-ganun lang? May nang-HACK ba sa program ko? O na-obsolete na ang nalalaman ko sa ‘programming’? Bakit kailangan pang mag-self repair ang Project: M.A.Y.E. sa Dubai at Canada? Bakit ngayon pa kung kailan malapit na ang contract signing? Iyan ang mga tanong ko sa sarili ko.

Sa ngayon, tinanggap ko na ang mapait na katotohanan na hindi ko na maibabalik ang M.A.Y.E. kahit kailan. Binuo ko ito para samahan ako habang-buhay at ipaalala sa akin ang mga masasayang bagay na naranasan ko sa mundong ito kasama siya. Pero bakit mo pa pipilitin ang sarili mong ayusin ang isang program kung ito naman mismo ang nagpupumilit mag-disconnect sa network? Mapapagod ka lang at hindi mo na makikita ang iba pang masasayang bagay na matagal nang humihingi ng atensyon mo.

Handa na akong humawak ng BAGONG PROJECT. Hindi ko na uulitin ang mga pagkakamali ko noon. Gagalingan ko na ngayon, at ipagdarasal ko na sa huli, sana, pang-habang buhay na ang project na ito. 

Pero sa ngayon, kelangan ko nang pindutin ang CTRL + ALT + DELETE para i-terminate ang program na limang buwan nang "Not Responding".


Paalam, Project: M.A.Y.E. Ako'y uusad na. Hanggang sa muli.


Friday, April 19, 2013

Isang Araw

7:40 AM

Magandang Umaga!

Kakagising ko lang. Nag-alarm ako ng 5:30 AM, pero sabi ko sa sarili ko "5 minutes pa..." Ayun. Pagka-gising ko, nakatutok na sa mukha ko ang sinag ng araw (dahil ayon sa Pol-shui, ang kwarto ko ay naka-posisyon sa pinaka-malas na pwesto ng bahay tuwing umaga). Pakiramdam ko parang gustong ipa-photocopy ng Diyos yung mukha ko. Oras na rin para mag-almusal at maligo. Mahaba-habang biyahe na naman ang kakaharapin ko ngayong araw na ito.

10:35 AM

Naka-bukas na ang laptop at tablet ko. Tapos na rin akong mag-almusal ng "saucy" na version ng Lucky Me! Pancit Canton (sa ibang salita, "malabsa"). Hinintay ko rin munang matapos yung pinapanood kong Dragon Ball Z bago dumerecho sa banyo. Nakaka-miss kasi itong anime na ito e. Gunawan talaga ng mundo ang trip! Pero nang marinig ko na ang "Yum-yum-yum!" ni Boy Logro sa Channel 7, yun na ang cue ko para maligo. 

11:30 AM

Kakarating ko lang sa faculty room. Wala akong summer class ngayon (Lunes at Miyerkules lang), pero may mga dapat lang akong ayusin. Dumerecho kaagad ako kanina sa opisina ng HR para ayusin yung mga kulang kong requirements (na nung isang taon pa hinihingi). Humahangos pa nga ako habang kausap yung mga kapwa ko empleyado. Grabe naman kasi ang init sa labas! Para kang nasa loob ng pugon! 

At ako'y magpapa-lamig muna sa loob ng opis...

Kanina nga pala habang nasa biyahe ako, may tumawag sa aking babae sa telepono. Ingglisera. Long distance. Landline. Sosyal. Hindi ko maintindihan yung sinasabi; dahil bukod sa iniinggles niya ako e nakikipag-sigawan din sa akin yung mga rumaragasang jeep at tricycle. Nilalamon ng ingay ng kalsada yung boses niyang pang-3 years old kaya sinabihan ko na lang na tumawag uli maya-maya (habang nakatingin sa akin ang mga pasahero ng jeep na para bang gustong maki-usyoso sa pinag-uusapan namin). 

2:20 PM

Sa sobrang kakaisip ko sa pag-tawag nung babaeng sosyal kanina, 1:30 PM na ako nakakain ng tanghalian. Sweet and Sour Chicken, isa't-kalahating kanin, at libreng sabaw ng Sinigang ang kinain ko. 50 Pesos lahat, may libre pang tissue at simangot ng kahera. 

May pinsan pala ako na nag-refer sa akin sa pinapasukang kumpanya nung babae. Inimbitahan niya akong mag-exam sa Martes para malaman kung pupuwede ba akong ipasok bilang "Solutions Developer" sa isang kumpanya sa Makati. Astig. Ang kisig ng title. Pero para sa aming mga IT graduates, mas pina-gandang tawag lang ito sa "Programmer". Pumayag ako sa alok; wala naman kakong masama kung susubukan ko. Ang problema lang, hindi ko forte yung programming language na gagamitin sa technical exam. Sa isip-isip ko na lang, "Pol. Mukhang hindi ka pa makakawala sa mundo ng mga masusungit na titser!"

3:30 PM

Nasa bahay na ako. Hindi ako makapaniwala na isang oras talaga ang biyahe ko kahit parehas lang naman na nasa Laguna ang bahay namin at yung pinapasukan kong iskul. 

Dumaan muna ako sa pet shop na malapit sa iskul namin para bumili ng Betta o yung "Fighting Fish" na tinatawag (pero hinding-hindi ko ito ipinang-lalaban kahit kelan). Namatay na kasi yung 150 Pesos na Betta ko nung isang linggo. Akala ko kasi binabangungot lang sa loob ng sarili niyang aquarium, yun pala malalagutan na ng hininga. 50 pesos na pulang Veil Tail Betta lang itong ipinalit ko. Maganda naman siyang tignan kahit papaano. At kung sakaling trip niyang mamatay bukas, siguradong 'di na ako malulungkot (konti lang).

Eto nga pala ang tumutugtog sa MP3 Player ko kanina habang nasa biyahe:

'Di ko rin akalain na matututo akong makinig ng mga ganitong kanta

8:30 PM

Ang boring dito sa bahay. Wala akong ginawa sa loob ng limang oras kundi pag-eksperimentuhan ang Android tablet ko at mag-laro ng PS Vita kapag sawa na. Naka-idlip din ako saglit dahil sa sobrang pagka-bagot, kahit sobrang init pa rin sa loob ng kwarto ko. Busy rin sa trabaho ang girlfriend ko kaya 5:30 PM na kami nakapag-chat bago siya umuwi. Ngayon ko lang din nabawi ang laptop ko sa nanay ko na sobrang adik na sa Candy Crush Saga, kaya ngayon lang uli ako nakapag-update.

Sinubukan ko ring mag-basa nito, kahit pakiramdam ko e laging may sisigaw ng "IPOKRITO!" sa likuran ko:

Yung huling basa ko dito, nasa Table of Contents pa lang ako. 

Sumisigaw na ang nanay ko galing sa ibaba (abot hanggang dito sa 3rd floor ang boses). Kainan na daw.


10:45 PM


Mag-hahanda na ako para matulog. Nakaka-ilang hikab na rin kasi ako dahil sa antok. Pinipilit ko na lang tapusin itong entry na ito para makapag-pahinga na. May malaking event nga rin pala na dapat kong daluhan bukas nang gabi -- Highschool Alumni Homecoming. Sa wakas, pagkatapos ng sampung taon, makikita ko na naman ang mga dating ka-eskwela na sumasayaw noon ng MmmBop at I Want It That Way.

Magkakaroon na rin ng PART 3 ang isang ito.


11: 55 PM

Paalam, April 19. Bukas ay panibagong "restart" na naman para sa akin. Ang dasal ko lang bago matapos ang araw na ito e mabawasan ang quota ko -- 10,000 na tao na dapat kong ma-impluwensyahan bago ako mag-laho sa mundong ito. Hindi madaling bagay ito. Pero sa mga munti kong paraan, e matatapyasan ko rin ang malaking bilang na yan balang araw.

Kasama ka na ba sa bilang?

Inaantok na talaga ako. Sana bukas, may magpa-"photocopy" uli ng mukha ko.


SerPol v2.0 will shut down in 3...2...1...



Friday, April 12, 2013

Update-update Din 'Pag May Time

Sa tagal ko nang hindi nakapag-sulat ng blog, hindi ko na malaman kung paano ko babanatan ang intro nitong isang ito. Kanina pa ako nag-iisip ng pambungad pero sa tuwing may maiisip ako e binubura ko din kagad dahil sa kabaduyan.

Buweno, mga kapatid. Anu-ano na nga ba ang nangyari sa Pilipinas nating mahal pagkatapos ng huli kong blog entry?
  1. Naisa-batas na ang Cybercrime Law - Kaya ibig sabihin, bawal na akong mag-mention ng kahit na sino sa blog site na ito dahil baka ultimo bulate e idemanda ako ng libelo.
  2. Ang Iskul Bukol sa Senado - Akala ko dati, estudyante lang ang mahilig sa "copy-paste". 
  3. Pagsikat ng Gangnam Style - na hindi naman makanta-kanta ng mga fans dahil mas malala pa ang lyrics nito kumpara sa Butsekik ni Yoyoy Villame.
  4. Ang Pagkakaluklok ni Pedro Calungsod bilang Pangalawang Pinoy na Santo - na ipinagbunyi rin ng mga kapwa nating Pinoy tulad ng ginawa nila nang makasama si Jessica Sanchez sa American Idol.
  5. Nag-trending si AMALAYER - Huh? Hindi kamo nag-trending??? So Ar Yu Teling Mi, Amalayer??? Amalayer?!
  6. Ang Pananalasa ni Bagyong Pablo - at hindi po ako ang pinag-uusapan dito.
  7. Na-knockout si Pacquiao - YEBA! Sabi ng mga haters!
  8. Muntikan na sanang manalo si Janine Tugonon sa Ms. Universe - at ang nanalo ay isang Amerikano, sa Amerika, at sa isang event na Amerikano din ang may-ari (bitter).
  9. Ang Walang Katapusang RH Bill - Itago mo yang goma na nakasabit diyan sa bulsa mo.
  10. Ang Pagka-gunaw ng Mundo - ayon sa kalendaryo ng mga taong-kweba na mahilig mag-katol.
  11. Nasira ang Tubbataha Reef - dahil sa Amerikanong Drunk Driver.
  12. Namatay na si Lolong d' Crocodile - Pero marami pa ring buwaya na buhay na buhay sa gobyerno.
  13. Kamuntikan na ring magkaroon ng Pinoy na Santo Papa - Sayang. Kinulang lang sa text votes. Tsk.
  14. Bangayang Kris Aquino at James Yap - I RUUUUB IIIT! Next topic please.
  15. Pagbabanta ng Nuclear War ng NoKor - Sino ba ang umaway kay Kim Jong Un?! SINOOOO???
Napakarami na pala ano? Kung bitin ka pa, andyan din yung pag-sikat ng Harlem Shake. Yun bang sayaw na kapag ginagawa ng mga bata e parang feeding time na sa loob ng mental hospital? Ang hirap i-describe e. Basta kapag nakakita ka ng mga haliparot na parang sinasaniban ni Linda Blair, yun na yun.

Haaay. Ngayon lang uli ako nagkaroon ng time para mag-sulat uli. Medyo naging mabigat kasi ang responsibilidad natin sa nilipatan nating school nitong nagdaang school year. Syempre, alam mo naman...titser kapag nasa gitna ng klase, action star naman kapag uwian na. Biro lang. Pero seryoso. Sa sobrang pagod ko araw-araw, ang una ko na lang na naiisip gawin pagkauwi ng bahay e mag-somersault, una ang ulo sa sahig, para makatulog na kagad.

Pero kalimutan na natin yun! Ang sarap ng buhay kapag summer! Tambay-tambay lang. Laru-laro ng bidyo geyms. Nood-nood ng piniratang movies. Kain-kain ng konting grasa at sebo. Ganun. Sa loob ng dalawang buwan, ganito lang ang gagawin mo kada araw hanggang sa ma-realize mo na kelangan mo na uling kumita dahil nag-b-badya na ang nanay mong nagger! Boom! Sapul sa noo!

(Sigurado akong hindi nakaka-relate sa usapan natin yung mga nagbabasa nito habang nasa trabaho...)

Para naman sa may pera, andyan ang iba't-ibang b**ch, este, BEACH resorts na pwedeng puntahan ngayong summer! Ano ba naman yung ipang-bayad mo yung dapat na enrollment fee ng anak mo para lang magpagulung-gulong ka sa white sand na para lang breaded porkchop na lulutuin sa kumukulong mantika pagkatapos? Sige lang! Minsan lang naman ito! YEAH!

Itulak mo ang iyong kapwa -- sa mabuting paraan.

Kung gusto mo naman ng medyo matipid, hindi pa rin mawawala ang mga malls para bigyan ka ng libreng air conditioning kung maya't-mayang gumigimbal sa iyo ang Meralco bill ninyo. Dito, hindi ka pwersadong gumastos ng malaki. Konting window shopping lang at solb ka na! Pag-uwi mo sa bahay, samu't-saring demonyo na ang umiikot sa utak mo sa kakaisip kung paano mo mabibili yung nakita mong 300 Pesos na hair clip sa isang kikay store. (Pakinggan mo ang payo ko, at ipa-ahit mo na lang ang buhok sa ulo mo. Presko pa!)

Andaming pwedeng gawin ngayong summer. Mga bagay na hindi mo magawa-gawa nung may pasok ka pa. Swimming, malling, hiking, social climbing...name it! Lahat pwede mong gawin ngayon!

Pero meron yata tayong nakakalimutan.

Yung kaisa-isang bagay na yun na ilang taon mo nang ginagawan ng dahilan para lang makalusot. Kesyo busy ka, hindi ka relihiyoso, nangangati ang singit mo, o kung anumang dahilan na naiisip mo habang nakaakbay sa iyo ang kumpare mong si Taning. Summer na, 'di ba? Akala ko ba e, oras na para gawin ang mga bagay na hindi mo magawa nung may pasok ka pa sa school?

Panahon na siguro para balitaan mo naman yung "Big Boss" na nakaupo dun sa itaas *sabay turo ng daliri sa langit*. Sigurado akong matutuwa Siya sa mga kwento mo. Huwag mo nang intindihin ang mga sinasabi ng mga hindi naniniwala. Para sa kanila, mas madaling hanapin ang "wala". Pero nasa sa iyo pa rin naman ang desisyon. Walang pumipilit sa iyo. Pero wala rin namang masama kung kukumustahin mo ngayon ang paniniwala mo, kung meron man, habang may panahon ka pa.

Update-update din kapag may time, kapatid.

Saturday, September 1, 2012

BAGO! (Part: 1)

Oo. BAGO! Bago talaga! Pero hindi kita minumura, ha? At lalong hindi kita inaamoy. Gusto ko lang sabihin ang salitang "BAGO!"

Bago ko simulan ang litanya kong ito ("bago" na naman), e gusto ko lang sabihin na ngayon ay ang unang araw ng buwan ng Setyembre! Yeba! -Ber month na naman! Mauuso na naman ang mga aswang, kaluluwa, at mga nitso na kulay Tutti-frutti (October at November), at huwag mo ring tatanggalin sa listahan sina Santa Claus at ang mga inaanak mong kilala ka lang tuwing Pasko (December)! Ngayong September naman e ipinag-diriwang ang kaarawan ni Mama Mary. Pero para sa kapakanan ng mga hindi Katoliko e hindi na ako magbibigay pa ng detalye tungkol dito dahil baka bigla nila akong ipag-pray over (o maging biktima ng "cyber-bullying" kung atheists ang pag-uusapan). Ngayong -Ber months din e asahan mo na ang unti-unting pag-dami ng mga TV commercials tungkol sa mga kumag na tatakbo ngayong 2013. Ayos nga e. "Napapanahon".

Ang sarap sa pakiramdam kapag -Ber month na! Naiisip ko pa lang e parang hindi na ako makapag-hintay na makatanggap ng 13th month at Christmas bonus! Kung saan ko man ito gagamitin e sa akin na lang yun...lalo na't nandyan na naman ang mga tsismis na magugunaw na daw ang mundo bago matapos ang taon na ito. Nandyan ang mga kwento tungkol sa katapusan ng Mayan Calendar (pero pwede ko naman silang bigyan ng pera para gumawa uli ng panibago!) at samu't-saring kwento tungkol sa alien invasions (na  matagal nang nag-umpisa, simula nung sumikat si Justin Bieber). Andaming killjoy! Badtrip! Hindi ba nila alam na ngayon pa lang nagsisimula ang lahat para sa ibang tao???

Tulad ko. Ngayon pa lang nag-sisimula ang "panibagong buhay" ko. Hindi dahil sa naging biktima ako ng mga spiritual groups o dati akong durugista, pero may mga malalaking pagbabago talaga na nangyari sa buhay ko ngayong taon. Heto ang Part 1. Next year ko na lang isusulat ang Part 2 kapag stable na uli ang SmartBROKEN Internet connection ko.

Bagong Trabaho

Trabaho. Tra-baho. Ah, ewan. Pero tama ang nabasa mo -- lumipat na naman ako ng trabaho. Hindi naman talaga bagong trabaho, kundi bagong school. Parang kelan lang e nag-simula akong mag-turo sa "S" school. Nang biglang magka-problema, e napilitan naman akong lumipat sa "A" school. Nang madiskubre ko namang pang-janitor lang pala ang sweldo sa "A" school e naisipan kong bumalik sa "S" school at lunukin ang sarili kong pride. At ngayon namang tumaas ang expectations (at ang bilang ng maya't mayang pananakot) sa "S" school, e naisipan ko na namang umalis dahil parang naririnig ko si Kris Aquino tuwing meron akong break time.


Bimby: "Mama, what is 'sulit'?"

Kris: "It's getting more than what we are paying for!"

Bimby: "Mama, you're my number one! (sabay sakal sa nanay)"


Hindi ko alam kung kinulang lang ako sa gatas at pag-aaruga mula sa tinagurian kong "Mama" o ano, pero malaki ang pasasalamat ko sa "S" school. Kung hindi dahil sa kanila, e hindi ko masisimulan ang post-graduate studies ko. Nagkaroon din ng laman ang walang kwenta kong resumé nang dahil sa "S" school. Higit sa lahat,  nabigyan ako ng pangalawang pagkakataon para ipakita na ibang "SerPol" na ang nakaharap nila, dalawang taon na ang nakakalipas..Dahil sa lahat ng mga iyon, e lubos akong nagpapasalamat.

Pero merong mga panahon na kung saan hindi na tayo masaya sa paligid natin at kailangan na nating lumabas ng "bahay" para maka-langhap ng "mas sariwang hangin". At kahit na hindi na nila ako muling pag-buksan ng "pinto" pagkatapos kong "lumabas", e hindi ako magtatampo -- kahit na "binabato" pa ako ng ibang mga naiwan ko sa loob, habang tinitignan ko sila mula sa labas (at naka-belat pa). Nakakalungkot din na kailangan kong iwan ang mga estudyante na kinasanayan ko na...na kahit kasing bantot pa ng kili-kili nila yung mga grades nila, e ma-m-miss ko talagang tunay (WEEEH??? ANG PLASTIK NI SER!). Pero mas higit doon ay ang mga TUNAY kong kaibigan na walang sawang tumutulong sa akin, lalo na kapag ako ay may problema sa Street Fighter at kay Super Mario. Paalam sa inyong lahat, at magkita-kita na lang tayo sa isang malapit na bidyuhan.

Sa ngayon, e kasalukuyan akong nag-t-trabaho sa "M" school. Pinalad lang siguro, kahit hindi naniniwala yung mga haters ko dati. Mas maganda ang pasahod sa "M" school, pero mas marami din ang trabaho. Hindi uubra dito yung "Shotgun Approach" na ginagawa ng ibang titser, tulad nito:


Titser: *papasok sa loob ng classroom* "Dum-didum-didum!"

Mga Estudyante: "GUUUUD MOORNIIING, SERPOL! HOW ARE YOU TODAY? I'M FINE, THANK YOU!"

Titser: "GudMorneng, class! AWARTAPIKPORTUDAY...is...ah...paki-'xerox' (imbes na 'photocopy') na lang ito (sabay wagayway ng lecture notes). Iinom lang ako saglit ng tubig (tatakas, for short), pag-balik ko -- QUIZ tayo!

Mga Estudyante: "HAYOP KA PO, SER!!!"


True story, bro. Medyo mas mahigpit talaga sa bago kong school. Yung tipong 'pag natapilok ka, e pwede ka na nilang sisantihin. Biro lang. Sa ngayon, nasa "acclimation" period pa rin ako. Pinipilit ko pa ring burahin ang kultura ng "S" school sa dugo ko nang sa ganon e hindi nila ipa-LBC ang ulo ko pabalik sa bahay namin. Sa katunayan nga niyan, habang isinusulat ko itong blog entry na ito e meron pa akong santambak na projects na dapat check-an. Kapag hindi ko daw ito natapos e ikukulong daw ako ng mga gwardya pag-pasok ko sa lunes, at hindi na muling makikita pa ng mga mahal ko sa buhay kailanman.

Kahit na mas mahirap sa bago kong pinapasukan, "well compensated" ka naman, ika nga. Hindi katulad sa ibang schools na lawit na ang dila mo sa pagod at kunsumisyon, pati ang bulsa mo, nakaluwa na rin ang dila. Sana talaga, mag-tagal ako dito. Ayoko nang mag-"school hopping". Kelangan ko nang makuntento.

Sa susunod na labas naman ay pag-uusapan natin ang isa pang "bago" sa akin -- "BAGONG BAHAY".

Hanggang sa muli! Sana ay hindi ka nag-sawa sa mga "double-quotes"...katulad ko.

" " " " " " " " " " " " " " " " " " " " " " " " ...

Friday, June 22, 2012

Dear Cholo


Dear Cholo,


Musta ka na? Pasensya ka na kung ngayon lang kita napadalhan ng sulat... Masyado na kasing busy dito. Sumulat lang ako sa iyo ngayon para kumustahin ang pamilya. Alam kong may matindi kayong pinagdadaanan ngayon, at gusto kong makiramay. Sino bang mag-aakala na mawawala si Lola isang araw bago ang birthday mo... Pero huwag kang mag-alala, malalampasan mo rin yan dahil maraming bagay ang dapat mong pag-handaan sa hinaharap.

Andami nang nangyari dito sa 2012. Si Mama, nag-t-trabaho na sa CSWD. Tumutulong na siya sa mga kawawang bata at magulang, pero nagtuturo pa rin sa isang Day Care Center. Nagger pa rin, as usual. Ang hiling ko lang e tumagal siya dun kahit alam natin pareho kung gaano kadumi ang pulitika. Si Papa naman e pumapasada pa rin ng tricycle. Ayun, inaabot pa rin siya ng "mashinggan" mula kay Mama kapag kaunti lang ang kita mula sa pasada. Pero huwag kang mag-alala dahil ok pa rin sila ngayon! Sa katunayan nga niyan e madalas na silang namamasyal sa SM ngayon kesa sa akin.

At eto ang matindi...magugulat ka. Yung kapatid mong si Camille! May BOYFRIEND na ngayon! Hahaha! Pambihira ano? Akala natin dati, tatandang dalaga ito noon e. Sana lang e huwag siyang lolokohin nung boyplen niya kasi sabi nga ni Don-Don (yung pinaka-malapit na pinsan natin) e baka abutin yun sa amin ng magkabilang Shoryuken (isip bata ka pa rin pagkatapos ng 14 na taon)!

Si Lola lang ang nawawala sa kwento. Sayang lang at hindi na niya nasaksihan ang unti-unting pag-bangon ng pamilya natin. Ganun talaga e. Hindi naman natin sila makakasama habang buhay. Pero kapit lang, tsong! Umiyak ka lang nang umiyak ngayon pero sa huli, kelangan mo pa ring tumayo at harapin ang isang buhay na wala siya. Ano pa’t naging lalake tayo! Ito na ang oras mo para makilala ang tunay mong sarili. Buong buhay mo kasi naka-asa ka lang kay lola...at ngayong wala na siya, wala nang ibang magtatanggol sa iyo kundi ang sarili mo. Gamitin mo itong panahon na ito para higit pang magtiwala sa pamilya mo; kay Mama at kay Papa, at pati na rin kay Camille. Dahil sa mga susunod pang labing-apat na taon, e sila pa rin ang makakasama mo sa buhay. Kayu-kayo pa rin ang magiging magka-sangga. Sa ayaw at sa gusto mo.

Balita ko rin e nag-kakalat ka na ngayon sa school? Ano na ang nangyari? Nag-sawa ka na bang makipag-kumpetensya sa mga kaklase mo? Dati, lagi kang nasa Top 3. Ngayon, malapit ka nasa Bottom 3. Puro palakol na ang grades mo, lalo na sa Math! Tsk, mag-aral kang maigi. Pag-pasok mo sa highschool mas mahihirapan ka pa lalo kasi matatanggal ka na sa star section! Dun mo na mauumpisahang maintindihan ang “pamumulitika” -- yung tipong babagsakin ka pero yung mga kaklase mong mas bopols pa sa iyo e pasado! Ganun! Pero OK lang yan, dahil hindi naman lahat ng nasa star section niyo ngayon e magiging successful balang araw. Maniwala ka sa akin. Dito sa 2012, magiging isa kang GURO (oo, hindi ka nagkakamali sa nabasa mo) at ilan sa mga kaklase mo noon na kinakaasaran mo e magiging tambay na lang sa mga bangketa at magiging biktima ng unwanted pregnancy.

Huwag mo na ring intindihin yung mga crush mong babae na hindi pumapansin sa iyo. Sa maniwala ka o sa hindi, makakahanap ka din ng babaeng nararapat sa iyo at makakasama mo sa pang-matagalang panahon. Kailangan mo nga lang magtiis. Ika nga e, good things come to those who wait. At hindi ko sinabing itigil mo yang pag-hanga mo, dahil natural lang naman iyan. Ang akin lang, huwag mong ubusin ang oras mo kaka-mukmok kapag inii-snub ka ng crush mo. Grade 5 ka pa lang. Ni hindi pa nga nagkaka-mens yang mga kursunada mong babae. Hehehe.

Maging matatag ka Cholo... Sa pag-tanda mo, maraming tao ang makakaharap mo. Ang iba sa kanila e tutulungan ka, ang iba naman e sisirain ka. Maraming tatawa sa pagka-dapa mo, at marami namang mag-ngingitngit kapag nakabangon ka. Kahit ganyan ka, marami pa rin ang hahanga sa iyo, magtitiwala at titingala sa iyo balang araw. Magiging isa kang LEADER, tulad ng pangarap mo dati. Kailangan mo lang maging determinado. Ang pagkamatay ni Lola ay ang unang hakbang pa lamang.

Happy Birthday uli sa iyo, Cholo. Alam kong sa mga susunod mong birthday e hindi ka na luluha nang ganyan. :) 


Lubos na nagtitiwala,

SerPol


P.S.
Pogi ka pa rin pagkatapos ng 14 years. Hehehe.

Sunday, August 28, 2011

Kumustasa?

Ah! Na-miss ko ang linyang 'yan!

"Kumustasa?" 'Yan ang pamatay na banat ko palagi tuwing sisimulan ko ang aking litanya dito sa blog na ito; isang uri ng pina-usong Pinoy slang na nagmula sa pinagsamang salita na "Kumusta" o "Hello" sa inggles, at "mustasa" na isang uri ng gulay na nagiging kulay dilaw kapag ginawa na itong "sarsa" para sa mga hamburgers at hotdogs (eew!). At sa lahat ng ngayon lang naka-intindi sa paliwanag na ito e magkakaroon kayo ng "AH! YUN PALA YUN!" trophy bilang award!

Sa kasamaang palad e minalas tayo nang kaunti at 'di ko na muli 'yun nabanggit magmula nung isang taon pa... Sadyang busy lang talaga siguro, at wala na rin akong ibang masabi dito dahil halos nai-share ko na yata ang 1/4 ng utak ko dito sa blog site na ito noong mga nag-daang taon.

Marami ding dahilan kung bakit hindi na ako nakakapag-blog uli.


1.) FACEBOOK AT PLURK

Nandyan ang mga micro-blogging sites tulad ng Plurk (sorry, Twitter fans. Hindi ako mahilig mag Twit-twit), at kahit pati ang Facebook e madalas ko na ring nagagamit sa micro-blogging at sa pagpaparinig sa mga pasaway na utaw na naka-add sa listahan ko. Masarap kasing mag-parinig sa Facebook. Para ka lang parak na nagpapa-putok ng baril tuwing bagong taon at bahala na kung kaninong ulo ang tatamaan. Ganun. At kahit napaka-sagwa ng analogy na ginawa ko, e alam ko rin naman na "guilty" ka rin habang binabasa mo ito dahil malamang sa malamang e nagawa mo na rin ito minsan. Hehehe.


2.) TRABAHO

At hindi ko na rin siguro kailangang ipag-nuknukan pa na isa sa mga dahilan na yun e ang aking trabaho. Para sa mga ngayon lang magagawi dito sa blog na ito, lalo na sa mga napadpad lang dito pagkatapos mag-type ng "MGA-HUBAD-NA-LARAWAN-NI-ANNE-CURTIS-AT-JOSEPHINE-BRACKEN-NA-NAKATUWAD" sa Google Search (Oo, seryoso. 'Yan ang mga keywords na kadalasang ginagamit ng mga nagiging bisita ko dito), ipapaalala ko lang uli na ako, si SerPol, ay isang guro na sumusuweldo lang ng katamtaman kaya katamtaman lang din ang performance... Biro lang! Ganyan na kasi karamihan ng mga guro ngayon e. Tinatamad dahil pakiramdam nila e hindi nila natatanggap kung ano ang talagang para sa kanila (isang matindi at obvious na TRIVIA na rin ito para sa mga estudyanteng makakapag-basa nito). Sa ngayon, nasa ika-apat na taon na ako sa trabahong ito at mukhang malabo pa ang pangarap kong maging Astronaut (ang maniwala, bibigyan ko ng basurahan) dahil sa marami at hindi-ko-pwedeng-sabihin-dito-o-matatapos-ang-karir-ko na dahilan.


3.) 3DS

At kapag naka-shutdown na ang kompyuter ko sa bahay at matapos niya akong sigawan ng "HAY SALAMAT! MAKAKATULOG DIN AKO NG 1:oo AM!" e binabanatan ko naman ang aking bagong bili na Nintendo 3DS. Oo. Laruan. Ano ngayon? Pakialam ko sa iyo. Alis. Shoo.

Eto yung tinutukoy kong Nintendo 3DS. Astig, ano? Mahal yan.

Matagal nang naka-lagay sa listahan ko ang pag-bili sa 3DS. Naengganyo ako dito dahil sa feature nito na "glasses-free 3D" na ang ibig sabihin, kung hindi ka nakaka-intindi ng inggles, e hindi mo na kelangan pang gumawa ng salamin na kulay blue sa kanang mata at kulay red naman sa kaliwang mata para lang makita ang pagka-3D nito. Astig! Pero sa ngayon, ang bala ko lang e yung Super Street Fighter IV 3D Edition (haba ng title!). Kung naaalala niyo pa yung sinabi ko noon tungkol kay Dhalsim, ngayon, makakapag-teleport na siya sa likod mo. Joke lang. Ayos na rin sa investments. Pakiramdam ko, naka-bili ako ng kotse nang mabili ko ito.

Yun nga lang, mahirap kapag nasosobrahan ka sa laro. Dahil pagkatapos kong gumamit nun, nagiging 3D na rin ang tingin ko sa mga kaaway ko at gusto ko na rin silang i-Shoryuken.


4.) MASTERAL...ESTE, MASTER'S DEGREE!

2nd year na ako sa Master in Information Technology. Malapit na ring mag-simula ang kinatatakutan kong thesis. Konting iyak na lang at matatapos na rin ito. Sa lahat ng nabanggit kong dahilan, eto na siguro yung hindi ko magawan ng kuwento. Ewan ko kung bakit...

Pero kung thesis lang din naman ang pag-uusapan, at mas mahirap siya ngayon dahil solo ko na siyang gagawin, naniniwala ako na makakaya ko ito. Ano pa at parang naging one-man riot squad ako nung college pa ako?


5.) KAWALAN NG GANA SA BLOGGING

Mahirap mang aminin, pero unti-unti nang naluluma ang blogging (at least, para sa akin). Nung una, natuwa ako sa pag-b-blog, dahil meron akong sariling lugar na paglalagyan ko ng mga ideya ko, mga saloobin, at kung anu-ano pa na gusto kong i-share sa madla. Pero habang tumatagal, nagiging mas vocal na rin ako sa mga opinyon ko at hindi na ako natatakot na i-share ito sa personal, hindi tulad nung dati. Nagkaroon na rin ako ng mga makakausap, sa wakas...

Isa na rin siguro sa mga dahilan kung bakit mas madalas na ako sa Facebook ngayon e dahil mas mabilis mong makikita dun ang appreciation ng isang tao sa kung anuman ang sasabihin mo gamit ang "Like" button. Oo, alam kong pwede ring lagyan ng ganun dito sa blog, kaso napakarami pang gagawin. Sa Facebook, mag-post ka lang ng "Hehehe", may sandamukal na Likes ka na kagad sa hindi mawaring dahilan. Ganun na ba kababaw ang kaligayahan ng mga tao ngayon?

Nangangamba rin ako na baka sa mga susunod kong posts, e hindi ko na makuha ang dati kong galing sa panulat -- yung katangian ng mga blog entries ko na pwedeng ihalintulad (DAW) sa mga likha ni Bob Ong. Ang problema, unti-unti na ring nalalaos si Bob Ong ngayon. Sobrang nagasgas kasi noon (hindi yung mukha ni Bob Ong ha?), kaya't hindi na ako magtataka kung hindi na rin kasing-benta ngayon yung mga sinasabi nila, este 'niya' pala, sa mga libro.

Unti-unti ko nang nakikita ang pagkalaho ng blog na ito sa cyberspace. Ni hindi ko na alam kung kailan pa ang susunod kong blog entry. Meron pa bang blogger ngayon na nagsusulat ng blogs para sa sarili niya at hindi lang para kumita ng pera? Meron pa bang nag-e-enjoy gumawa ng mga sulat na para lang dapat sa diary, pero ginawa pang online?

Sana lang, hindi mawala ang blog kong ito, at sana ay mabasa pa rin ito ng mga taong naghahanap ng HUBAD-NA-PICTURE-NI-ANNE-CURTIS sa Internet hanggang sa ako ay mamatay na...

Saturday, November 6, 2010

Pahinga...Relax!

September, October...NOVEMBER!

Whew! Akalain mo yun? Halos dalawang buwan na pala akong 'di nakakapag-post ng blog entry! At halos dalawang buwan na din palang hindi tumatagas ang laman ng utak ko para mai-share ko ang mga walang kwentang experiences ko sa mga mambabasang katulad mo na bigla na lang napapadpad dito. Pero ano't ano pa man, e REST DAY ko ngayon, kaya habang wala pa ang mga tao dito sa bahay (dahil Sabado ngayon, araw ng pamamasyal) e pagaganahin ko na ang utak kong de-uling at de-roskas para makabuo uli ng isanlibong paragraphs para mabasa ninyo (Woops! Joke lang! Hehe)

Tayo na't magpahinga! ZZZZZzzzzz...

Napakaraming nangyari sa buhay ko nitong nakaraang semester. Maraming masasayang pangyayari at meron ding mangilan-ngilan na talaga namang napa-sapok ako ng ulo ko dahil sa sobrang kabuwisitan. Tapos na ang unang semester ko ngayong 2010 bilang isang guro at estudyante. Naging successful naman ang pagbabalik ko sa dating eskuwelahan na pinanggalingan ko at sa awa ng Diyos e nakatapos na rin ako ng 9 units sa Masteral ko (heto na naman tayo...sinabi ngang "Master's Degree" e! MASTER'S DEGREE!) kahit pinoproblema ko pa kung sinong milyonaryong intsik ang hoholdapin ko para magkaroon ng pambayad sa natitirang balanse ko dun sa eskwelahang pinapasukan ko... Tapos na rin nga pala ako sa kaliwa't-kanang seminars at trainings na ibinato sa akin nitong SemBreak (ninyo. Wala akong SemBreak...huhuhu) at naka-kolekta na naman ako ng dalawang pirasong papel na tinatawag na "certificate" para idagdag sa brown envelope ko na inaagnas na sa itaas ng aparador namin. Yeba!

Siguro naman e deserving din akong mag-pahinga, ano?

Buweno, dahil wala akong ginagawa ngayon at gusto kong magpahinga e sinubukan kong maghanap ng "relaxation techniques" sa Internet at heto ang mga nakita ko:

(Pasintabi na po sa mga sumasamba kay Dhalsim dahil mukhang mapapasama siya dito sa listahan na ito...)

1.) Meditation

Ayos. Meditation. Dalawang bagay lang naman ang gusto kong mangyari kung gagawin ko ito: ang makapag-palutang ng garapata, o palutangin mismo ang sarili ko... ? Ha? Teka, ano bang meditation ang pinag-uusapan natin dito???

Meditation is a holistic discipline during which time the practitioner trains his or her mind in order to realize some benefit. Meditation is generally an internal, personal practice and most often done without any external involvement, except perhaps prayer beads to count prayers.

AH! Gets! Eto siguro yung mga kadalasang ginagawa ng mga mongha sa Japan! May prayer beads pa! (Pwede bang munggo na lang ang gamitin dito???) Ayos 'to! Pero mukhang malabo kong magawa ito dahil bago tumahimik 'tong lugar na kinalalagyan ko e parang kelangan ko munang pasabugin ang eardrums ko nang sa ganon e makamit ko ang "peaceful state"

No good! NEXT!


2.) Power Nap

Ah! Ayon sa mga nabasa ko sa websites, ang Power Nap daw ay yung panandaliang pagtulog, na kadalasang ginagawa sa trabaho at minsan e sinasamahan pa ng kape (nakakapag-paantok daw kasi ang pag-inom ng kape, pero kung gusto mo namang magising e singhutin mo na lang ito). Eto yung palagi mong ginagawa kapag kumukuha ka ng exam at hindi mo na alam ang sagot; at gigising na lang kapag pasahan na ng test papers. Aprub! Madalas ding ginagawa ito ng mga gurong katulad ko, lalo na kapag may limang minuto na lang bago mag-simula ang susunod na klase namin... Kaya minsan e parang bangenge kami pag-pasok sa classroom!

Pero paano naman ako magpa-PowerNap kung nandito lang ako sa bahay at wala namang pasok? Maganda kayang gawin ito habang kumakain? Yung tipong matutulog ka sa ibabaw ng plato mo dahil na-stress ka na sa kaka-nguya? Hmm...

NEXT! NEXT!


3.) Tai Chi

Wuuuuuuu....Wayyaaaaah! Drunken Master! Enter the Dragon!

MALI! Hindi yan katulad ng iniisip mo! Ang Tai Chi daw ay...teka, napapagod na akong mag-paliwanag! Mahiwagang copy-paste, GO!

Tai chi is sometimes described as "meditation in motion" because it promotes serenity through gentle movements — connecting the mind and body. Originally developed in ancient China for self-defense, tai chi evolved into a graceful form of exercise that's now used for stress reduction and to help with a variety of other health conditions.

Ayun, siguro na-gets mo na rin. Kasi ang alam ko lang e yung "tachi" at madalas ko yang nakikita dito sa bakuran namin lalo na 'pag tapos nang mananghalian si Potpot (d' dog). Maganda rin pala ang Tai Chi ano? Magmula sa isang self-defense na martial arts e ginawa na lang itong exercise dahil mukhang di mo madedepensahan ang sarili mo sa mga magnanakaw kung kekembot-kembot ka lang (at naka-nguso pa) sa harap nila.

Boksing na lang tayo! NEXT! NEXT! NEXT!


4.) Guided Imagery

Ah, eto! Nasubukan ko na rin ito dati nung umattend ako sa isang seminar! Eto naman yung uutusan kayo ng speaker na ipikit ang mga mata ninyo, pagkatapos e may biglang patutugtugin na background music (ang ginamit sa amin noon e yung tunog ng umaagos na tubig mula sa isang ilog with matching humuhuning ibon at pumapagaspas na dahon). Magsasalita si Mrs. Speaker ng kung anu-ano na tipong inuuto ka ng isa't-kalahati, at sasabihan ka na:
  • Ipikit mo ang iyong mga mata at i-picture out mo sa isip mo na ikaw ay naka-higa sa isang pastulan...kasama ng mga pastol, este ng mga tupa...
  • Naririnig mo ba ang mga humuhuning ibon? Andyan na sila para sunduin ka...
  • Amuyin mo ang bulaklak na nasa tabi mo... Hindi...Mali yang hinahawakan mo... Akin yan... *sabay sampal sa kamay ko*
  • Malamig ang tubig sa ilog... Masarap sa pakiramdam...di ba? Teka, huwag mo munang inumin...polluted yaaaaaan.... Haaauuuum....
  • Papalubog na ang araw...matatapos na ang araw na ito... Ganyan din mamaya ang mangyayari sa wallet moooo....
Pagkatapos ng tatlong minutong lokohan e biglang pipitik si speaker at pabubuksan muli ang mga ilaw. Pagkamulat mo ng mga mata mo e matatawa ka na lang bigla dahil habang ginagawa mo yun e ang tumatakbo lang sa isip mo e kung paano kaya mamamatay isa-isa ang mga Akatsuki sa Naruto at kung pwede bang maging ninja si Maria Ozawa...

Nag-lokohan lang tayo e! NEXT!


5.) Yoga

Heto na! Yoga Fire! Yoga Flame! Yoga Teleport! Awww, sayang! Sayang at 'di natin pwedeng gawin yung mga ginagawa ni Dahlsim dito sa exercise na ito! Tsk, tsk!

Para sa mga tao na pinanganak lang kahapon, si Dahlsim ay isang character mula sa video game na "Street Fighter". Siya ang numero unong dahilan kung bakit ko nakilala ang terminong "yoga" sa aking murang edad. Isa sa mga katangian ni Dahlsim, bukod sa pagbuga ng apoy at biglang pag-teleport sa likod mo na parang isang aswang lang, e ang kanyang mga FLEXIBLE na hita at braso! Kayang-kaya niyang sampalin at tadyakan sa mukha ang mga kalaban kahit nasa magkabilang dulo pa sila ng screen! Pero may disadvantage din ito dahil pwede mo siyang tirahin ng Haduken o ng Sonic Boom (o ng shotgun, pero wala nito sa laro) habang nasa akto siya ng pagpapahaba ng parte ng katawan niya...

Ok, ok... Titigilan ko na ang tungkol sa video games... Exercise nga pala ang pinag-uusapan natin, whew!

Pero wala na akong iba pang masabi tungkol sa Yoga bukod sa trip itong gawin ng mga dalaginding sa mga fitness gyms ngayon, lalung-lalo na dun sa mga nagpa-praktis maging contortionist at yung mga nagbabalak manirahan sa isang balik-bayan box.

Maganda ang Yoga. Magandang-maganda (hindi yung instructor ah! >:D)! Lalo na kung nanonood ka lang. Bwahehehehe....

------------------------------------------------------------

Buweno...naparami na naman yata ang sinatsat ko. Pero ayos lang, pambawi na rin sa dalawang buwan kong palya sa blogging. Mas lalo lang yata akong napagod sa mga pinag-gagawa ko dito ngayon...pshew!

Matutulog na lang ako, at iisipin si Maria Ozawa habang nagyo-yoga...

(Nakakaramdam na naman ako ng isang pingot sa tenga...ARAY!)

Source:

Wednesday, September 8, 2010

SlumBook (Walang Magawa...)

(Pssst...ngayon lang uli ako nagkaroon ng time para mag-post dito...hehehe)

Wala kasing magawa...kaya ipo-post ko na lang ito dito. Tutal nauuso na rin lang naman sa Facebook yung paglalagay ng mga profile info na para lang sumasagot ng slumbook/slambook kaya makikisakay na lang din ako sa trip nila papunta sa mundo ng mga ilusyonadong bangag. Ayos. Nahakot ko lang sa Internet 'tong mga tanong na ito (dahil tinatamad na rin akong mag-isip pa), at naisipan ko lang din na sagutin dahil...ayun nga. Walang magawa.

Buweno, heto na. Pakitakpan na lang ang bibig habang humihikab at baka masinghot mo bigla ang monitor mo.
________________________________________

1) WHAT IS YOUR OCCUPATION:
- Ako ay isang College Teacher. Pero sabi ng manghuhula sa Quiapo, dati daw akong K-Pop artist at modelo ng vetsin nung past life ko.


2) DESCRIBE YOURSELF:
- Sasabihin ko sana na "Judge me na lang", pero para sa kapakanan ng lahat ng mahihilig manghusga, aaminin ko na...na ako ay CUTE at GUMUGULPI NG MAHILIG KUMONTRA.


3) WHAT IS YOUR AIM IN LIFE:
- Target-shooting ba ito? Anyway, MayDay. Ang gusto kong mangyari sa buhay ko e makapag-bahagi ng aking kaalaman sa mga taong willing makinig sa akin. Ituro sa mga bata ang kaalaman na naipon ko habang nadadagdagan ang edad ko sa mundong ito. Dun sa mga ayaw makinig, tuturuan ko pa rin. Gusto ko kasing makakita ng mga taong nagkakamot ng ulo matapos mapahiya dahil pinili nilang magbingi-bingihan. Hehe.


4) MOTTO IN LIFE:
- "Bilog ang Mundo" Ayoko na ng "Time is Gold". Di ko mapanindigan e.


5) ANY UNFORGETABLE DREAM:
- Nang makapag-slamdunk daw ako sa isang "tunay" na basketball court (hindi yung pang-3 years old ah?). Unforgettable yun, kasi sa totoong buhay, ang kaya ko lang abutin e yung butas ng ilong ng mga kalaro ko sa basketball.


6) HAPPIEST MOMENT IN YOUR LIFE:
- Nung unang klase ko bilang isang teacher.


7) MOST EMBARASSING MOMENT IN YOUR LIFE:
- Nung unang klase ko bilang isang teacher.


8) FIRST LOVE (IF ANY):
- Parents. As usual. Ito na ang pinaka-safe na sagot sa lahat ng slumbook na nabasa ko. Gayahin ko na lang, imbes na sumagot ako ng kung anu-ano na magpapadali sa buhay ko...


9) THOUGHTS ABOUT OPPOSITE SEX / ANY CLOSE ENCOUNTERS WITH THEM:
- Ok naman. Ok ang mga babae. Halos genitals lang ang pinagkaiba nila sa mga lalake. Napansin ko din na ang mga jading e malandi kapag good mood at mapang-lait naman kapag bad trip. Ang mga tibo naman ay mahilig sa barber's cut.

Peace. Hehehe...


10) DREAM GIRL:
- Hindi ko na sasagutin ito dahil gusto ko pang tumagal ang buhay ko sa mundong ito...
(Pero atin-atin lang ito...siguro ok sa babae yung may kagandahang-loob tulad ni Maria Clara at kagandahang-AHURM naman katulad ni Maria Ozawa...hehehehe >:] )


11) DO YOU BELIEVE IN FATE / DESTINY:
- Hindi. Pero iniisip ko pa rin kung bakit nandito pa rin ako sa linya ng pagtuturo at bakit kami pa rin ng nobya ko...Natsambahan lang siguro...hehehe...


12) IF YOU HAD ONE CHANCE TO LIVE YOUR LIFE AGAIN WHAT WOULD YOU LIKE TO DO:
- Gusto kong magtrabaho sa gobyerno. Gusto kong ma-experience kung paano dumami ang pera ko sa bulsa habang nagkakamot lang ako ng singit sa loob ng opisina.


13) DESCRIBE YOUR DAILY ROUTINE IN SHORT:
- Gising. Kain. Ligo. Commute papunta sa trabaho. Daldal sa klase. Break. Daldal sa klase uli. Break. Facebook. Meryenda. Facebook uli. Commute pauwi. Kain. Facebook uli. Konting laro ng Nintendo DS. Tulog.

Short na yan.


14) HARDWORK OR LUCK. WHAT DO YOU BELIEVE:
- Hard Luck. Sa hirap ng buhay ngayon, kahit ang "swerte" e kelangan mo na ring paghirapan. Ka-badtrip!


15) IF YOU ARE GRANTED THREE WISHES WHAT WOULD YOU WISH:
-Madali lang ang tanong na ito...
Wish #1: Tanggalin ang PERA sa mundong ito.
Wish #2: Bigyan pa uli ako ng tatlo pang wishes (as usual, hehehe)
at
Wish #3: Tapusin na ang ilusyon ng kahit sino pa mang makakabasa sa tanong na ito.

________________________________________

Ayos ba? O siya...Hanggang sa muli, mga bata!

TO THE BATCAVE! (To the Faculty Room....)