Kumusta? 2016 na. Once a year na
lang yata ako nakakapag-blog. Sobrang drama pa nung huli kong entry, pasensya
na. Wala e, nag-10th year anniversary na kasi e. Hehehe.
Eniwey, panibagong taon na naman.
2016 na. Bibilang na naman tayo ng talong daan, animnapu at limang araw (EDIT: Woops! Leap year pala ngayon!) na puno
ng masasaya, malulungkot, nakakatakot, nakaka-bagnot at mga nakakasorpresang
mga bagay. Pero bago mangyari yun, syempre
hindi maiiwasan ng mga miron na katulad mo ang gumawa ng “New Year’s Resolution”.

Tama. Ito yung walang kamatayang
listahan mo ng mga bagay na wala ka namang planong gawin talaga. Hehehe. Bakit?
Ilan na ba sa atin ang nag-sulat ng NYR (inabbreviate ko na lang dahil
nakakatamad i-type) at naka-kumpleto nito? Yung iba, itinuturing na lang ito na
parang wish list. Umamin ka, kasama ka dun ano?
Buweno, huwag kang mag-alala
dahil sasamahan kita sa kalokohan mo. Pero sa kapakanan ng mga kumag na mahilig
mambuska, tatawagin ko itong “bucket list”. Hindi “bucket feast”, pritong manok
yun.
Importante sa akin ang 2016,
dahil ngayong taon na ako magiging TWENTY years old…ehrm, basta. Kaya gusto ko
sanang gumawa ng listahan ng mga bagay na gusto kong gawin (kahit may 99%
chance na maging drawing lang ang mga ito) para naman may katuturan ang taon na
ito.
1.)
Mag-celebrate
ng birthday sa isang charitable institution
Sa bahay ampunan (ipapakilala ko si Pikachu
sa mga bata), home for the aged (kasi
tumatanda na tayo) o kahit sa Philippine
Animal Welfare Society (dahil marami nang mga HAYOP ngayon). Kahit saan,
basta hindi mga switik na pulitikong nangampanya nitong
nakaraan ang makikinabang.
![]() |
Credits sa may-ari |
Aaminin ko; ako kasi
ang pinaka-walang kwentang mag-celebrate ng birthday sa pamilya namin. Wala rin
akong bisita palagi, puro simpleng kain lang sa labas. Kaya naisip ko na since
walang interesado sa araw na nagsabog ang Diyos ng kagwapuhan sa mundo,
i-c-celebrate ko na lang ito kasama ng mga taong sabihin na natin na, mas
kailangang maging masaya kesa sa atin.
2.)
Pumunta
sa ibang bansa
Hindi sa Dubai. Anak
ng curry powder. Hindi naman ako sadista, bakit ako pupunta dun?

Medyo malabo ang
isang ito, pero gusto ko uling makasakay ng eroplano. Kahit papuntang Singapore lang.
May mga kaibigan naman akong nagtatrabaho doon at baka pwede nila akong
patulugin sa tabi ng mga aso nila kahit tatlong araw lang.
Cool, Lah?
3.)
Magpa-renovate
ng bahay
Gusto ko rin
sanang i-upgrade ang aking naipundar na munting barung-barong dito sa Laguna. Baka
kasi kapag nag-level 2 na 'to, makabuo na ako ng Archer at Hog Rider. Hehehe. Biro
lang. Hindi ako naglalaro ng Class of
Clowns.
![]() |
Sensya na, eto lang ang nakayanan e... |
Medyo
nasisikipan na raw kasi yung mga tenants ko (Huy! Magbayad naman kayo sa oras!)
at medyo dumadami na ang mga halang ang
bituka sa paligid kaya gusto ko na ring ipaayos yung bahay. Sana lang
makaipon ako bago magunaw ang mundo dahil naaadik na ako ngayon sa
pangongolekta ng mga robot…
Batang isip pa
rin pala ako. Next!
4.)
Tapusin
ang Masteral!
Mukhang wala na
akong kawala sa linya ng pagtuturo kaya wala nang mas mabuti pang plano kundi
ang tapusin ang kalahating dekada nang naka-tenggang Master’s Degree ko!

Pero baka limang
taon pa uli ang bilangin dahil natatakot pa rin ako sa mga demonyong panelista
na sisisipsip sa akin ng kinse mil para lang dustain ang pagkatao ko at ipahiya
ang maliit kong utak sa loob ng defense
room. Pwede bang suntukan na lang?
5.)
Mag-move
on
Nitong 2015,
wala akong ginawa kundi ikahon ang sarili ko at sabihan ang sarili kong utak na
“Pol, i-enjoy mo muna ang kalayaan mo”. Masaya ang may ka-relasyon, pero masaya
rin ang maging single. Na nagawa ko naman, sa awa ng Diyos. May mga tsika-babes
din akong pinormahan last year, pero tinigilan ko rin lahat dahil na-realize ko
na meron pang parte ng pagkatao ko na namumuhay pa rin sa nakaraan.
Hindi pa pala
ako tuluyang naghihilom.
Kahit ngayon,
hindi ko pa rin masabi na nag-langib na ang mga sugat. Pero habang tumatagal,
mas lalo akong napupuno ng inggit at panghihinayang. Lalo na kapag nakikita ko
ang mga kaibigan kong masaya kasama ang mga nobya/asawa nila. Kapag nakikita ko
ang mga pictures nila ng anak nila na nagkukulitan sa Facebook. Para akong binabagsakan palagi ng malaking
bato sa ulo na may naka-ukit na “NAPAPAG-IWANAN KA NA BOY!”
Sana ngayong
2016, dumating na yung taong bubura sa lahat ng badtrip ko sa buhay; yung
magpapa-realize sa akin na pwede na akong mahulog uli nang walang halong takot.
Yung tao na magbabalik ng ngiti sa mga labi ko. Yung tao na magtatama ng mga
mali sa buhay natin…teka, parang linya yun ni John Lloyd ah? Basta, kung sino man
siya, sana magkita na kami ngayong 2016.
Maghihintay uli
ako.
*******************************
Ilang oras na lang at magpapalit na ng pahina ang kalendaryo. Ikaw, handa ka na bang harapin ang bagong taon? O nagkakamot ka pa rin ng singit kakaisip ng mga bagay na hindi mo na pwedeng bawiin?
Pagkakataon na natin ito. Patunayan natin na kaya nating maging BAGONG TAO next year.
Happy New Year sa inyong lahat!