Di ko pa rin alam kung paano sisimulan ang entry na ito. Nitong mga nagdaang araw kasi e wala nang naging bukambibig ang mga tao kundi ang eleksyon at kung paano natupad ang sikretong plano na NoyBi; ang walang katapusang bangayan ng mga Jejemon at mga JejeBusters (na kung titignan mo lang nang maigi e para lang revival ng Battle of the Brainless); at ang pag-puna sa Hologram na pinagyayabang ni Mike Enriquez, at kung paano nito masosolusyonan ang bulok na paraan ng paghahayag ng balita, at ang kanyang makating lalamunan. *ubo*, *ubo* Eksyusmipo! Nakakasuka na ang exposure sa mainstream media. Kaya imbes na makisali sa tsismisan at mag-sulat ng article tungkol sa mga yan, e magbibigay na lang ako ng update tungkol sa sarili ko. Baka sakaling umunlad pa ang Pilipinas habang binabasa mo ito.
Puro hinaing ang tema ng mga nakaraang blog entry ko. Mga hinaing tungkol sa kawalan ng trabaho, at paglaki ng bilbil sanhi ng kawalan ng magawa sa bahay. Masaya kong ibinabahagi sa inyo, na sa wakas, MAY TRABAHO NA RIN AKO! Yeba! At dahil magkakaroon na rin ng trabaho ang aking nakababatang kapatid na nagtapos sa UP Los Baños nitong Abril, e nangangahulugan lang na may makakatulong na ako sa pagbabayad ng kuryente! Pwede na kaming magbukas ng aircon buong araw at gawing freezer ang buong bahay, at mag-computer magdamag hanggang sa pumutok na ang mga ugat sa mata namin. Ayos talaga. Ika nga nila, Huli man at magaling, huli pa rin! Ehek!
Pero ang pinakamahalagang nangyari sa buhay ko ngayon, e ang muling pagbubukas ng pinto ng isang institusyon na minsan na akong sinipa palabas ng kanilang tahanan matapos ko silang sagasaan at duraan sa mukha. Sinong mag-aakala na mauulit ang kuwento ng Prodigal Son sa katauhan ko (although hindi Diyos ang kasali sa kwento ko) ? Na pagkatapos kong layasan ang mga taong tumulong sa akin para maging ako, e tatanggapin din ako pagkatapos ng isang taon kong pagkawala?
STI Santa Rosa ang tinutukoy kong institusyon. Hindi ko masabi nang 100% kung good to go na ba ako sa susunod na semester, dahil ayon sa mga narinig ko e meron pa rin akong mga dapat linawin. Una sa lahat, buong puso akong nagpapasalamat sa pamunuan ng STI Santa Rosa at sa panibagong pagkakataon na ipinagkaloob nila sa akin. Minsan ko na ring naikwento sa nobya ko kung gaano ako kasaya nang matanggap ko ang isang text message mula sa STI na iniimbitahan akong muli para sa isang job interview. Ang sabi niya sa akin e wala na yatang mas makakahigit pa sa comeback na gagawin ko ngayon dahil nga sa kilala niya ako bilang isang ma-pride na tao. Isang tao na kahit sampalin mo ng attache case na naglalaman ng sampung milyon, e hindi pa rin titiklop. At ang paglunok ko sa sarili kong pride ay isang maliwanag na senyales lang tungo sa aking pag-lago bilang isang tao.
Tulad nga nga ng motto ng isang animé character, "Hindi ko binabawi ang mga sinabi ko. Iyan ang paraan ko ng pagiging isang ninja", hindi ko rin naging ugali na bawiin ang mga salita kong naka-sakit dahil yun na lang ang paraan ko ng pagrespeto ko sa sarili ko at nagsisilbing patunay ng pagkalalake ko. Pero nakagawa ako ng isang "milestone" sa buhay ko at nakagawa ako ng isang milagro...
BINAWI KO NA ANG MGA SINABI KO.
Mahirap lumunok ng pride. Hindi ko ito sinasabi dahil meron lang nag-utos sa akin, o gusto ko lang pagandahin ang sitwasyon ko sa STI o ano. Ginagawa ko ito nang sa ganon e makapag-simula akong muli bilang isang propesyunal at patunayan sa kanila na hindi sila nagkamali sa pangalawang pagkakataon na ibinigay nila sa akin.
Sa huli, may pride pa rin pala ako. Hehe.
Sa pagpasok kong muli sa STI, alam kong muli akong masusubukan...isang initiation na naman kumbaga sa isang fraternity. Pero nakahanda na ako. At kahit masakit man sa loob ko na muli akong dadanas ng isang malubak na pag-akyat patungo sa batong pinagkahulugan ko noong isang taon, e tatanggapin ko pa rin ang hamon. Hindi man ako kasing-talino ng ibang teacher, o kasing-galing magsalita tulad ng iba, patutunayan ko pa rin ang sarili ko bilang isang guro na magtataguyod sa kabataan natin ngayon.
My only strength and weakness during my stay with STI was my age -- because I was very young way back then. And being young is like using a double-edged sword. On one side, I can get along with the students very well and jive with them, but on the other side, I tend to commit more mistakes and then fail. But I don't want to live with that mentality anymore. And as I grow older next month, I do hope that I could fix that sword and finally be respected by my colleagues and superiors. I am a competitive person, and I'm going to live with that until the day I die.
Muli, salamat po sa pagkakataon. Wala po sa diksyunaryo ko ang salitang "pangako" pero gagawin ko ang makakaya ko para malampasan ang dating SerPol.
Hanggang sa muli.
No comments:
Post a Comment