Madaliang Agam-agam

Ang "criticism", kapag mas naunang sinabi sa ibang tao kesa sa iyo, ang tawag doon ay "CRITI-TSISMIS"
_______________________________________________________

Saturday, November 7, 2009

'Wag niyo akong subukan...hindi ko kailangan ng...

Hindi ko alam kung paano pa sisingitan ng katatawanan ang blog entry na ito. Sa ilang sensitibong dahilan, hindi ko magawang tumawa ng malakas maliban lang kapag nakakapanood ako ng comedy shows sa TV. Maraming nangyari sa akin sa isang linggong pagkawala ko sa mundo ng Internet, at heto, naging "The Journeyman" na ang drama ko.


1. Problema sa "bahay"
Wala. Walang problema sa relasyon ng mga nakatira. Magkakasundo naman ang lahat ngayon sa amin pati ang aso ko sa garapata niya. Nagkaroon kami ng matinding problema sa bayarin sa bahay ngayon. Kung di kami makakabayad e baka sa Sogo Hotel na lang ako mag-blog. At sa nangyaring ito, mukang kelangan ko nang sumali sa Alvin Flores Group para masolusyonan ang problemang ito. Patay na si Alvin Flores di ba? Baka mabasa nito ng kanang-kamay niya at baka pwede nila akong kuhanin bilang bagong miyembro. Hehehe. Di ako marunong kumalabit ng gatilyo. Humawak pa nga lang ng totoong baril e nanginginig na ang gall bladder ko. Pero pwede ko naman silang ipagsaing na lang o kaya ibili sila ng dyaryong Tiktik araw-araw, basta ba babahagian nila ako ng perang mararaket nila sa pagnanakaw. Hehehe.

Kung ang pag-buo ng sindikato ang solusyon sa kahirapan, bakit hindi na lang gawing presidente ng bansa ang isa sa mga hoodlums na ito, tutal pare-parehas naman silang magnanakaw ng mga nasa gobyerno.


2. Mahirap maging Bread-slicer, este Breadwinner
Alam kong makapal ang mukha ko at nagawa ko pang tawaging Breadwinner ang sarili ko gayong daig pa ako ng mga janitor sa hotel pagdating sa sweldo. At lalo na kapag nabasa ito ng nakababata kong kapatid na nag-aaral ngayon sa UPLB (University of the Philippines Los Burritos), tiyak baka pasaringan pa ako nun dahil 'pag grumadweyt siya ay baka gawin lang niyang pamunas ng pawis ang pera. Pero malayo pa yun. Marami pa siyang bigas na itatanim at lalagyan ng fertilizer, hehehe (Agribusiness kasi ang course niya). At habang wala pa yun, sa akin pa rin nakasuot ang "championship belt". Pagod na akong depensahan ang titulong ito. Dalawang taon ko nang suot ito at gusto ko na itong bitawan paminsan-minsan.

Ang laki ng expectations mula sa isang panganay na anak. Nayayamot na rin ako sa buntong-hininga ng nanay ko tuwing nakikita niya ang sahod ko tuwing a-kinse at katapusan. Gustuhin ko mang kumita ng sandamukal na pera, 'di ko yun magagawa dahil hindi naman ako si Lucio Tan at hindi rin ako si Danding Cojuangco. At lalong di ko yun magagawa dahil nasa propesyon ako ng pagtuturo na kung saan, sapat lang para pambayad ng kuryente at Internet at pambili na rin ng konting Hansel at Zest-O ang kinikita ko. Dahilan kung kaya't mapupunta ako sa susunod na ideya:


3. Kelangan ko nang mag-bago ng CAREER.
Ang buhay ng isang IT Graduate ay hindi lamang tungkol sa tawanan, iyakan, pakikisama, pagiging role model, at pakikiramay sa nangangailangan. Iyan ang ginawa ko sa trabaho ko maliban sa pagtuturo kung pano manira ng computer. Napa-lapit masyado ang loob ko sa mga estudyante ko. Sa sobrang lapit, di ko na namalayan na unti-unti na kaming nababaon sa utang dahil sa baba ng sweldo (pasensya na kung isang milyong beses ko nang sinasabi na "mababa ang sweldo ko"), at unti-unti nang naging "bukas na libro" ang buhay ko.

Enjoy mag-turo. Walang makakapag-deny nun. At kung sakaling meron man na hindi nag-eenjoy sa pagtuturo, sila yung mga baliw o yung may sayad sa utak na pinili pa ring manatili sa propesyong iyon bagama't nauubos na ang buhok nila sa kunsumisyon; basta kumita lang ng pera.

Iyon ang punto ko ngayon. PERA. Hindi sa muka akong pera o ano, pero "necessity" ito ngayon sa pamumuhay natin. Ang kumontra, ipokrito! Kung hindi mo kailangan ng pera para mabuhay ngayon (physically/aesthetically speaking. 'Wag niyo akong banatan ng mga Bible verses niyo ngayon at wala tayo sa Sunday School) e malamang sa malamang, hindi ka tao. Siguro, isa kang lumot o di kaya e talahib diyan sa tabi-tabi na bigla na lang nabubuhay mag-isa. Syet.

Yun nga lang kasi, hindi na tayo bumabata. At di tayo mabubuhay ng dahil sa kwentuhan lang. Kelangan ko nang kumilos. Walang mangyayari sa akin kung patuloy akong hihingi ng "raise", kaya't uumpisahan ko na ngayon pa lang na unti-unting iwan ang una kong propesyon. At kahit masakit sa kalooban ko na nagpa-plano na akong iwan ang mga batang napamahal na sa akin, sana maintindihan nila na ako ay tao lamang at may pangangailangan din.

At kahit alam kong balang araw, wala na ring tatawag sa akin ng "SERPOL", kelangan ko na lang tanggapin yun at isipin na hindi sa lahat ng pagkakataon e ako ang pinuno ng isang pulutong. Kaya lang din siguro ako naging masaya sa pagtuturo e dahil napunan nito ang pangangailangan ng "EGO" ko -- na ang lahat ay tatawag sa akin ng "SERPOL"

___________________________________________

Sinusubok ako ng tadhana ngayon. Pero OK lang. Hindi ako nagtatampo kay BRO, dahil ang motto ko sa buhay ay "BILOG ANG MUNDO" Lahat ng umaakyat ay bumababa, at ang lahat ng bumababa ay aakyat din. At kahit kamukha na ng pamilya ko ang "pamilyang kulot" sa pinakabagong commercial ng Coke, ok lang. Iinom na lang kami ng maraming Coke. Pero kahit ilang galon pa ng Coke ang tunggain namin, hindi namin makukuha ang "Happiness" ngayon. Ops, ops, ops. Pinapaalala ko lang uli, walang Sunday School ngayon kaya wag niyo akong pangaralan tungkol sa totoong "Happiness" ng buhay.

Meron pa akong isang linggo para alamin ang kapalaran ko. Magiging titser pa ba ako, o magiging astronaut?

To be continued.

1 comment:

  1. ganon????
    chaka na kau mg quit sa current profession nyo kpag wla na kme jan s skul... hahah..(selfish ko no?? :) )

    ReplyDelete